Daniel 4
4
Ang Panaginip ni Nebucadnezar tungkol sa Isang Puno
1Ipinadala ni Haring Nebucadnezar ang isang mensahe para sa lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika sa buong mundo:
“Sumainyo nawa ang mabuting kalagayan.
2“Ikinagagalak kong ipaalam sa inyo ang mga himala at kababalaghang ginawa sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
3Kamangha-mangha at makapangyarihan
ang mga himalang ipinakita ng Diyos.
Ang paghahari niya
ay walang hanggan.
4“Akong si Nebucadnezar ay nasa aking tahanan sa palasyo, mabuti at namuhay ako sa kasaganaan. 5Ngunit nagkaroon ako ng nakakatakot na panaginip at pangitain na bumabagabag sa akin. 6Kaya iniutos ko na dalhin sa akin ang lahat ng marurunong sa Babilonia upang ipaliwanag sa akin ang kahulugan ng aking panaginip. 7Nang dumating ang mga salamangkero, manghuhula at mga astrologo, sinabi ko sa kanila ang panaginip ko, pero hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito. 8Nang bandang huli, lumapit sa akin si Daniel. (Pinangalanan siyang Beltesazar na pangalan din ng aking diyos. Nasa kanya ang espiritu ng banal na mga diyos.)#4:8 mga diyos: O diyos; maaari ring, Diyos. Isinalaysay ko sa kanya ang aking panaginip.
9“Sinabi ko, ‘Beltesazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong nasa iyo ang espiritu ng mga diyos at nauunawaan mo agad ang kahulugan ng mga hiwaga. Sabihin mo sa akin ang kahulugan ng mga pangitaing nakita ko sa aking panaginip. 10Ito ang mga pangitaing nakita ko habang natutulog ako: Nakita ko ang isang napakataas na punongkahoy sa gitna ng mundo. 11Lumaki at tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito kahit saang bahagi ng mundo. 12Mayabong ang kanyang mga dahon at marami ang kanyang bunga na maaaring kainin ng lahat. Ang mga hayop ay sumisilong dito at ang mga ibon ay namumugad sa kanyang mga sanga. At dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.
13“ ‘Nakita ko rin sa panaginip ang isang anghel#4:13 anghel: Sa literal, banal na tagapagbantay. na bumaba mula sa langit. 14Sumigaw siya, “Putulin ninyo ang punongkahoy na iyan at ang mga sanga nito. Alisin ang mga dahon nito at itapon ang mga bunga. Bugawin ninyo ang mga hayop na sumisilong at ang mga ibon na namumugad sa mga sanga nito. 15Ngunit hayaan ninyo ang tuod sa gitna ng kaparangan upang maging talian ng bakal at tanso.”
“ ‘Ang taong sinisimbolo ng punong iyon ay laging mababasa ng hamog at kakain ng damo kasama ng mga hayop. 16Sa loob ng pitong taon ay mawawala siya sa katinuan at magiging isip-hayop.
17“ ‘Ito ang hatol na sinabi ng anghel upang malaman ng lahat na ang Kataas-taasang Diyos ang siyang may kapangyarihan sa kaharian ng mga tao. At maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin, kahit na sa pinakaabang tao.
18“ ‘Akong si Nebucadnezar ay nanaginip nang ganito, Beltesazar. Sabihin mo sa akin ang kahulugan nito dahil wala ni isa man sa mga marunong sa aking kaharian ang makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito. Ngunit maipapaliwanag mo ito sapagkat nasa iyo ang espiritu ng mga diyos.’#4:18 mga diyos: O diyos; maaari ring, Diyos.
Ipinaliwanag ni Daniel ang Kahulugan ng Panaginip
19“Nabagabag at natakot si Daniel (na tinatawag ding Beltesazar) nang marinig niya ito. Kaya sinabi sa kanya ng hari, ‘Beltesazar, huwag kang mabagabag sa panaginip ko at sa kahulugan nito.’
