YouVersion Logo
Search Icon

Exodus 20

20
Ang Sampung Utos
(Deu. 5:1-21)
1Sinabi ng Panginoon,
2“Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.
3“Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa akin.
4“Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan na anyo ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig. 5Huwag ninyo itong paglilingkuran o sasambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin. 6Pero ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.
7“Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.
8“Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin. 9Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, 10pero ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay italaga ninyo para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga hayop, o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo. 11Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit, ang lupa, ang dagat at ang lahat ng naririto, pero nagpahinga ako sa ikapitong araw. Kaya pinagpala ko ang Araw ng Pamamahinga at ginawa itong natatanging araw para sa akin.
12“Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.
13“Huwag kayong papatay.
14“Huwag kayong mangangalunya.
15“Huwag kayong magnanakaw.
16“Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo sa inyong kapwa.
17“Huwag ninyong pagnanasahan ang bahay ng inyong kapwa, o ang kanyang asawa, mga alipin, mga hayop, o alin mang pag-aari niya.”
18Nang marinig ng mga tao ang kulog, at ang tunog ng trumpeta, at nang makita nila ang kidlat at ang bundok na umuusok, nanginig sila sa takot. Tumayo sila sa malayo 19at sinabi kay Moises, “Kayo na lang ang magsalita sa amin at makikinig kami, huwag na po ang Dios at baka mamatay kami.”
20Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot dahil pumunta ang Panginoon dito para subukin kayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at magkaroon kayo ng takot sa kanya, at nang hindi kayo magkasala.”
21Tumayo ang mga tao sa malayo habang si Moises ay lumalapit sa makapal na ulap kung saan naroon ang Dios.
22Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Nakita ninyo na nakipag-usap ako sa inyo mula sa langit. 23Kaya huwag kayong gagawa ng mga dios-diosang pilak o ginto para sambahing kasama nang pagsamba sa akin.
24“Gumawa kayo ng altar na lupa para sa akin at gawin ninyo itong pag-aalayan ng inyong mga tupa, kambing at mga baka bilang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon.#20:24 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod. Gawin ninyo ito sa lugar na pinili ko para sambahin ako, at doon ay pupuntahan ko kayo at pagpapalain. 25Kung gagawa kayo ng altar na bato para sa akin, huwag ninyong tatapyasin; dahil kung gagamitan ninyo ito ng sinsel, hindi na ito karapat-dapat gamitin sa paghahandog sa akin. 26At huwag din kayong gagawa ng altar na may hagdan dahil baka masilipan kayo sa pag-akyat ninyo.”

Currently Selected:

Exodus 20: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy