Leviticus 14
14
Paglilinis ng Gumaling sa Sakit sa Balat
1Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2Ito ang mga tuntunin tungkol sa paglilinis ng taong gumaling sa malubhang sakit sa balat kapag sila ay iniharap sa pari: 3Lalabas ang pari sa kampo at susuriin niya ang katawan ng taong iyon. Kung gumaling na nga ito sa kanyang sakit, 4magpapakuha ang pari ng dalawang malinis#14:4 malinis: Ang ibig sabihin, itoʼy maaaring kainin o ihandog sa Panginoon. na ibong buhay, ilang kahoy na sedro, panaling pula, at isang kumpol ng halamang isopo. 5Ipapapatay ng pari ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig na galing sa isang bukal. 6Pagkatapos, kukuha siya ng buháy na ibon, kahoy na sedro, taling pula, at halamang isopo, at ilulubog lahat sa tubig na may dugo ng pinatay na ibon. 7At ang tubig na may dugo ay iwiwisik niya ng pitong beses sa taong gumaling sa sakit sa balat, at ipapahayag niya na malinis na ang taong iyon. At pagkatapos, pakakawalan ng pari ang buháy na ibon sa bukid.
8“Ngunit bago ituring na malinis ang taong gumaling, kinakailangang labhan muna niya ang kanyang damit, magpaahit ng kanyang buhok at balahibo, at maligo. Pagkatapos nito, maaari na siyang pumasok sa kampo pero hindi pa rin siya makakatira sa loob ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw. 9Sa ikapitong araw, muli niyang ipapaahit ang kanyang buhok at balahibo, lalabhan ang kanyang damit at maliligo, at silaʼy ituturing na malinis.
10“Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang lalaking tupa at isang babaeng tupa na isang taóng gulang, at walang kapintasan. Magdala rin siya ng tatlong kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil sa Panginoon. At magdala rin siya ng isang basong langis ng olibo. 11Pagkatapos, dadalhin ng pari ang tao at ang kanyang handog sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang paring ito ang magsasabi kung malinis na siya.
12“Kukunin ng pari ang isang lalaking tupa at ang isang basong langis ng olibo, at ihahandog niya ito bilang handog na kabayaran ng pagkakasala. Pagkatapos, itataas niya ito sa presensya Panginoon bilang handog na itinataas. 13At papatayin niya ang tupa sa banal na lugar, doon sa katayan ng mga handog para sa kasalanan at handog na sinusunog. Ang tupang ito ay napakabanal, at ito ay para sa mga pari, katulad ng handog bilang kabayaran ng pagkakasala. 14Pagkatapos, kukuha ang pari ng dugo ng tupang handog bilang kabayaran ng pagkakasala at ipapahid ito sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong naghandog upang maituring siyang malinis, gayundin sa kanyang kanang hinlalaki sa kamay at paa. 15Kukuha rin ang pari ng langis ng olibo at magbubuhos sa kanyang kaliwang palad, 16at ilulubog niya sa langis ng olibo ang mga daliri niya sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon. 17Ang natitirang langis ng olibo sa kanyang palad ay ipapahid niya sa taong lilinisin, sa ibabang bahagi ng kanang tainga at kanang hinlalaki ng kamay at paa kung saan ipinahid ang dugo ng handog para sa pagkakasala. 18Ang natitira pang langis ng olibo sa palad ng pari ay ipapahid niya sa ulo ng taong lilinisin at ito ang magsisilbing kabayaran sa kasalanan ng taong iyon sa harapan ng Panginoon.
19“Pagkatapos nito, iaalay ng pari ang handog para sa kasalanan upang maituring na malinis ang taong iyon at saka pa lang kakatayin ng pari ang handog na sinusunog. 20Ihahandog niya ito sa altar pati ang handog na pagkaing butil. Ganito ang gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon para matubos ang karumihan ng tao at pagkatapos ay maituturing na siyang malinis.
21“Ngunit kung mahirap ang tao at hindi niya kayang maghandog ng mga ito, magdala siya ng isang lalaking tupa bilang handog bilang kabayaran ng pagkakasala. Itataas niya ang handog na ito sa Panginoon para matubos siya sa kanyang kasalanan. Magdadala rin siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na may halong langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil sa Panginoon. At magdadala pa siya ng isang basong langis ng olibo. 22Magdadala rin siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, alinman ang makayanan niya sa mga ito. Ang isaʼy bilang handog para sa kasalanan at ang isa naman ay bilang handog na sinusunog.
