YouVersion Logo
Search Icon

Deuteronomio 1

1
Ang Utos na Lisanin ang Horeb
1Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga mensaheng sinabi ni Moises sa lahat ng Israelita noong naroon pa sila sa ilang, sa silangan ng Ilog Jordan. Nagkampo sila sa Kapatagan ng Jordan#1:1 Kapatagan ng Jordan: Sa Hebreo, Araba. Ganito rin sa talata 7|DEU 1:7. malapit sa Suf, sa gitna ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Dizahab. 2(Aabot ng labing-isang araw ang paglalakbay mula sa Bundok ng Sinai#1:2 Bundok ng Sinai: Sa Hebreo, Horeb. Ganito rin sa talata 19|DEU 1:19. papunta sa Kades-barnea kung dadaan sa Bundok ng Seir.)
3Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan, sa ika-apatnapung taon mula nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto, sinabi sa kanila ni Moises ang lahat ng iniutos ng Panginoon na sabihin sa kanila. 4Nangyari ito matapos matalo ni Moises#1:4 ni Moises: O ng Panginoon. si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Hesbon, at si Haring Og ng Bashan na nakatira sa Astarot at Edrei.
5Habang silaʼy nasa lupain ng Moab, doon sa silangan ng Jordan, sinimulang ipaliwanag ni Moises ang mga kautusan ng Panginoon:
6Noong naroon tayo sa Horeb, sinabi sa atin ng Panginoon na ating Diyos, “Matagal na kayong naninirahan sa bundok na ito, 7kaya ipagpatuloy na ninyo ang inyong paglalakbay. Pumunta kayo sa kaburulan ng mga Amoreo at sa mga lugar sa palibot nito – sa Kapatagan ng Jordan, sa kabundukan, sa kaburulan sa kanluran,#1:7 kaburulan sa kanluran: Sa Hebreo, Shefela. sa Negeb, at sa mga lugar sa tabing-dagat. Pumunta kayo sa lupain ng Canaan at sa Lebanon, hanggang sa malaking Ilog ng Eufrates. 8Ibinibigay ko ang mga lupaing ito sa inyo. Humayo na kayo at angkinin ang mga lugar na ito na ipinangako ko, ang Panginoon, sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob, at sa kanilang salinlahi.”
Ang Paghirang sa mga Pinuno ng Lahi
(Exo. 18:13‑27)
9Nang panahong iyon, sinabi ko sa inyo, “Hindi ko kayo kayang pamunuan nang mag-isa. 10Pinarami kayo ng Panginoon na inyong Diyos. At ngayon, kasindami na kayo ng mga bituin sa langit. 11Paramihin nawa kayo ng Panginoon na siyang Diyos ng inyong mga ninuno, at pagpalain kayo ayon sa kanyang pangako. 12Ngunit paano ko aayusing mag-isa ang inyong mga away at problema? 13Kaya pumili kayo sa bawat lahi ninyo ng mga taong marunong, maunawain at iginagalang, at pamamahalain ko sila sa inyo.”
14Sumagot kayo, “Maganda ang sinabi mo.”
15Kaya pinamahala ko sa inyo, bilang mga hukom at mga opisyal, ang mga taong marunong at iginagalang na mula sa inyong lahi. Ang ibaʼy responsable sa isang libong tao, ang ibaʼy sa isang daan, ang ibaʼy sa limampu, at ang ibaʼy sa sampu. 16Nang panahong iyon, iniutos ko sa inyong mga hukom, “Mamagitan kayo sa mga alitang idinudulog sa inyo ng mga tao, at humatol nang makatarungan, hindi lang sa mga Israelita kundi pati na rin sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 17Wala dapat kayong papanigan sa inyong paghatol; parehas ninyong pakinggan ang mga mahihirap at mayayaman. Huwag kayong matatakot kahit kanino, dahil galing sa Diyos ang mga desisyong ginagawa ninyo. Kung mahirap para sa inyo ang kaso, dalhin ninyo ito sa akin at ako na ang bahala sa paghatol nito.” 18At sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.
Nagpadala ng mga Espiya
(Bil. 13:1‑33)
19Ayon sa iniutos ng Panginoon na ating Diyos, umalis tayo sa Bundok ng Sinai,#1:19 Bundok ng Sinai: Tingnan ang talababa sa talata 2|DEU 1:2. at naglakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na nakita mismo ninyo, at pumunta tayo sa kaburulan ng mga Amoreo. Pagdating natin sa Kades-barnea, 20sinabi ko sa inyo, “Nakarating na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng Panginoon na ating Diyos. 21Tingnan ninyo ang lupaing ibinigay niya sa inyo. Angkinin ninyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob.”
