Deuteronomio 8
8
Huwag Kalilimutan ang Panginoon
1Sundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito, upang mabuhay kayo nang matagal at dumami, at makapanirahan sa lupaing pinasakop ng Panginoon sa inyong mga ninuno. 2Alalahanin ninyo kung paano kayo ginabayan ng Panginoon na inyong Diyos sa paglalakbay ninyo sa disyerto sa loob ng apatnapung taon. Ginawa niya ito para turuan kayong magpakumbaba, at sinubok niya kayo para malaman kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos o hindi. 3Ibinaba niya kayo sa pamamagitan ng paggutom sa inyo at pagkatapos, binigyan niya kayo ng manna – isang klase ng pagkain na hindi pa ninyo natitikman maging ng inyong mga ninuno mula pa noong una. Ginawa ito ng Panginoon para ituro sa inyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Panginoon. 4Sa loob ng apatnapung taon, hindi naluma ang mga damit ninyo at hindi namaga ang mga paa ninyo sa paglalakbay. 5Dapat ninyong maisip na gaya ng pagdidisiplina ng ama sa kanyang anak, ang Panginoon na inyong Diyos ay dumidisiplina rin sa inyo.
6Kaya sundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Diyos. Mamuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan at matakot kayo sa kanya. 7Sapagkat dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Diyos sa magandang lupain, na may mga sapa at mga bukal na umaagos sa mga lambak at mga kaburulan. 8Ang lupaing ito ay may mga trigo, sebada, ubas, igos, pomegranata, olibo at pulot. 9Hindi kayo mawawalan ng pagkain sa lupaing ito at hindi kayo kukulangin ng anuman. Makakakuha kayo ng bakal sa mga bato nito, at makakahukay kayo ng tanso sa mga kabundukan.
10Kapag nakakain na kayo at nangabusog, purihin ninyo ang Panginoon na inyong Diyos dahil sa magandang lupaing ibinigay niya sa inyo.
11Ingatan ninyong huwag makalimutan ang Panginoon na inyong Diyos at huwag ninyong susuwayin ang kanyang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito. 12Kapag nakakain na kayo at nangabusog, at kapag nakapagpatayo na kayo ng maaayos na matitirhan, 13at dumami na ang inyong mga hayop, pilak, ginto at mga ari-arian, 14siguraduhin ninyong hindi kayo magyayabang at lilimot sa Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto kung saan kayo inalipin. 15Ginabayan niya kayo sa malawak at nakakatakot na disyerto na may mga makamandag na ahas at mga alakdan. Walang tubig sa lugar na iyon ngunit binibigyan niya kayo ng tubig mula sa bato. 16Doon sa disyerto, binibigyan niya kayo ng “manna” – isang pagkain na hindi natitikman ng inyong mga ninuno. Ginawa ito ng Panginoon para magpakumbaba kayo at subukin kayo upang sa bandang huliʼy maging mabuti ang inyong kalagayan. 17Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, “Sa pamamagitan ng sarili kong kakayahan at lakas, naging akin ang lahat ng kayamanang ito.” 18Subalit alalahanin ninyo na ang Panginoon na inyong Diyos ang siyang nagbigay sa inyo ng kakayahang maging mayaman, at ginawa niya ito para matupad niya ang kasunduang ipinangako niya sa inyong mga ninuno, katulad ng ginawa niya ngayon.
19Ngunit binabalaan ko kayo ngayon, na kung kakalimutan ninyo ang Panginoon na inyong Diyos at susunod kayo sa ibang mga diyos, at sasamba kayo at maglilingkod sa kanila, tiyak na malilipol kayo. 20Kagaya ng pagwasak ng Panginoon sa mga bansa sa inyong harapan, lilipulin din niya kayo kung hindi kayo susunod sa Panginoon na inyong Diyos.
Currently Selected:
Deuteronomio 8: ASD
Highlight
Share
Copy

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.