23“Sa ikawalong araw, ang lahat ng handog na itoʼy dadalhin niya sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang linisin, sa harapan ng Panginoon. At ibibigay niya ito sa pari. 24Kukunin ng pari ang tupang ihahandog bilang kabayaran ng pagkakasala at ang isang basong langis ng olibo, at itataas niya iyon sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas. 25Pagkatapos, papatayin niya ang tupa at kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki nito sa kanang kamay at paa. 26Pagkatapos, maglalagay ang pari ng langis ng olibo sa kanyang kaliwang palad, 27at ilulubog niya sa langis ng olibo ang mga daliri sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon. 28Ang ibang langis ng olibo sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki nito sa kanang kamay at paa, doon mismo sa pinahiran ng dugo. 29Ang natirang langis ng olibo sa palad ng pari ay ipapahid sa ulo ng taong nililinis. Ito ang gagawin ng pari upang matubos ang kasalanan ng taong iyon sa harapan ng Panginoon. 30Pagkatapos, ihahandog ng pari ang dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, depende sa kakayanan ng taong nag-aalay; 31ang isaʼy handog para sa kasalanan at ang isaʼy handog na sinusunog. Ihahandog din niya ang handog na pagkaing butil. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang taong nililinis sa kanyang kasalanan, sa harapan ng Panginoon.”
32Ito ang mga tuntunin tungkol sa paglilinis ng taong may sakit sa balat na walang kakayanang ibigay ang nararapat na handog para sa kasalanan.
Seremonya ng Paglilinis kapag may Amag sa Bahay
33Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron 34“Kapag nasa Canaan na kayo, sa lugar na ibibigay ko sa inyo bilang inyong lupain, at dumating ang panahon na aamagin ang inyong mga bahay sa lupaing iyon, 35at mapupuna ng may-ari ng bahay na nagkakaamag ang kanyang bahay, dapat niya itong ipaalám sa pari. 36At bago pumasok ang pari sa bahay na iyon, ipag-uutos niyang ilabas lahat ang kagamitan sa loob ng bahay, dahil baka pati iyon ay maibilang na marumi. Pagkatapos, papasok ang pari sa bahay 37at titingnan niya ang amag. Kapag nakita niyang ang dingding ay parang kulay berde o namumula, at parang makapal ang tagos sa dingding,#14:37 kulay … dingding: O kinakain ang loob ng dingding. 38lalabas ang pari sa bahay na iyon at ipapasara niya ang bahay sa loob ng pitong araw. 39Sa ikapitong araw, babalik ang pari at muling titingnan ang amag sa bahay. At kung iyon ay kumalat pa sa ibang bahagi ng dingding, 40ipapatanggal niya ang mga dingding na may amag at ipapatapon sa labas ng bayan, doon sa pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi. 41At ipababakbak niya ang lahat ng bahagi ng dingding sa loob ng bahay at ang lahat ng binakbak ay ipapatapon din niya sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi. 42At ipag-uutos niya na palitan ang lahat ng bahagi ng dingding na tinanggal.
43“Ngunit kung pagkatapos nitoʼy muling magkaamag ang bahay, 44pupuntahan niyang muli ang pari at muling ipapasuri ito. Kung ang amag ay kumakalat, ituturing na marumi na naman ang bahay na iyon dahil pabalik-balik ang amag sa bahay. 45Kaya dapat nang gibain ang bahay at ang mga gamit nitoʼy ipatapon sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi.
46“Ang sinumang pumasok sa bahay na iyon na ipinasara ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 47At ang sinumang kumain o matulog sa bahay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit.#14:47 Tingnan ang talababa sa 11:24‑28b.
48“Ngunit kung sa pagsusuri ng pari ay hindi na nagkaamag ang bahay pagkatapos palitan ang mga bahagi ng dingding na may amag, ipapahayag ng pari na malinis na ang bahay dahil wala nang amag. 49At para maituring na malinis ang bahay, kinakailangan ng pari ang dalawang ibon, kahoy na sedro, pulang panali, at halamang isopo. 50Papatayin niya ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig mula sa bukal. 51At kukunin niya ang kahoy na sedro, ang pulang panali, halamang isopo, at ang buháy na ibon. At ilulubog niyang lahat ito sa tubig sa palayok na may dugo ng ibong pinatay. At ang tubig na may dugo ay iwiwisik niya ng pitong beses sa bahay. 52Kaya sa pamamagitan ng dugo ng ibon, tubig na galing sa bukal, buháy na ibon, kahoy na sedro, halamang isopo, at ng pulang panali, malilinis ng pari ang bahay. 53Pagkatapos, pakakawalan niya ang buháy na ibon sa labas ng bayan. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan sa bahay at magiging malinis na ito.
54-57“Ito ang mga tuntunin tungkol sa sakit sa balat na nakakahawa at kumakati, o namamaga, o may butlig o namumuti, at tungkol sa amag ng damit at amag sa bahay. At sa pamamagitan ng mga tuntuning ito, malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi.”
