YouVersion Logo
Search Icon

Deuteronomio 5

5
Ang Sampung Utos
(Exo. 20:1‑17)
1Tinipon ni Moises ang lahat ng mga Israelita at sinabi sa kanila:
“O mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga utos at tuntunin na ibibigay ko sa inyo sa araw na ito. Pag-aralan ninyo ito at sundin. 2Gumawa sa atin ng kasunduan ang Panginoon na ating Diyos sa Bundok ng Sinai.#5:2 Bundok ng Sinai: Sa Hebreo, Horeb. 3Hindi ito ginawa ng Panginoon sa ating mga ninuno kundi sa ating lahat na nabubuhay ngayon. 4At doon sa bundok nagsalita ang Panginoon sa inyo mula sa apoy na parang magkaharap lang kayo. 5Nakatayo ako sa pagitan ninyo at ng Panginoon nang oras na iyon para sabihin sa inyo ang mensahe ng Panginoon, dahil natatakot kayo sa apoy at ayaw ninyong umakyat sa bundok.”
Sinabi ng Panginoon:
6“Ako ang Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto kung saan kayo inalipin.
7“Huwag kayong sasamba sa ibang diyos maliban sa akin.”
8Huwag kayong gagawa ng imahen ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig para gawing diyos-diyosan ninyo. 9Huwag ninyong paglilingkuran o sasambahin ang mga ito, dahil ako ang Panginoon na inyong Diyos ay mapanibughuin. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin. 10Ngunit ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyong nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.
11Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Diyos, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.
12Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin, ang Panginoon na iyong Diyos, ayon sa iniutos ko sa inyo. 13Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, 14ngunit ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay ilaan ninyo para sa akin, ang Panginoon, na inyong Diyos. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na ito pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga baka, mga asno at iba pang mga hayop, o ang mga dayuhang naninirahang kasama mo. Sa ganitong paraan ay makakapagpahinga ring katulad ninyo ang inyong mga alipin. 15Alalahanin ninyong mga alipin kayo noon sa Ehipto, at ako ang Panginoon na inyong Diyos ang naglabas sa inyo roon sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan. Kaya ako, ang Panginoon na inyong Diyos ay nag-uutos sa inyo na sundin ninyo ang Araw ng Pamamahinga.
16Igalang ninyo ang inyong mga magulang, ayon sa iniutos ng Panginoon sa inyo upang mabuhay kayo nang matagal at maging mabuti ang inyong kalagayan sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.
17Huwag kang papatay.
18Huwag kang mangangalunya.
19Huwag kang magnanakaw.
20Huwag kang sasaksi nang hindi totoo laban sa iyong kapwa.
21Huwag mong pagnanasahan ang asawa ng iyong kapwa o ang kanyang bahay, lupa, mga alipin, mga baka o mga asno, o alin mang pag-aari niya.
22Iyan ang mga utos ng Panginoon sa inyong lahat na nagtipon sa bundok. Nang nagsalita siya nang malakas mula sa gitna ng apoy na napapalibutan ng makapal na ulap, ibinigay niya ang mga utos na ito at wala nang iba pang sinabi. Isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato at ibinigay sa akin.
23Nang marinig ninyo ang boses mula sa kadiliman habang naglalagablab ang bundok, lumapit sa akin ang lahat ng pinuno ng mga angkan at ang mga tagapamahala ninyo 24at sinabi nila, “Ipinakita sa atin ng Panginoon na ating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at karangalan, at narinig natin ang kanyang tinig mula sa apoy. Nakita natin sa araw na ito na maaaring mabuhay ang tao kahit nakipag-usap ang Panginoon sa kanya. 25Ngunit hindi namin ilalagay sa panganib ang buhay namin. Sapagkat kung maririnig namin muli ang boses ng Panginoon na ating Diyos, siguradong lalamunin kami ng apoy. 26May tao bang nanatiling buháy matapos niyang marinig ang boses ng Diyos na buháy mula sa apoy tulad ng ating narinig? 27Ikaw na lang ang lumapit sa Panginoon na ating Diyos, at pakinggan ang lahat ng sasabihin niya. Pagkatapos, sabihin mo sa amin ang lahat ng sinabi niya, dahil pakikinggan namin ito at susundin.”
28Narinig ng Panginoon ang sinabi ninyo nang nakipag-usap kayo sa akin, at sinabi niya, “Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga taong ito sa iyo, at mabuti ang lahat ng kanilang sinabi. 29Sanaʼy palagi silang magkaroon ng takot at sundin ang aking mga utos para maging mabuti ang kalagayan nila at ng kanilang mga salinlahi magpakailanman.
30“Lumakad ka at sabihin sa kanila na bumalik sila sa kanilang mga tolda. 31Ngunit magpaiwan ka rito sa akin para maibigay ko sa iyo ang lahat ng utos at tuntunin na ituturo mo sa kanila, na kanilang susundin doon sa lupaing ibinibigay ko sa kanila para sakupin.”
32Kaya sundin ninyong mabuti ang iniutos ng Panginoon na inyong Diyos sa inyo. Huwag ninyong susuwayin ang kahit isa sa kanyang mga utos. 33Mamuhay kayo ayon sa iniutos ng Panginoon na inyong Diyos sa inyo para mabuhay kayo nang matagal at masagana roon sa lupaing inyong sasakupin.

Currently Selected:

Deuteronomio 5: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in