YouVersion Logo
Search Icon

Deuteronomio 20

20
Mga Tuntunin tungkol sa Digmaan
1Kung kayoʼy makikipagdigma, at makita ninyong mas marami ang mga kabayo, karwahe at sundalo ng inyong kalaban, huwag kayong matatakot, dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto. 2Bago kayo pumunta sa digmaan, dapat lumapit muna ang pari sa harapan ng mga sundalo at sabihin, 3“Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel! Sa araw na itoʼy makikipagdigma kayo sa inyong mga kaaway. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong matakot. 4Sapagkat ang Panginoon na inyong Diyos ang sasáma sa inyo! Makikipaglaban siya para sa inyo laban sa mga kaaway ninyo at pagtatagumpayin niya kayo!”
5Pagkatapos, ganito dapat ang sasabihin ng mga opisyal sa mga sundalo: “Sinuman sa inyo ang may bagong bahay na hindi pa naitatalaga, umuwi siya, dahil baka mapatay siya sa labanan, at ibang tao ang magtalaga ng bahay niya. 6Kung mayroon sa inyong nakapagtanim ng ubas at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga nito, umuwi rin siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang makinabang nito. 7Kung may ikakasal sa inyo, umuwi siya dahil baka mapatay siya sa labanan at ang ibang tao ang pakasalan ng kanyang mapapangasawa.”
8Sasabihin pa ng mga opisyal, “Kung mayroon sa inyong natatakot o naduduwag, umuwi siya dahil baka matakot din ang mga kasama niya.” 9Kapag natapos na ng mga opisyal ang pagsasabi nito sa mga sundalo, pipili sila ng mga pinunong mangunguna sa mga sundalo.
10Kung sasalakay kayo sa isang lungsod, bigyan nʼyo muna sila ng pagkakataong sumuko. 11Kapag sumuko sila at binuksan ang pintuan ng kanilang lungsod, gawin nʼyong alipin ang lahat at paglingkurin para sa inyo. 12Ngunit kung hindi sila susuko at makikipaglaban sila sa inyo, salakayin ninyo sila. 13Kapag silaʼy natalo ninyo sa tulong ng Panginoon na inyong Diyos sa inyo, patayin ninyo ang lahat ng kanilang mga kalalakihan. 14Ngunit maaari ninyong bihagin ang mga babae, mga bata, at ang mga hayop, at maaari ninyong samsamin ang lahat ng ari-arian na nasa lungsod. Gamitin ninyo ang mga samsam na ito na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos mula sa mga kaaway ninyo. 15Gawin lang ninyo ito sa mga lungsod na hindi bahagi ng lupaing sasakupin ninyo.
16Subalit patayin ninyo ang lahat ng tao sa mga lungsod na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos bilang inyong mana. 17Lipulin ninyo ang lahat ng Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Heveo at Jebuseo, bilang handog sa Panginoon na inyong Diyos ayon sa kanyang iniutos. 18Sapagkat kung hindi, tuturuan nila kayo ng lahat ng mga kasuklam-suklam na gawain nila sa pagsamba nila sa kanilang mga diyos, at dahil ditoʼy magkakasala kayo sa Panginoon na inyong Diyos.
19Kung matagal ang inyong pagsalakay sa isang lungsod, huwag ninyong puputulin ang mga punong namumunga. Kainin ninyo ang mga bunga nito, ngunit huwag ninyong puputulin, dahil hindi sila mga tao na dapat ninyong lipulin. 20Ngunit maaari ninyong putulin ang mga puno na walang bunga o walang bungang maaaring kainin, at gamitin ito sa pagsakop sa lungsod hanggang sa maagaw ninyo ito.

Currently Selected:

Deuteronomio 20: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in