YouVersion Logo
Search Icon

Mga Hukom 11

11
Si Jefta
1Si Jefta na taga-Gilead ay isang magiting na sundalo. Si Gilead ang kanyang ama at ang kanyang ina ay isang babaeng bayaran. 2May mga anak si Gilead sa asawa niya, at noong malalaki na sila, pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin sa aming ama, dahil anak ka sa ibang babae.” 3Kaya lumayo si Jefta sa kanila at tumira sa Tob, kung saan sumáma sa kanya ang isang grupo ng mga taong palaboy-laboy.
4Dumating ang panahon na naglaban ang mga Amonita at mga Israelita. 5Dahil dito, pinuntahan ng mga tagapamahala ng Gilead si Jefta roon sa Tob. 6Sinabi nila, “Halikaʼt pamunuan mo kami sa pakikipaglaban namin sa mga Amonita.”
7Ngunit sumagot si Jefta, “Hindi baʼt napopoot kayo sa akin at pinalayas nʼyo ako sa bahay ng aking ama? Ngayon na nasa kagipitan kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin?”
8Ngunit sinabi nila, “Kailangan ka namin. Sige na, sumáma ka sa amin sa pakikipaglaban sa mga Amonita at ikaw ang magiging pinuno sa Gilead.”
9Sumagot si Jefta, “Kung sasáma ako na lalaban sa mga Amonita at pagtagumpayin ako ng Panginoon, ako ba talaga ang gagawin nʼyong pinuno?”
10Sumagot sila, “Oo, ang Panginoon ang saksi natin. Siguradong gagawin namin ang sasabihin mo.” 11Kaya sumáma si Jefta sa kanila at ginawa siyang pinuno at kumander ng mga taga-Gilead. At doon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon, inulit ni Jefta ang mga pangako niya bilang pinuno.
12Nagsugo si Jefta ng mga mensahero upang itanong sa hari ng mga Amonita kung bakit nila nilulusob ang Israel.
13Ito ang sagot ng hari ng mga Amonita sa mga mensahero ni Jefta: “Nang dumating ang mga Israelita mula sa Ehipto, sinakop nila ang mga lupain namin mula sa Ilog Arnon papunta sa Ilog Jaboc, hanggang sa Ilog Jordan. Kaya ngayon, ibalik nʼyo ito sa amin nang mapayapa.”
14Pinabalik ni Jefta ang mga mensahero sa hari ng mga Amonita 15para sabihin,
“Ito ang sabi ni Jefta: Hindi namin sinakop ang lupain ng Moab o ng Amon. 16Nang umalis sa Ehipto ang aming mga ninuno, dumaan sila sa ilang papunta sa Dagat na Pula hanggang nakarating sila sa Kades. 17Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa hari ng Edom upang hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito, pero hindi sila pinayagan. Ganito rin ang ginawa ng hari ng Moab sa kanila. Kaya nagpaiwan na lang sila sa Kades.
18“Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa ilang. Dumaan sila paikot ng Edom at Moab hanggang nakarating sila sa silangan ng Moab sa kabila ng Arnon. Doon sila nagkampo, pero hindi sila tumawid sa Ilog Arnon dahil hangganan iyon ng Moab.
19“Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amoreo (na naghari sa Hesbon) upang hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito upang makarating sila sa lugar nila. 20Ngunit hindi nagtiwala si Sihon sa kanila. Sa halip, tinipon niya ang mga sundalo niya sa Jahaz at nilusob ang mga Israelita.
21“Ngunit ibinigay ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, si Sihon at ang kanyang mga sundalo sa kamay ng mga Israelita. Kaya sinakop ng mga Israelita ang lahat ng lupain ng mga Amoreo na nakatira sa lugar na iyon. 22Nasakop nila mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Jordan.
23“Ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, ang siyang nagtaboy sa mga Amoreo at nagbigay ng kanilang lupain sa mga Israelita. At ngayon gusto nʼyo itong kunin? 24Angkinin nʼyo ang ibinigay sa inyo ni Cemos na inyong diyos. At aangkinin din namin ang ibinigay sa amin ng Panginoon naming Diyos. 25Ano, mas magaling ka pa ba kay Balak na anak ni Haring Zipor ng Moab? Hindi ba, hindi nga sila nakipag-away sa Israel tungkol sa lupain o nakipaglaban sa kanila? 26May tatlong daang taon nang nakatira ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer at sa mga bayan sa paligid nito, at pati sa mga bayan sa tabi ng Arnon. Bakit hindi nʼyo ito binawi noon pa? 27Wala kaming masamang ginawa sa inyo, pero masasama ang ginagawa nʼyo sa amin dahil gusto nʼyong makipaglaban sa amin. Ang Panginoon na sana ang humatol sa atin kung sino ang tama.”
28Ngunit hindi pinansin ng hari ng mga Amonita ang mensahe ni Jefta.
29At pinuspos ng Espiritu ng Panginoon si Jefta. Pumunta siya sa Gilead at sa Manases upang tipunin ang mga sundalo. Pagkatapos, bumalik siya sa Mizpa na sakop ng Gilead. At mula roon, nilusob niya ang mga Amonita. 30Nangako si Jefta sa Panginoon. Sinabi niya, “Kung ipagkakaloob nʼyo pong matalo ko ang mga Amonita, 31iaalay ko po sa inyo bilang handog na sinusunog ang unang lalabas sa pintuan ng aking bahay para salubungin ako sa aking pagbabalik mula sa labanan.”
32Nakipaglaban si Jefta sa mga Amonita, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 33Natalo niya ang mga Amonita, mula sa Aroer, sa paligid ng Minit, hanggang sa Abelqueramim; sa kabuuan, dalawampung bayan. Sa gayon, nagapi ng mga Israelita ang mga Amonita.
34Nang umuwi si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw habang tumutugtog ng tamburin. Siya ang nag-iisang anak ni Jefta. 35Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit, at sinabi, “Anak ko, dinurog mo ang puso ko. Ang sakit naman nito! Sapagkat nangako ako sa Panginoon, at hindi ko na ito mababawi pa.”
36Sumagot ang anak ni Jefta, “Ama, nangako po kayo sa Panginoon, kaya tuparin nʼyo po iyon, dahil pinagtagumpay kayo ng Panginoon sa mga kalaban nʼyong mga Amonita. 37Ngunit may isang bagay lang akong hihilingin sa inyo: payagan nʼyo po akong mag-ikot-ikot ng dalawang buwan sa bundok upang makapaghinagpis kasama ng mga kaibigan ko, dahil mamamatay na ako at hindi na makakapag-asawa.”
38Pinayagan siya ni Jefta. Kaya sa loob ng dalawang buwan, nag-ikot siya sa bundok kasama ng mga kaibigan niya upang maghinagpis, dahil mamamatay na siya at hindi na makakapag-asawa. 39Pagkalipas ng dalawang buwan, bumalik siya sa kanyang ama. At tinupad ni Jefta ang panata niya sa Panginoon, at namatay ang kanyang anak na isang birhen.
Dito nagmula ang kaugalian ng Israel 40na sa bawat taon, nagpapabalik-balik ang mga dalaga sa bundok ng Israel at naghihinagpis sa loob ng apat na araw bilang pag-alaala sa anak na babae ni Jefta na taga-Gilead.

Currently Selected:

Mga Hukom 11: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

Video for Mga Hukom 11