Currently Selected:
Leviticus 14: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
LEVITICO 14
14
Handog sa Paglilinis ng Ketongin
1At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2“Ito#Mt. 8:4; Mc. 1:44; Lu. 5:14; 17:14 ang magiging batas tungkol sa ketongin sa mga araw ng kanyang paglilinis. Siya'y dadalhin sa pari;
3at ang pari ay lalabas sa kampo at susuriin siya. Kung ang sakit na ketong ay gumaling na sa ketongin,
4iuutos ng pari sa kanila na ikuha siya ng dalawang buháy na malinis na ibon, kahoy na sedro, lanang pula at isopo;
5at ipag-uutos ng pari sa kanila na patayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang luwad sa ibabaw ng tubig na umaagos.
6Kukunin niya ang ibong buháy, ang kahoy na sedro, ang lanang pula at ang isopo, at itutubog ang mga ito at ang ibong buháy sa dugo ng ibong pinatay sa ibabaw ng tubig na umaagos.
7Iwiwisik niya nang pitong ulit sa taong lilinisin mula sa ketong; pagkatapos ay ipahahayag siya na malinis, at pakakawalan ang ibong buháy sa kalawakan ng parang.
8At siya na lilinisin ay maglalaba ng kanyang kasuotan at aahitin ang lahat niyang buhok, at maliligo sa tubig, at siya'y magiging malinis. Pagkatapos ay papasok siya sa kampo, subalit maninirahan sa labas ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw.
9Sa ikapitong araw ay muli niyang aahitin ang lahat ng buhok: sa ulo, baba, at kilay at lahat ng buhok sa kanyang katawan. Pagkatapos ay lalabhan niya ang kanyang kasuotan, at maliligo siya sa tubig, at siya ay magiging malinis.
10“Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang korderong lalaki na walang kapintasan, at ng isang korderong babae na isang taong gulang at walang kapintasan, at ng ikasampung bahagi ng harinang hinaluan ng langis, isang handog at ng isang log#14:10 Ang isang log ay katimbang ng halos 1/4 ng litro. na langis, bilang pagkaing handog.
11Ang paring naglilinis sa taong lilinisin ay tatayo sa harapan ng Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan kasama ng mga bagay na ito.
12Kukunin ng pari ang isa sa mga korderong lalaki at ihahandog bilang handog para sa budhing maysala, at ang log ng langis, at iwawagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.
13Kanyang papatayin ang korderong lalaki sa lugar na pinagpapatayan nila ng handog pangkasalanan at ng handog na sinusunog, sa banal na dako; sapagkat gaya ng handog pangkasalanan, ang handog para sa budhing maysala ay para sa pari; ito ay kabanal-banalan.
14Ang pari ay kukuha ng dugo ng handog para sa budhing maysala at ilalagay niya sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin.
15Pagkatapos ay kukuha ang pari ng log ng langis at ibubuhos sa ibabaw ng palad ng kanyang kaliwang kamay,
16at itutubog ng pari ang kanyang kanang daliri sa langis na nasa kanyang kaliwang kamay, at iwiwisik ang langis ng pitong ulit sa pamamagitan ng kanyang daliri sa harapan ng Panginoon.
17Mula sa nalabing langis na nasa kanyang kamay ay maglalagay ang pari ng dugo sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin, sa ibabaw ng dugo ng handog para sa budhing maysala.
18Ang nalabing langis na nasa kamay ng pari ay ilalagay niya sa ulo ng taong lilinisin, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon.
19Mag-aalay ang pari ng handog pangkasalanan, at itutubos sa kanya na lilinisin mula sa kanyang karumihan. Pagkatapos ay papatayin niya ang handog na sinusunog,
20at iaalay ng pari ang handog na sinusunog at ang butil na handog sa ibabaw ng dambana. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, at siya'y magiging malinis.
21“Kung siya'y dukha at ang kanyang kakayahan ay hindi makakasapat, kukuha siya ng isang korderong lalaki na handog para sa budhing maysala bilang handog na iwinawagayway upang ipantubos sa sarili, at ng ikasampung bahagi ng harina na hinaluan ng langis bilang butil na handog, ng isang log ng langis;
22at ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, ayon sa kanyang kaya; at ang isa ay magiging handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog.
23Sa ikawalong araw ay kanyang dadalhin ang mga iyon sa pari sa pintuan ng toldang tipanan para sa kanyang paglilinis sa harapan ng Panginoon.
24At kukunin ng pari ang korderong handog para sa budhing maysala at ang log ng langis at iwawagayway ang mga ito ng pari bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.
25Kanyang papatayin ang korderong handog para sa budhing maysala, at kukuha ang pari ng dugo mula sa handog para sa budhing maysala, at ilalagay sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanyang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin;
26at ibubuhos ng pari ang langis sa ibabaw ng palad ng kanyang kaliwang kamay.
