Deuteronomio 30
30
Pagpapala ng Manunumbalik sa Panginoon
1Kapag nangyari na sa inyo ang mga bagay na ito – ang mga pagpapala at ang mga sumpa na aking sinabi sa inyo – at maalala ninyo ito kapag naroon na kayo sa mga bansa kung saan ipinabihag kayo ng Panginoon na inyong Diyos, 2at kung sa mga oras na iyon ay magbabalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos, at susundin ninyo nang buong puso at kaluluwa ang lahat ng iniutos ko sa inyo ngayon, 3kaaawaan kayo ng Panginoon na inyong Diyos at titipunin mula sa lahat ng bansa kung saan ipinabihag niya kayo, at pagkatapos ay muling magiging mabuti ang kalagayan ninyo. 4Kahit itinaboy pa niya kayo sa pinakamalayong bahagi ng mundo, titipunin pa rin kayo ng Panginoon na inyong Diyos 5at pababalikin kayo ng Panginoon sa lupain ng inyong mga ninuno, at aangkinin ninyo ito. Pauunlarin at padadamihin pa niya kayo kaysa sa inyong mga ninuno. 6Babaguhin ng Panginoon na inyong Diyos ang mga puso ninyo at ang mga puso ng inyong lahi upang mahalin ninyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa, at mabubuhay kayo nang matagal. 7Ipaparanas ng Panginoon na inyong Diyos ang lahat ng sumpang ito sa inyong mga kaaway na napopoot at gumigipit sa inyo. 8Muli ninyong susundin ang Panginoon at tutuparin ang lahat ng utos niyang ibinibigay ko sa inyo ngayon. 9Pauunlarin kayo ng Panginoon na inyong Diyos sa lahat ng ginagawa ninyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong mga ani, dahil natutuwa ang Panginoon na pagpalain kayo gaya ng pagpapala niya sa inyong mga ninuno. 10Mangyayari ito kung susundin ninyo ang Panginoon na inyong Diyos at tutuparin ang lahat ng utos niya at tuntuning nakasulat sa Aklat ng Kautusan, at kung manunumbalik kayo sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa.
11Hindi mahirap unawain at gawin ang mga utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 12Wala ito sa langit para magtanong kayo, “Sino ba ang aakyat sa langit para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?” 13Wala rin naman ito sa kabila ng dagat para magtanong kayo, “Sino ba ang tatawid sa dagat para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?” 14Hindi, napakalapit ng kautusan sa inyo; nasa bibig at puso ninyo ito upang inyong sundin.
15Makinig kayo! Sa araw na ito, pinapapili ko kayo: buhay o kamatayan, kasaganaan o kahirapan. 16Inuutusan ko kayo ngayong mahalin ang Panginoon na inyong Diyos, na mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, at sundin ang kanyang mga utos at tuntunin. Kapag ginawa ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal at dadami, at pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing titirhan at aangkinin ninyo.
17Ngunit kung tatalikod kayo at hindi susunod sa kanya, at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga diyos; 18ngayon pa lang, binabalaan ko na kayong tiyak na mamamatay kayo. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa lupaing titirhan ninyo at mamanahin doon sa kabila ng Jordan na inyong sasakupin.
19Sa araw na ito, tinatawag ko ang langit at lupa na maging saksi kung alin dito ang pipiliin ninyo: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin sana ninyo ang buhay para mabuhay kayo nang matagal pati na ang inyong mga anak.#30:19 mga anak: O lahi. 20Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Diyos. Sundin ninyo siya at manatili kayo sa kanya, dahil siya ang inyong buhay. Kapag ginawa ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal doon sa lupaing ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.
Currently Selected:
Deuteronomio 30: ASD
Highlight
Share
Copy

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.