Job 41
ASND
41
1Job, mabibingwit mo kaya ang dragon na Leviatan? Matatalian mo kaya ang nguso niya ng lubid? 2Matatalian mo ba ng lubid ang ilong niya o mailalagay mo kaya ang kawil sa kanyang panga? 3Kapag nagawa mo iyon, makikiusap kaya siyang lagi sa iyo na pakawalan mo siya, o di kayaʼy magmakaawa siya sa iyo? 4Makikipagkasundo kaya siya sa iyo na magpapaalipin habang buhay? 5Magagawa mo kaya siyang parang alagang ibon o maibibigay mo ba siya sa iyong mga anak#41:5 mga anak: o, mga alipin. na babae para kanilang laruin? 6May negosyante kayang bibili sa kanya at hihiwa-hiwain siya para ipagbili? 7Tatalaban kaya ng matulis na sibat ang kanyang ulo o balat? 8Kapag hinawakan mo siya, maaalala mo kung gaano ito kahirap hulihin at masasabi mong hinding-hindi ka na uulit. 9Walang saysay ang mga pagsisikap na hulihin siya, dahil makita mo pa lang siyaʼy maduduwag ka na. 10Kung sa kanya ngaʼy walang mangangahas gumambala, sino pa kayang mangangahas na lumaban sa akin? 11Sino ang makapagsasabing may utang na loob ako sa kanya? Ang lahat dito sa mundo ay akin.
12“Sasabihin ko pa sa iyo ang tungkol sa katawan ng Leviatan at kung gaano siya kalakas at kamakapangyarihan. 13Sinong makakatuklap ng kanyang balat o makakatusok nito? 14Sino ang makakapagpabuka ng kanyang bunganga? Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot. 15Ang likod niyaʼy may makakapal na kaliskis na parang panangga na nakasalansan. 16-17Sobrang dikit-dikit na ito na kahit ang hangin ay hindi makakalusot at walang makakatuklap nito. 18Kapag sumisinga siya, may lumalabas na parang kidlat at ang kanyang mga mata ay mapula na parang bukang-liwayway. 19Bumubuga siya ng apoy, 20at umuusok ang ilong na ang usok ay parang nagmumula sa kumukulong palayok na may nagliliyab na panggatong. 21Ang hininga niyaʼy makapagpapabaga ng uling dahil sa apoy na lumalabas sa kanyang bunganga. 22Nasa leeg ang kanyang lakas, at ang makakita sa kanya ay kinikilabutan. 23Kahit ang kanyang mga laman ay siksik at matitigas. 24Matigas din ang puso niya, kasintigas ng gilingang bato. 25Kapag siyaʼy tumayo, takot na takot pati ang mga makapangyarihang tao. 26Walang espada, sibat, pana, o palasong makakapanakit sa kanya. 27Para sa kanya ang bakal ay kasinlambot lang ng dayami at ang tanso ay para lang bulok na kahoy. 28Hindi niya iniilagan ang mga pana. Ang mga batong tumatama sa kanyaʼy nagiging parang mga ipa lang. 29Ang mga kahoy na ipinapalo ay parang mga dayami lang sa kanya. At pinagtatawanan lang niya ang mga humahagibis na sibat na isinisibat sa kanya. 30Ang tiyan niyaʼy may mga kaliskis na matalim, na parang mga basag na bote. Kaya kapag gumagapang siya sa putik, nag-iiwan siya ng mga bakas. 31Kinakalawkaw niya ang dagat hanggang bumula na parang kumukulong tubig sa palayok o kumukulong langis sa kaldero. 32Ang tubig na kanyang dinadaanan ay bumubula, parang puting buhok kung tingnan. 33Wala siyang katulad dito sa mundo. Isa siyang nilalang na walang kinatatakutan. 34Minamaliit niya ang lahat ng mayayabang na hayop. Siya ang hari ng lahat ng mababangis na hayop sa gubat.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)

Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®

Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.

Learn More About Ang Salita ng Dios