“Sumagot si Beltesazar, ‘Mahal na Hari, sana po ang inyong panaginip at ang kahulugan nito ay sa inyong mga kaaway mangyari at hindi sa inyo. 20Ang napanaginipan ninyong punongkahoy na lumaki at tumaas hanggang langit na kitang-kita sa buong mundo, 21na may mayayabong na dahon at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga, 22ay walang iba kundi kayo, Mahal na Hari. Sapagkat kayo po ay naging makapangyarihan; ang kapangyarihan ninyo ay abot hanggang langit,#4:22 kapangyarihan … langit: Maaaring ang ibig sabihin, gusto ni Nebucadnezar na humigit pa sa kapangyarihan ng Diyos. at ang inyong nasasakupan ay umabot sa ibaʼt ibang dako ng mundo.
23“ ‘Nakita nʼyo rin, Mahal na Hari, ang isang anghel na bumaba mula sa langit na sumisigaw, “Putulin ninyo ang punongkahoy pero hayaan ninyo ang tuod nito sa lupa na natatalian ng bakal at tanso. Hayaang mabasa ng hamog at kakain kasama ng mga hayop sa gubat sa loob ng pitong taon.”
24“ ‘Mahal na Hari, ito po ang ibig sabihin ng pangitaing niloob ng Kataas-taasang Diyos na mangyari sa inyo: 25Itataboy kayo at ilalayo sa mga tao at maninirahan kayong kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain kayo ng damo tulad ng baka at palagi kayong mababasa ng hamog. Pagkatapos ng pitong taon, kikilalanin nʼyo ang Kataas-taasang Diyos na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin. 26Tungkol naman po sa sinabi ng anghel na hayaan lang ang tuod, ang ibig sabihin noon ay ibabalik sa inyo ang kaharian nʼyo kung kikilalanin nʼyo na ang Diyos ang siyang naghahari sa lahat. 27Kaya Mahal na Hari, pakinggan nʼyo po ang payo ko: Tigilan nʼyo na po ang inyong kasamaan, gumawa kayo ng matuwid at maging maawain sa mga dukha. Kung gagawin nʼyo po ito, baka sakaling manatili kayong sagana.’
Nagkatotoo ang Panaginip
28“Ang lahat ng itoʼy nangyari sa buhay ni Haring Nebucadnezar. 29Pagkalipas ng isang taon habang namamasyal si Haring Nebucadnezar sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia 30sinabi ng hari, ‘Talagang makapangyarihan ang Babilonia, ang itinayo kong maharlikang bayan sa pamamagitan ng aking kapangyarihan at para sa aking karangalan.’
31“Hindi pa siya halos natatapos sa pagsasalita, may tinig mula sa langit na nagsabi, ‘Haring Nebucadnezar, makinig ka: Binabawi ko na sa iyo ang iyong kapangyarihan bilang hari. 32Itataboy ka mula sa mga tao at maninirahan kang kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain ka ng damo na parang baka. Pagkatapos ng pitong taon ay kikilalanin mo ang Kataas-taasang Diyos na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.’
33“Nangyari nga agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya mula sa mga tao at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan, at humaba ang kanyang buhok na parang balahibo ng agila at ang kanyang kuko ay parang kuko ng ibon.
34“Pagkatapos ng pitong taon, ako, si Nebucadnezar ay lumapit sa Diyos#4:34 lumapit sa Diyos: Sa literal, tumingala sa langit. at nanumbalik ang matino kong pag-iisip. Kaya pinuri ko at pinarangalan ang Kataas-taasang Diyos na buhay magpakailanman. Sinabi ko,
‘Ang paghahari niya ay walang katapusan.
35Balewala ang mga tao sa mundo
kung ikukumpara sa kanya.
Ginagawa niya ang nais niya sa mga anghel sa langit
at sa mga tao sa lupa.
Walang makakatutol o makakahadlang sa kanya.’
36“Nang manumbalik na ang aking katinuan, ibinalik din sa akin ang karangalan at kapangyarihan bilang hari. Muli akong tinanggap ng aking mga opisyal at mga tagapayo, at akoʼy naging mas makapangyarihan kaysa dati. 37Kaya ngayon, akong si Nebucadnezar ay pinupuri at pinararangalan ang Hari ng langit, dahil matuwid at tama ang lahat niyang ginagawa at ibinabagsak niya ang mga mapagmataas.”
Currently Selected:
Daniel 4: ASD
Highlight
Share
Copy

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.