22Pagkatapos ay lumapit kayong lahat sa akin at nagsabing, “Magpadala muna tayo ng mga lalaking magmamanman sa lupain at mag-uulat kung saan tayo dadaan at kung saan ang mga bayang pupuntahan natin.”
23Napag-isip-isip kong mabuti ang planong iyon kaya pumili ako ng labindalawang tao, isa sa bawat lahi. 24Lumakad sila at dumaan sa kaburulan, at nakarating sa Lambak ng Eshcol at nagmanman sila roon. 25Sa kanilang pagbalik, may dala sila sa ating mga prutas galing doon, at ibinalita nila na masagana ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na ating Diyos.
Ang Pagsuway ng Israel sa Panginoon
26Subalit ayaw ninyong pumunta doon, sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na inyong Diyos. 27Nagreklamo kayo sa inyong mga tolda at sinabi, “Kinasusuklaman tayo ng Panginoon, kaya pinaalis niya tayo sa Ehipto para ibigay sa kamay ng mga Amoreo at kanilang patayin. 28Paano tayo makakapunta roon? Tinakot tayo ng mga nagmanman sa lupain. Sinasabi nilang mas malalakas at mas matataas pa sa atin ang mga tao roon, at ang mga lungsod nila ay malalaki at napapalibutan ng mga pader na parang umabot na sa langit ang taas. At nakita pa nila roon ang mga higanteng mula sa lahi ni Anak.”
29Pagkatapos, sinabi ko sa inyo, “Huwag kayong masindak o matakot sa kanila. 30Ang Panginoon na inyong Diyos ang mangunguna at makikipaglaban para sa inyo, kagaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Ehipto 31at sa ilang. Nakita ninyo kung paano kayo inalagaan ng Panginoon na inyong Diyos, katulad ng ama na nag-aalaga sa kanyang anak, hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito.”
32Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin kayo nagtiwala sa Panginoon na inyong Diyos 33na nanguna sa inyong paglalakbay, sa pamamagitan ng apoy sa gabi at ulap kung araw. Inihanap niya kayo ng mga lugar na mapagkakampuhan ninyo at itinuro sa inyo kung saan kayo dadaan.
34Nang marinig ng Panginoon ang pagrereklamo ninyo, nagalit siya at sumumpang, 35“Wala kahit isa sa masamang henerasyong ito ang makakakita ng magandang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno, 36maliban kay Caleb na anak ni Jefune. Makikita niya ito, at ibibigay ko sa kanya at sa angkan niya ang lupaing ito na kanyang minanmanan, dahil buong puso niyang sinunod ang Panginoon.”
37Dahil sa inyo, nagalit din ang Panginoon sa akin. Sinabi niya sa akin, “Kahit ikaw ay hindi rin makakapasok sa lupaing iyon. 38Ngunit ang iyong lingkod na si Josue na anak ni Nun ay makakapasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mamumuno sa mga Israelita sa pag-angkin ng lupain. 39Makakapasok sa lupaing iyon ang inyong mga anak na wala pang muwang. Natatakot kayo na baka bihagin sila, ngunit sa kanila ko ibibigay ang lupaing iyon at maaangkin nila iyon. 40Ngunit kayo, babalik kayo sa ilang papunta sa Dagat na Pula.”
41At sinabi ninyo, “Nagkasala kami sa Panginoon. Lalakad kami at makikipaglaban ayon sa iniutos sa amin ng Panginoon naming Diyos.” Kaya inihanda ng bawat isa sa inyo ang kanyang mga armas, at inisip ninyo na madali lang ang pag-agaw sa mga kaburulan.
42Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, “Sabihin mo sa kanila na huwag munang lumakad at makipaglaban, dahil hindi ko sila sasamahan. Matatalo sila ng kanilang mga kaaway.”
43Kaya sinabihan ko kayo, subalit hindi kayo nakinig sa akin. Sinuway ninyo ang utos ng Panginoon, at dahil sa inyong kayabangan sumalakay kayo sa kaburulan. 44At nakipaglaban sa inyo ang mga Amoreo na naninirahan doon, at para silang mga pukyutang humabol at tumalo sa inyo mula sa Seir hanggang sa Horma. 45Nagbalik kayo at nag-iyakan sa Panginoon, ngunit hindi siya nakinig o sumagot man lang sa inyo. 46Iyan ang dahilan kaya nanirahan kayo nang matagal sa Kades.

Currently Selected:

Deuteronomio 1: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in