YouVersion Logo
Search Icon

2 Pedro 3

3
Ang Pagbabalik ng Panginoon
1Mga minamahal, pangalawang sulat ko na ito sa inyo. Sa mga sulat ko, sinikap kong gisingin ang kaisipan nʼyo sa kabutihan, sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo ng ilang bagay. 2Nais kong ipaalala sa inyo ang mga salita ng mga propeta ng Diyos noong una at ang utos na ibinigay sa inyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo.
3Una sa lahat, dapat ninyong maunawaang sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak, at pagtatawanan nila kayo habang sinusunod ang kanilang masamang pagnanasa. 4Sasabihin nila, “Hindi baʼt nangako si Kristo na babalik siya? Nasaan na siya ngayon? Namatay na ang mga magulang namin ngunit wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundo.”
5Sinasadya nilang kalimutan ang katotohanang nilikha ng Diyos ang langit sa pamamagitan ng kanyang salita. At nilikha niya ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig.#3:5 Ang ibig sabihin, “nalikha ang lupa nang ihiwalay ng Diyos ang tubig sa isang lugar” (Gen. 1:9‑10). 6At sa pamamagitan din ng tubig, bumaha sa mundo at nalipol ang lahat. 7Sa pamamagitan din ng kanyang salita, itinakdang tupukin ng Diyos sa apoy ang kasalukuyang langit at lupa sa Araw ng Paghuhukom at paglipol sa masasamâ.
8Ngunit huwag sana ninyong kakalimutan mga minamahal, na sa Panginoon, walang pinagkaiba ang isang araw sa isang libong taon. Para sa kanya ang mga ito ay pareho lang. 9Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lang niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa mga kasalanan nila, dahil ayaw niyang mapahamak ang sinuman.
10Ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, biglang maglalaho ang kalangitan kasabay ng nakakapangilabot na ugong. Tutupukin ng apoy ang mga elemento sa kalangitan at ang lupa at ang lahat ng naroon ay masusunog.
11Kung ganito ang magiging kahihinatnan ng lahat, dapat kayong mamuhay nang banal at maka-Diyos, 12habang hinihintay nʼyo ang araw ng pagdating ng Diyos at ginagawa ang makakayanan nʼyo upang mapadali ang pagdating niya. Sa araw na ito, masisira ng apoy ang kalangitan at matutunaw ang lahat ng nasa lupa sa tindi ng init. 13Ngunit ayon sa pangako niya, may maaasahan din tayong bagong langit at lupang paghaharian ng katarungan.
14Kaya nga, mga minamahal, habang inaasahan nʼyo ang bagay na ito, pagsikapan ninyong mamuhay nang mapayapa, malinis, at walang kapintasan sa paningin niya.
15Alalahanin nʼyo na kaya hindi pa dumarating ang Panginoon ay upang mabigyan ng pagkakataong maligtas ang mga tao, gaya nga ng mga isinulat sa inyo ng mahal nating kapatid na si Pablo sa pamamagitan ng karunungang ibinigay sa kanya ng Panginoon. 16At ito rin ang sinasabi niya sa lahat ng sulat niya. May ilang bahagi sa mga sulat niya na mahirap intindihin, na binibigyan ng maling kahulugan ng mga hangal at mahihina ang pananampalataya, gaya ng ginagawa nila sa ibang mga Kasulatan. Kaya sila mismo ang nagpapahamak sa sarili nila.
17Mga minamahal, alam na ninyo ito kahit noon pa. Kaya mag-ingat kayo nang hindi kayo maloko sa pamamagitan ng mga maling aral ng mga taong suwail, at mawalay sa mabuti ninyong kalagayan sa Diyos. 18Sa halip, lumago kayo sa biyaya ng Diyos at sa pagkakakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo.
Purihin siya ngayon at magpakailanman! Amen.

Currently Selected:

2 Pedro 3: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in