27Pitong ulit na iwiwisik ng pari sa pamamagitan ng kanyang kanang daliri ang langis na nasa kanyang kaliwang kamay sa harapan ng Panginoon.
28At ilalagay ng pari ang langis na nasa kanyang kamay sa dulo ng kanang tainga, at hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin sa ibabaw ng pinaglagyan ng dugo ng handog para sa budhing maysala.
29Ang nalabing langis na nasa kamay ng pari ay ilalagay niya sa ulo ng taong lilinisin, upang ipantubos sa kanya sa harapan ng Panginoon.
30At kanyang ihahandog ang isa sa mga batu-bato o sa mga inakay ng kalapati, kung alin ang kanyang kaya.
31Kung alin ang abot ng kanyang kaya, ang isa'y handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog, bukod sa butil na handog. At ang pari ay gagawa ng pagtubos sa harapan ng Panginoon para sa kanya na lilinisin.
32Ito ang batas tungkol sa may sakit na ketong na hindi kayang bumili ng mga handog para sa kanyang paglilinis.”
Ang Paglilinis ng mga Bahay na may Sakit
33Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron:
34“Pagdating ninyo sa lupain ng Canaan na aking ibinigay sa inyo bilang pag-aari, at ako'y naglagay ng sakit na ketong sa isang bahay sa lupaing inyong pag-aari,
35ang may-ari ng bahay ay lalapit sa pari at sasabihin, ‘Mayroon yatang isang uri ng sakit sa aking bahay.’
36Ipag-uutos ng pari na alisan ng laman ang bahay bago siya pumasok upang tingnan ang sakit, upang ang lahat na nasa bahay ay huwag maging marumi; at pagkatapos ay papasok ang pari upang tingnan ang bahay.
37Kanyang susuriin ang salot, at kung ang salot ay nasa mga dingding ng bahay na nagkukulay berde, o namumula ng batik at ang anyo nito ay mas malalim kaysa dingding,
38kung gayon ay lalabas ang pari sa bahay tungo sa pintuan ng bahay at isasara ang bahay sa loob ng pitong araw.
39Muling babalik ang pari sa ikapitong araw at gagawa ng pagsusuri, at kung kumalat na ang salot sa mga dingding ng bahay,
40ay ipag-uutos nga ng pari na alisin ang mga batong kinaroroonan ng salot at itapon ang mga iyon sa isang dakong marumi sa labas ng bayan.
41Kanyang ipakakayod ang palibot ng loob ng bahay, at kanilang ibubuhos ang duming kinayod sa labas ng bayan, sa isang dakong marumi;
42at sila'y kukuha ng ibang mga bato, at ihahalili sa mga batong iyon, at kukuha ng ibang pampalitada para sa bahay.
43“Kung muling bumalik ang salot, at lumitaw sa bahay pagkatapos na maalis ang mga bato at pagkatapos ipakayod ang bahay, at pagkatapos na mapalitadahan,
44ay papasok ang pari at magsisiyasat. Kung ang salot ay kumalat na sa bahay, ito ay ketong na nakakasira sa bahay; ito'y marumi.
45Gigibain niya ang bahay, ang mga bato at ang mga kahoy, at ang lahat ng palitada ng bahay, at kanyang dadalhin sa labas ng bayan, sa isang dakong marumi.
46Ang pumasok sa bahay sa lahat ng mga araw na ito'y ipinasara ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
47At ang mahiga sa bahay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit; at ang kumain sa bahay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit.
48“Subalit kapag pumasok ang pari at maingat na tiningnan ito at ang salot ay hindi na kumalat sa bahay pagkatapos na mapalitadahan, ipahahayag ng pari na malinis ang bahay, sapagkat ang sakit ay napagaling na.
49Kukuha siya ng dalawang ibon para sa paglilinis ng bahay, ng kahoy na sedro, ng pulang sinulid, at ng isopo,
50at papatayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos,
51at kukunin niya ang kahoy na sedro, at ang isopo, at ang pulang sinulid, at ang ibong buháy, at ilulubog ang mga ito sa dugo ng ibong pinatay, at sa tubig na umaagos, at iwiwisik ng pitong ulit sa bahay.
52Gayon niya lilinisin ang bahay sa pamamagitan ng dugo ng ibon, ng agos ng tubig, ng ibong buháy, ng kahoy na sedro, ng isopo, at ng pulang sinulid;
53at kanyang pakakawalan ang ibong buháy sa labas ng bayan, sa kaparangan, at matutubos ang bahay; at ito ay magiging malinis.”
54Ito ang batas para sa bawat sari-saring sakit na ketong, sa pangangati;
55sa ketong ng kasuotan at ng bahay,
56at sa pamamaga, sa singaw, at sa batik na makintab;
57upang ipakita kung kailan marumi, at kung kailan malinis. Ito ang batas tungkol sa ketong.
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001