YouVersion Logo
Search Icon

Exodus 25

25
Mga Handog para sa Tabernakulo
(Exo. 35:4‑9)
1Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2“Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila sa akin. Ikaw ang tumanggap ng kanilang mga handog na gusto nilang ialay sa akin.
3“Ito ang mga handog na tatanggapin mo mula sa kanila:
“ginto, pilak, tanso,
4lanang kulay asul, ube at pula, at pinong lino,
telang gawa sa balahibo ng kambing,
5balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat,
kahoy na akasya,
6langis ng olibo para sa ilaw,
mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso,
7batong onise at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa efod#25:7 efod: Ang efod ay espesyal na damit ng punong pari. at sa pektoral.
8“Magpagawa ka sa mga mamamayan ng Israel ng santuwaryo para sa akin upang titira ako sa gitna nila. 9Ipagawa mo ang Tabernakulo at ang mga kagamitan dito ayon sa eksaktong tuntunin na sinabi ko sa iyo.
Ang Kahon ng Kasunduan
(Exo. 37:1‑9)
10“Magpagawa ka ng Kahon na yari sa akasya: mga apatnapuʼt limang pulgada ang haba, dalawampuʼt pitong pulgada ang lapad at dalawampuʼt pitong pulgada rin ang taas. 11Balutan ninyo ito ng purong ginto sa loob at labas, at palagyan ng hinulmang ginto ang paligid nito. 12Maghulma ka ng apat na argolyang#25:12 argolya: Korteng singsing. ginto at ikabit ito sa apat na paa nito, dalawa sa bawat gilid. 13Magpagawa ka rin ng tukod na akasya at balutan ito ng ginto. 14Isuot mo ang tukod sa mga argolyang ginto sa bawat gilid ng Kahon upang mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod. 15Huwag ninyong tatanggalin ang argolyang ginto sa tukod ng Kahon. 16Pagkatapos, ipasok mo sa Kahon ang malalapad na bato ng kasunduan na ibibigay ko sa iyo.
17“Magpagawa ka ng takip ng kapatawaran gamit ang purong ginto, apatnapuʼt limang pulgada ang haba at dalawampuʼt pitong pulgada ang lapad. 18Magpagawa ka rin ng dalawang gintong kerubin gamit ang pinanday na ginto, at ilagay ito sa mga dulo ng takip. 19Ilagay ang isang kerubin sa isang dulo at ang isa naman sa kabilang dulo. Ang mga kerubin ay gawing kaisang piraso ng takip sa magkabilang dulo nito. 20Kailangang nakabuka paitaas ang pakpak ng mga kerubin na nakalukob sa takip. Dapat magkaharap ang dalawang kerubin at nakatingin sa takip. 21Ilagay mo sa Kahon ang malalapad na batong ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang mga utos ko, at pagkatapos ay takpan mo ang Kahon. 22Makikipagkita ako sa iyo roon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon,#25:22 Kahon: Sa literal, Kahon ng Patotoo. Ito ay isa pang tawag sa Kahon ng Kasunduan. at ibibigay ko sa iyo ang lahat ng utos para sa mga mamamayan ng Israel.
Ang Mesa na Pinaglalagyan ng Tinapay
(Exo. 37:10‑16)
23“Magpagawa ka rin ng mesang akasya, na may sukat na tatlumpuʼt anim na pulgada ang haba, labingwalong pulgada ang lapad at dalawampuʼt pitong pulgada ang taas. 24Balutan mo ito ng purong ginto at lagyan ng hinulmang ginto ang mga paligid nito. 25Palagyan nʼyo rin ito ng sinepa sa bawat gilid, apat na pulgada ang lapad, at palagyan ng hinulmang ginto ang sinepa. 26Magpagawa ka rin ng apat na argolyang ginto at ikabit sa apat na sulok ng mesa, 27malapit sa sinepa. Dito ninyo ipasok ang mga tukod na pambuhat sa mesa. 28Dapat ay akasya ang tukod at nababalutan ng ginto.
29“Magpagawa ka rin ng mga pinggan, tasa, banga at mga mangkok na gagamitin para sa handog na inumin. Kailangang purong ginto ang mga ito. 30At kailangang palaging lagyan ng tinapay na inihahandog sa aking presensya ang mesang ito.
Ang Ilawan
(Exo. 37:17‑24)
31“Magpagawa ka rin ng ilawan na gawa sa pinitpit na purong ginto ang paa, katawan at mga palamuting hugis bulaklak, na ang ibaʼy buko pa lang at ang ibaʼy nakabuka na. Ang palamuting ito ay dapat kasama nang gagawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw. 32Ang ilawan ay may anim na sanga, tigtatatlo sa bawat gilid. 33Ang bawat sanga nito ay may tatlong palamuting hugis bulaklak ng almendra na may kasamang usbong at talulot. 34Ang katawan ng ilawan ay may apat na palamuting hugis bulaklak ng almendra, na ang ibaʼy buko pa at ang ibaʼy nakabuka na. 35May isang hugis bulaklak sa ilalim ng bawat pares ng sanga na galing sa katawan nito, at lahat ay gawa sa isang piraso. 36Ang mga palamuting bulaklak at ang mga sanga ay isang piraso lamang nang hinulma ang lalagyan ng ilaw na yari sa pinanday na purong ginto.
37“Magpagawa ka ng pitong ilawan at ilagay sa lalagyan nito upang mailawan ang lugar sa harapan nito. 38Ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw at mga pansahod ng abo ng ilaw ay dapat purong ginto rin. 39Ang kailangan mo sa pagpapagawa ng ilawan at sa lahat ng kagamitan nito ay tatlumpuʼt limang kilo ng purong ginto. 40Siguraduhin mong ipapagawa mo ang lahat ng ito ayon sa planong ipinakita ko sa iyo rito sa bundok.

Currently Selected:

Exodus 25: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in