YouVersion Logo
Search Icon

Ezra 9

9
Ang Panalangin ni Ezra tungkol sa Pakikipag-asawa ng mga Dayuhan
1Pagkatapos ng pangyayaring iyon, pumunta sa akin ang mga pinuno ng mga Hudyo at nagsabi, “Marami sa mamamayan ng Israel, pati na ang mga pari at mga Levita, ang namumuhay katulad ng mga tao sa paligid nila. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Amonita, Moabita, Ehipsiyo, at Amoreo. 2Nagsipag-asawa pa sila at ang mga anak nila ng mga babaeng mula sa mga mamamayang nabanggit. Kaya ang mga mamamayang pinili ng Diyos ay nahaluan ng ibang mga lahi. At ang mga pinuno at mga opisyal pa ang siyang nangunguna sa kataksilang nito.”
3Nang marinig ko ito, pinunit ko ang damit ko, sinabunutan ko ang buhok ko, hinila ko ang balbas ko, at naupo akong tulala. 4Nagtipon sa akin ang mga tao na takot sa mensahe ng Diyos ng Israel dahil sa pagtataksil ng mga kapwa nila Israelitang bumalik galing sa pagkabihag. Naupo akong tulala, hanggang sa dumating ang oras ng panggabing paghahandog.
5Pagdating ng oras ng panggabing paghahandog, tumigil ako sa pagdadalamhati. Lumuhod akong gutay-gutay ang damit, at nanalangin na nakataas ang mga kamay sa Panginoon na aking Diyos. 6Sinabi ko,
“Diyos ko, hiyang-hiya po ako. Hindi ako makatingala sa inyo sa sobrang hiya, dahil sobra na ang mga kasalanan namin; parang umaapaw na po ito sa ulo namin at umabot na sa langit. 7Simula pa po sa kapanahunan ng mga ninuno namin hanggang ngayon, sobra na ang kasalanan namin; at dahil dito, kami at ang aming mga hari at mga pari ay palaging sinasakop ng mga hari ng ibang mga bansa. Pinatay nila ang iba sa amin, at ang iba naman ay binihag, ninakawan at pinahiya, katulad ng nangyayari sa amin ngayon.
8“At ngayon, sa maikling panahon, kinahabagan nʼyo po kami, Panginoon na aming Diyos. Niloob nʼyong may matira sa amin, at pinatira nʼyo kami nang may katiyakan sa banal na lugar na ito na inyong pinili. Binigyan nʼyo po kami ng pag-asa at pinagaan nʼyo ang aming kalagayan sa pagkaalipin. 9Kahit mga alipin kami, hindi nʼyo kami pinabayaan sa pagkaalipin, sa halip ipinapakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng mabuting pagtrato ng mga hari ng Persia sa amin. Ginawa nʼyo ito upang mabigyan kami ng bagong buhay, at upang maipatayo namin muli ang Templo nʼyong nagiba, at mabigyan nʼyo po kami ng kalinga sa Juda at Jerusalem.
10“Ngunit ngayong nagkasala kami, O aming Diyos, ano pa ang masasabi namin? Sapagkat binalewala namin ang mga utos nʼyo 11na ibinigay nʼyo sa amin sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ninyo. Sinabi nila sa amin na ang lupaing pupuntahan namin upang angkinin ay maruming lupain dahil sa kasamaan ng mga naninirahan dito. Dinumihan nila ang lahat ng bahagi ng lupaing ito sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam nilang gawain. 12Sinabi rin sa amin ng mga propeta na huwag kaming magsisipag-asawa sa kanila, at huwag kaming tutulong na umunlad sila, upang maging matibay at maunlad kami,#9:12 maunlad kami: O makakain kami ng pinakamabubuting ani ng lupain. at upang manatili ang pag-unlad na ito sa mga lahi namin magpakailanman.
13“Pinarusahan nʼyo kami, O aming Diyos, dahil sa mga kasalanan namin. Ngunit ang parusa nʼyo sa amin ay kulang pa po sa nararapat naming tanggapin, at niloob nʼyo pa na may matirang buhay sa amin. 14Ngunit sa kabila nito, sinuway ulit namin ang mga utos nʼyo, at nagsipag-asawa kami ng mga taong gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain. Talagang magagalit kayo sa amin at lilipulin kami hanggang sa wala nang matira sa amin. 15O Panginoon, Diyos ng Israel, makatarungan po kayo, sapagkat niloob nʼyo na may matira pang buhay sa amin hanggang ngayon. Inaamin po namin ang aming mga kasalanan, at hindi kami makakatayo sa presensya nʼyo dahil sa mga kasalanang ito.”

Currently Selected:

Ezra 9: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in