Genesis 4:9-16
Genesis 4:9-16 ASD
Pagkatapos, nagtanong ang PANGINOON kay Cain, “Nasaan ang kapatid mo?” Sumagot si Cain, “Hindi ko alam. Bakit, ako ba ang tagapagbantay ng kapatid ko?” Sinabi ng PANGINOON kay Cain, “Anoʼng ginawa mo? Ang dugo ng kapatid moʼy parang tinig na nagmamakaawa na parusahan ko ang taong pumatay sa kanya. Dahil sa ginawa mo, isusumpa ka. Mula ngayon, hindi ka na makakapagsaka sa lupa na sumipsip ng dugo ng iyong kapatid na iyong pinatay. Kahit magtanim ka pa, ang lupa ay hindi na magbibigay sa iyo ng ani. At wala kang pirmihang matitirhan, kaya magpapagala-gala ka kahit saan.” Sinabi ni Cain sa PANGINOON, “Napakabigat ng parusang ito para sa akin. Itinataboy ninyo ako ngayon sa lupaing ito at sa inyong harapan. Wala na akong matitirhan, at akoʼy magiging isang palaboy. At sinumang makakita sa akin, tiyak na papatayin ako.” Ngunit sinabi ng PANGINOON kay Cain, “Hindi iyan mangyayari sa iyo! Sapagkat ang sinumang papatay sa iyo ay gagantihan ko ng pitong beses.” Kaya nilagyan ng PANGINOON ng palatandaan si Cain upang hindi siya patayin ng kahit sinong makakakita sa kanya. Pagkatapos, lumayo si Cain sa PANGINOON at doon tumira sa lugar ng Nod, sa bandang silangan ng Eden.





