Ezra 6
6
Ang Utos ni Dario
1Kaya nag-utos si Haring Dario na saliksikin ang mga kasulatang nakatago sa lalagyan ng mga kayamanan doon sa Babilonia. 2Ngunit sa matatag na lungsod ng Ecbatana, na sakop ng lalawigan ng Media, natagpuan ang isang nakarolyong kasulatan na may nakasulat na:
3“Ang kasulatang ito ay nagpapaalala na sa unang taon ng paghahari ni Ciro, nag-utos siya na muling ipatayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem.
“Muling ipatayo ang Templo para maging lugar kung saan mag-aalay at magsusunog ng mga handog, at itatag ang mga pundasyon nito. Ang taas nitoʼy siyamnapung talampakan at ang luwang nitoʼy siyamnapung talampakan din. 4Ang bawat tatlong patong ng malalaking bato nito ay papatungan ng isang troso. Ang lahat ng gastos ay kukunin sa pondo ng kaharian. 5Ang mga kagamitang ginto at pilak sa bahay ng Diyos na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ibalik sa lalagyan nito sa Templo ng Jerusalem.
6“Kaya nagpadala si Haring Dario ng mensahe kay Tatenai, na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, kay Setar-bozenai, at sa mga kapwa nila opisyal sa lalawigang iyon. 7Lumayo kayo diyan sa Templo ng Diyos. Huwag na ninyong pakialaman ang pagpapatayo nito. Pabayaan ninyo na lang ang gobernador at ang iba pang mga tagapamahala ng mga Hudyo sa pagpapatayo nito sa dati nitong kinatatayuan.
8“Iniuutos ko rin na tulungan ninyo ang mga tagapamahala ng mga Hudyo sa kanilang pagpapatayo ng bahay ng Diyos:
“Bayaran ninyo ang lahat ng gastusin sa pagpapagawa, nang walang antala, mula sa pondo ng kaharian na nanggagaling sa mga buwis ng lalawigan sa kanluran ng Ilog Eufrates upang hindi maabala ang kanilang trabaho. 9Dapat ninyong bigyan araw-araw ang mga pari sa Jerusalem ng mga pangangailangan nila gaya ng batang toro, lalaking tupa, at batang lalaking tupa bilang handog na sinusunog para sa Diyos ng langit,#6:9 Diyos ng langit: O Diyos na nasa langit. pati na rin trigo, asin, alak, at langis. Dapat hindi kayo pumalya sa pagbibigay, 10upang makapag-alay sila ng mga handog na makakalugod sa Diyos ng langit, at maipanalangin ang ikabubuti ng hari at ng kanyang mga anak.
11“Iniuutos ko rin na ang sinumang hindi tutupad nito ay tutuhugin ng kahoy na tinanggal sa bahay niya, at ang bahay niya ay gigibain hanggang sa wala nang bahagi nito ang maiwang nakatayo.#6:11 gigibain … nakatayo: O gagawing tapunan ng basura. 12Nawaʼy ang Diyos na pumili sa Jerusalem bilang lugar kung saan siya sasambahin, ang siyang lumipol sa kahit sinong hari o kayaʼy bansa na hindi tutupad sa utos na ito at gigiba ng Templong ito sa Jerusalem.
“Ako, si Dario, ang nag-utos nito. Dapat itong ipatupad nang lubusan.”
Itinalaga ang Templo
13Tinupad nila Tatenai na gobernador, Setar-bozenai, at ng mga kasama nila ang utos ni Haring Dario. 14Kaya patuloy na nagtrabaho ang mga tagapamahala ng mga Hudyo habang pinapalakas sila ng mga mensahe ng mga propeta na sina Hagai at Zacarias na anak ni Ido. Natapos nila ang Templo ayon sa utos ng Diyos ng Israel na ipinatupad nina Ciro, Dario, at Artaherhes, na mga hari ng Persia. 15Natapos ang Templo nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Dario.
16Masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng bahay ng Diyos ang mamamayan ng Israel, ang mga pari, mga Levita, at ang iba pang bumalik galing sa pagkabihag. 17Sa pagtatalagang ito ng bahay ng Diyos, naghandog sila ng isangdaang toro, dalawandaang lalaking tupa, at apatnaraang batang lalaking tupa. Naghandog din sila ng labindalawang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan#6:17 handog para sa kasalanan: Sa ibang salin, handog dahil sa kasalanan o handog dahil sa mga kasalanang hindi sinadya. ng bawat lahi ng Israel. 18Itinalaga nila ang mga pari at mga Levita sa kani-kanilang tungkulin sa Templo ng Diyos sa Jerusalem ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises.
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel
19Nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, ipinagdiwang ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 20Nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili upang maging karapat-dapat sila sa pangunguna nila sa mga seremonya. Pagkatapos, kinatay ng mga Levita ang mga tupang handog sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel para sa lahat ng bumalik galing sa pagkabihag, para sa mga paring kamag-anak nila, at para sa sarili nila. 21Ang mga handog na ito ay kinain ng mga Israelitang bumalik galing sa pagkabihag at ng ibang mga taong nakatira roon na tumalikod na sa mga ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos para sambahin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel. 22Sa loob ng pitong araw ipinagdiwang nila nang may kagalakan ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Sapagkat binigyan sila ng Panginoon ng kagalakan nang binago niya ang puso ng hari ng Asiria upang tulungan sila sa paggawa ng bahay ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
Currently Selected:
Ezra 6: ASD
Highlight
Share
Copy

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.