YouVersion Logo
Search Icon

Genesis 48

48
Si Manases at si Efraim
1Hindi nagtagal, may nagbalita kay Jose na may sakit ang kanyang ama. Kaya dinalaw ni Jose ang kanyang ama at isinama niya ang dalawang anak niyang sina Manases at Efraim. 2Nang masabihan si Jacob na dumating ang anak niyang si Jose, nagpalakas siya at sinikap na makaupo sa kanyang higaan.
3Sinabi ni Jacob kay Jose, “Noong naroon pa ako sa Luz, sa lupain ng Canaan, nagpakita sa akin ang Diyos na Makapangyarihan at binasbasan niya ako. 4Sinabi niya, ‘Pararamihin ko ang iyong lahi at magiging ama ka ng maraming tao. Ibibigay ko ang lupaing ito ng Canaan sa mga lahi mo at magiging inyo na ito magpakailanman.’
5“Ang dalawa mong anak na sina Efraim at Manases, na ipinanganak dito sa Ehipto bago ako dumating ay ituturing kong mga anak ko kagaya nina Ruben at Simeon. 6Ngunit mananatiling iyo ang susunod mong mga anak at makakatanggap sila ng mana galing kina Efraim at Manases. 7Gagawin ko ito alang-alang sa iyong ina. Pabalik na kami noon galing sa Padan. Namatay siya sa lupain ng Canaan, noong malapit na kami sa Efrata. Kaya kalakip ng matinding kalungkutan, inilibing ko na lang siya sa tabi ng daan na papunta sa Efrata.” (Ang Efrata ang tinatawag ngayon na Bethlehem.)
8Nang makita ni Israel#48:8 Israel: Na siya ring si Jacob. ang mga anak na lalaki ni Jose, nagtanong siya, “Sino sila?”
9Sumagot si Jose, “Sila po ang mga anak ko na ibinigay sa akin ng Diyos dito sa Ehipto.”
Kaya sinabi ni Israel, “Dalhin mo sila rito sa akin upang mabasbasan ko sila.”
10Halos hindi na makakita si Israel dahil sa katandaan, kaya dinala ni Jose ang mga anak niya papalapit kay Israel. Niyakap sila ni Israel at hinalikan.
11Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi na talaga ako umaasa na makikita pa kita, ngunit ngayon ipinahintulot ng Diyos na hindi lang ikaw ang makita ko kundi pati ang mga anak mo.”
12Kinuha agad ni Jose ang mga anak niya sa kandungan ni Israel at nagpatirapa. 13Pagkatapos, inilapit niya ang mga anak niya sa lolo ng mga ito. Si Efraim ay nasa kanan ni Jose, na nasa kaliwa ni Israel at si Manases ay nasa kaliwa ni Jose na nasa kanan ni Israel. 14Ngunit ipinatong ni Israel ang kanyang kanang kamay sa ulo ni Efraim na siyang nakababata, at ipinatong ang kanyang kaliwang kamay sa ulo ni Manases na siya namang nakatatanda.
15Pagkatapos, binasbasan niya ang mga ito na sinasabi,
“Nawaʼy pagpalain ang mga batang ito ng Diyos
na pinaglingkuran ng aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac,
na siya ring Diyos na nagbabantay sa akin
simula nang ipinanganak ako hanggang ngayon.
16At nawaʼy pagpalain din sila ng Anghel
na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan.
Nawaʼy maalala ako
at ang aking mga ninunong sina Abraham at Isaac sa pamamagitan nila.
At nawaʼy dumami pa sila sa mundo.”
17Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanang kamay nito sa ulo ni Efraim, hindi niya ito ikinatuwa. Hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama upang ilipat kay Manases, 18At sinabi, “Ama, hindi po iyan. Ito po ang panganay; ipatong po ninyo ang kanang kamay ninyo sa ulo niya.”
19Ngunit sumagot ang kanyang ama, “Oo, alam ko anak. Ang mga lahi ni Manases ay magiging kilala ring mga bansa. Ngunit mas magiging kilala ang mga lahi ng nakababata niyang kapatid at magiging mas marami ang lahi nito.” 20At sa araw na iyon, binasbasan niya ang mga ito at sinabi,
“Gagamitin ng mga Israelita ang pangalan mo sa pagbabasbas.
Sasabihin nila,
‘Nawaʼy pagpalain ka ng Diyos kagaya nina Efraim at Manases.’ ”
Sa paraang iyon, ginawa niya si Efraim na nakahihigit kay Manases.
21Kaya sinabi ni Israel kay Jose, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-aalala sapagkat sasamahan kayo ng Diyos at pababalikin kayo sa lupain ng inyong ninuno. 22At ikaw ang magmamana ng Shekem, at hindi ang mga kapatid mo. Ang lupain na iyon na napasaakin dahil sa pakikipaglaban ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng espada at pana.”

Currently Selected:

Genesis 48: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in