Deuteronomio 24
24
1Kung nag-asawa ang isang lalaki, at sa bandang huli ay inayawan na niya ito dahil may natuklasan siyang hindi niya nagustuhan dito, dapat siyang gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay at ibigay ito sa kanya, at maaari na niya itong paalisin sa kanyang bahay. 2Kung mag-aasawa muli ang babae, 3at hiwalayan na naman siya ng ikalawa niyang asawa o mamatay ito, 4hindi na siya maaaring mapangasawang muli ng nauna niyang asawa dahil narumihan na siya.#24:4 narumihan na siya: Maaaring ang ibig sabihin, nanlalaki na siya. Kasuklam-suklam ito sa paningin ng Panginoon. Hindi ninyo dapat gawin ang mga kasalanang ito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos bilang inyong mana.
5Kung bagong kasal ang isang lalaki, huwag ninyo siyang isasama sa labanan o bibigyan ng anumang tungkulin sa bayan sa loob ng isang taon, para manatili muna siya sa kanyang bahay at mabigyan ng kasiyahan ang kanyang asawa.
6Huwag ninyong kukuning sanla ang gilingan ng umutang sa inyo dahil para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.
7Sinuman sa inyo ang kumidnap sa kapwa niya Israelita at ginawa itong alipin o ipinagbili, dapat patayin ang kumidnap. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
8Tungkol sa malubhang sakit sa balat, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin na ipinapagawa sa inyo ng mga pari na mga Levita. Sundin ninyo ang mga iniutos ko sa kanila. 9Alalahanin ninyo kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Diyos kay Miriam nang naglalakbay kayo paglabas sa Ehipto.
10Kung magpapautang kayo ng kahit ano sa kapwa ninyo Israelita, huwag kayong papasok sa bahay niya para kumuha ng anumang isasanla niya. 11Maghintay lang kayo sa labas at dadalhin niya ito sa inyo. 12-13Kung mahirap ang tao, at pangbalabal ang isinanla niya sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ito. Isauli ito sa kanya habang hindi pa lumulubog ang araw para magamit niya ito sa kanyang pagtulog, at pasasalamatan ka pa niya. Ituturing ito ng Panginoon na inyong Diyos na gawang matuwid.
14Huwag ninyong dadayain ang mahihirap na trabahador sa kanilang upa, Israelita man siya o dayuhan na naninirahan sa inyong bayan. 15Bayaran ninyo siya ng isang araw na suweldo bago lumubog ang araw dahil mahirap siya at inaasahan niyang matanggap ito. Sapagkat kung hindi, baka dumaing siya sa Panginoon laban sa inyo at itoʼy ituturing na kasalanan ninyo.
16Hindi dapat patayin ang magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, o ang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang magulang; papatayin lamang ang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.
17Bigyan ninyo ng hustisya ang mga dayuhan at ang mga ulila. Huwag ninyong kukunin ang balabal ng biyuda bilang sanla sa kanyang utang. 18Alalahanin ninyong alipin kayo noon sa Ehipto at iniligtas kayo ng Panginoon na inyong Diyos. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.
19Kapag nag-aani kayo at may naiwang bigkis sa bukid, huwag na ninyo itong babalikan para kunin. Iwan na lang ninyo ito para sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Diyos sa lahat ng inyong ginagawa. 20Kung mamimitas kayo ng olibo, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira na lang ninyo ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda. 21Kung aani kayo ng ubas, huwag na ninyong babalikan ang mga naiwan. Itira nʼyo na lang ito sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda. 22Alalahanin ninyo na mga alipin kayo noon sa Ehipto. Ito ang dahilan kung bakit inuutusan ko kayong gawin ito.
Currently Selected:
Deuteronomio 24: ASD
Highlight
Share
Copy

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.