2 Mga Taga-Corinto 3
3
1Baka sabihin ninyong pinupuri na naman namin ang aming mga sarili. Hindi kami katulad ng iba diyan na kailangan ang sulat ng rekomendasyon para sa inyo o galing sa inyo. 2Kayo na mismo ang rekomendasyong nakasulat sa aming mga puso, dahil ang pamumuhay ninyo ay nakikita at nababasa ng lahat. 3Malinaw na ang buhay nʼyo ay parang isang sulat mula kay Kristo na isinulat sa pamamagitan ng aming paglilingkod. Hindi tinta ang ipinansulat nito kundi ang Espiritu ng Diyos na buháy. At hindi rin ito isinulat sa malalapad na bato, kundi sa puso ng mga tao.
4Panatag naming nasasabi ang mga ito dahil sa aming pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo. 5Kung sa aming sarili lamang, wala kaming sapat na kakayahang gawin ito. Lahat ng aming kakayahan ay mula sa Diyos. 6Siya ang nagbigay sa amin ng kakayahang maipahayag ang kanyang bagong tipan. At ang bagong tipan na ito ay hindi ayon sa nakasulat na kautusan kundi ayon sa Espiritu. Sapagkat ang Kautusan ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay-buhay.
Ang Kaluwalhatian ng Bagong Tipan
7Noong ibinigay kay Moises ang Kautusang nakasulat sa bato, ipinakita ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises dahil nasisilaw sila, kahit pansamantala lamang iyon. Ngayon, kung ang pamamaraang ayon sa Kautusan na nagdudulot ng kamatayan ay may dalang kaluwalhatian, 8hindi baʼt mas higit pa ang kaluwalhatiang ipapakita sa pamamagitan ng Espiritu? 9Kung may dalang kaluwalhatian ang pamamaraang ayon sa Kautusan na nagdudulot ng kamatayan, higit pa ang kaluwalhatian ng pamamaraang ayon sa pagpapawalang-sala sa mga tao! 10Ang totoo, balewala na ang kaluwalhatian ng dati kung ihahambing sa nahihigit na kaluwalhatian ng bago. 11Kung may dalang kaluwalhatian ang pamamaraang pansamantala lamang, higit pa ang kaluwalhatian ng pamamaraang nananatili magpakailanman.
12At dahil sa pag-asa naming ito, malakas ang aming loob na ipahayag ang salita ng Diyos. 13Hindi kami tulad ni Moises na nagtakip ng mukha upang hindi makita ng mga Israelita ang kaluwalhatiang nakatakdang maglaho. 14Ang totoo, hindi naintindihan ng mga Israelita ang kahulugan nito noon dahil may tabing sa kanilang isipan. At kahit ngayon, may nakatakip pa rin sa kanilang isipan habang binabasa nila ang lumang tipan. At maaalis lamang ito kapag ang isang taoʼy nakay Kristo. 15Totoong hanggang ngayon ay may nakatakip sa kanilang isipan habang binabasa nila ang mga isinulat ni Moises. 16Ngunit kung lalapit ang tao sa Panginoon, maaalis ang takip sa kanyang isipan. 17Ngayon, ang binabanggit ditong Panginoon ay ang Espiritu, at kung ang Espiritu ng Panginoon ay nasa isang tao, malaya na siya. 18At dahil naalis na ang takip sa ating isipan, nakikita na natin ang kapangyarihan ng Panginoon. At ang kapangyarihang ito ay mula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang unti-unting bumabago sa atin hanggang tayoʼy maging katulad niya.
Currently Selected:
2 Mga Taga-Corinto 3: ASD
Highlight
Share
Copy

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.