YouVersion Logo
Search Icon

Mga Taga-Filipos 1

1
Pagbati mula kay Pablo
1Mula kay Pablo, kasama si Timoteo na kapwa ko lingkod#1:1 lingkod: Sa literal, alipin. ni Kristo Hesus,
Sa mga hinirang#1:1 hinirang: Sa Griyego, hagios, na ang ibig sabihin ay “itinuring ng Diyos na kanya.” ng Diyos na nakay Kristo Hesus na nasa Filipos, kasama ang mga tagapangasiwa at mga tagapaglingkod:
2Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang nagmumula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesu-Kristo.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3Tuwing naaalala ko kayo, nagpapasalamat ako sa Diyos. 4Palagi akong masaya sa tuwing nananalangin ako para sa inyong lahat, 5dahil mula noong sumampalataya kayo hanggang ngayon ay katulong ko na kayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita. 6Nakatitiyak akong ipagpapatuloy ng Diyos ang mabuting gawain na sinimulan niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Kristo Hesus.
7Dapat lang na ganito ang maramdaman ko dahil mahal ko kayo. Naging kabahagi kayo sa pribilehiyong ibinigay ng Diyos sa akin, kahit na nakabilanggo ako ngayong nagtatanggol at nagpapatunay sa Magandang Balita. 8Alam ng Diyos na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Kristo Hesus sa inyo.
9Ipinagdarasal kong lalo pang lumago ang pagmamahal ninyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa, 10upang mapili ninyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Kristo. 11Nawaʼy palagi kayong mapuspos ng bunga ng inyong kaligtasang; ang matuwid na pamumuhay na nagmumula kay Hesu-Kristo, upang maparangalan at mapapurihan ang Diyos.
Ang Kagalakan ni Pablo na Naipapangaral si Kristo
12Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang lahat ng nangyari sa akin ay nakatulong pa sa paglaganap ng Magandang Balita. 13Sapagkat alam na ng lahat ng guwardiya sa palasyo at ng iba pang naririto na nabilanggo ako dahil sa pagsunod ko kay Kristo. 14Dahil din sa pagkakabilanggo ko, lalo pang tumibay ang pananampalataya ng karamihan sa ating mga kapatid sa Panginoon at lalo rin silang tumapang sa pagpapahayag ng Magandang Balita.
15Totoong may ilan diyan na nangangaral lang tungkol kay Kristo dahil naiinggit sila sa akin at gusto nilang ipakita na mas magaling sila kaysa sa akin. Ngunit may ilan din namang tapat ang hangarin sa pangangaral. 16Nangangaral sila dahil sa pagmamahal, at alam nilang dinala ako rito ng Diyos para ipagtanggol ang Magandang Balita. 17Ang mga taong naiinggit ay hindi tapat sa pangangaral nila tungkol kay Kristo. Ginagawa nila ito dahil sa pansariling hangarin. Inaakala nilang lalo pang madadagdagan ang mga paghihirap ko sa bilangguan dahil sa ginagawa nila. 18Ngunit walang anuman ang lahat ng iyon sa akin. Tama man o mali ang hangarin nila, ang mahalagaʼy naipapangaral si Kristo, at dahil ditoʼy nagagalak ako.
At patuloy akong magagalak, 19dahil alam ko na makakalaya ako sa kalagayang ito sa pamamagitan ng mga panalangin ninyo at sa tulong ng Espiritu ni Hesu-Kristo. 20Malaki ang hangarin at pag-asa ko na hindi ako mapapahiya, kundi tulad ng dati, magkakaroon ako ng lakas ng loob upang sa pamamagitan ng buhay o kamatayan ko ay maparangalan si Kristo. 21Sapagkat para sa akin, ang buhay ko ay para kay Kristo. At kung mamatay man ako, kapakinabangan ito sa akin. 22Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko. 23Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Kristo, dahil ito ang mas mabuti. 24Ngunit kailangan kong patuloy na mabuhay para sa kapakanan ninyo. 25Dahil dito, natitiyak kong mabubuhay pa ako at makakasama ninyo upang matulungan kayong lumago at maging maligaya sa pananampalataya. 26At kapag nakabalik na ako sa inyo, lalo pa kayong magkakaroon ng dahilan upang purihin si Kristo Hesus.
27Mamuhay kayo nang naaayon sa Magandang Balita ni Kristo. Nang sa gayon, makadalaw man ako sa inyo o hindi, mababalitaan kong nagkakaisa kayo at sama-samang naninindigan para sa pananampalatayang ayon sa Magandang Balita. 28Huwag kayong matakot sa mga kumakalaban sa inyo. Dahil kung hindi kayo natatakot, magiging tanda ito sa kanila na mapapahamak sila at ililigtas naman kayo ng Diyos. 29Sapagkat hindi lang ang pribilehiyong sumampalataya kay Kristo ang ibinigay sa inyo, kundi pati na rin ang dumanas ng hirap alang-alang sa kanya. 30Ngayon, dinaranas na ninyo ang paghihirap na nakita ninyong dinanas ko noong una, at nababalitaan ninyong dinaranas ko pa rin ito hanggang ngayon.

Currently Selected:

Mga Taga-Filipos 1: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in