Jeremias 15
15
Ang Parusa para sa mga Taga-Juda
1Sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit sina Moises at Samuel pa ang magmakaawa sa akin para sa mga taong ito, hindi ko sila kahahabagan. Kaya ilayo mo sila sa akin. Paalisin mo sila! 2Kung magtatanong sila kung saan sila pupunta, sabihin mo na ito ang sinabi ng Panginoon:
‘Ang mga nakatakdang mamatay ay mamamatay.
Ang ibaʼy itinakdang
mamatay sa digmaan
at ang ibaʼy sa taggutom.
Ang iba namaʼy itinakdang bihagin.’
3“Ipapadala ko sa kanila ang apat na uri ng parusa,” sabi ng Panginoon. “Mamamatay sila sa digmaan, kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay nila, tutukain sila ng mga ibon at ang natitira sa mga bangkay nilaʼy uubusin ng mababangis na hayop. 4Kamumuhian sila ng lahat ng bansa sa mundo dahil sa ginawa ni Manases na anak ni Ezequias sa Jerusalem noong hari pa siya ng Juda.
5O mga taga-Jerusalem, sino kaya
ang mahahabag sa inyo?
Sino kaya ang magluluksa para sa inyo?
At sino kaya ang magtatanong
tungkol sa inyong kalagayan?
6Itinakwil ninyo ako;
palagi ninyo akong tinatalikuran.
Kaya ako, ang Panginoon,
ay nagsasabing iuunat ko
ang aking mga kamay upang kayo ay lipulin.
Sawa na akong kahabagan kayo.
7Parurusahan ko kayo tulad ng ipang tinatahip
sa pintuan ng lungsod.
Lilipulin ko kayo at ang mga anak ninyo,
dahil hindi ninyo tinalikuran
ang inyong masasamang ugali.
8Pararamihin ko ang inyong mga biyuda
na parang mas marami pa
kaysa sa buhangin sa tabing-dagat.
Sa katanghaliang tapat, ipapadala ko
ang lilipol sa mga ina ng mga binata.
Biglang darating sa inyo
ang pagdadalamhati at takot.
9May inang mawawalan ng pitong anak na lalaki.
Hihimatayin siya at mahihirapang huminga.
Ang kanyang mga anak ay parang araw na lumubog
nang napakaaga pa.
Mapapahiya siya dahil wala na siyang anak.
At ang mga matitirang buhay
ay ipapapatay ko rin sa mga kaaway,”
wika ng Panginoon.
10Kahabag-habag ako!
Sanaʼy hindi na ako isinilang ng aking ina!
Palagi akong kinakalaban sa buong Juda.
Wala akong utang kaninuman,
at hindi rin ako nagpapautang,
pero isinusumpa ako ng lahat.
11Sinabi ng Panginoon,
“Tiyak na ikaw ay aking ililigtas
para sa mabuting layunin;
tinitiyak kong ang iyong mga kaaway
ay magmamakaawa sa iyo
sa panahon ng kalamidad at kahirapan.
12“Kung papaanong walang makakabali
ng piraso ng bakal o tanso,
wala ring makakatalo sa mga kaaway
na galing sa hilaga.
13“Ipapasamsam ko sa mga kaaway ninyo
ang inyong mga kayamanan at ari-arian
dahil sa mga kasalanang inyong ginawa
sa buong bansa.
14Ipapaalipin ko kayo
sa inyong mga kaaway
sa lupaing hindi ninyo alam,
at ipadarama ko sa inyo
ang aking galit na
parang nagliliyab na apoy.”
15Sinabi ko, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat!
Alalahanin at tulungan po ninyo ako.
Ipaghiganti ninyo ako sa mga umuusig sa akin.
Alam kong hindi kayo madaling magalit,
kaya huwag po ninyo akong hayaang mamatay.
Alalahanin po ninyo ang mga paghihirap ko
dahil sa inyo.
16Noong nagsalita kayo sa akin,
pinakinggan ko po kayo.
Ang mga salita po ninyo ay kagalakan ko;
at akoʼy sa inyo,
O Panginoong Diyos ng mga Hukbo.
17Hindi po ako sumáma sa mga kasayahan at kagalakan nila.
Nag-iisa po ako dahil nakikipag-usap kayo sa akin
at sinabi nʼyo sa akin
ang tungkol sa inyong galit.
18Bakit hindi po natatapos ang aking paghihirap?
Bakit hindi na gumagaling ang aking mga sugat?
Hindi na po ba magagamot ang mga ito?
Bibiguin po ba ninyo ako
na parang sapa na natutuyo kapag tag-araw?”
19Kaya sinabi ng Panginoon,
“Kung ikaʼy magsisisi, pababalikin kita sa aking piling
upang patuloy kang makapaglingkod sa akin.
Kung magsasalita ka ng mga makabuluhang bagay
at iiwasan ang mga bagay na walang kabuluhan,
muli kitang gagawing aking tagapagsalita.
Kinakailangang sila ang lumapit sa iyo
at hindi ikaw ang lalapit sa kanila.
20Gagawin kitang parang matibay na tansong pader para sa mga taong ito.
Kakalabanin ka nila ngunit hindi ka nila magagapi,
sapagkat kasama mo ako.
Iingatan kita at ililigtas,” wika ng Panginoon.
21“Ililigtas kita sa kamay ng masasama
at sasagipin kita mula
sa mararahas na tao.”
Currently Selected:
Jeremias 15: ASD
Highlight
Share
Copy

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.