2 Mga Taga-Corinto 13
13
Pangwakas na mga Bilin at mga Pangungumusta
1Ito na ang pangatlong pagdalaw ko sa inyo. Sinasabi sa Kasulatan, “Ang anumang kaso ng isa laban sa kapwa ay dapat patotohanan ng dalawa o tatlong saksi.”#13:1 Deu. 19:15. 2Ngayon, binabalaan ko ang mga nagkasala noon, pati na rin ang lahat, na walang sinumang makakaligtas sa aking pagdidisiplina. Sinabi ko na ito sa ikalawang pagdalaw ko diyan, at inuulit ko ngayon habang hindi pa ako nakakarating. 3Gagawin ko ito upang patunayan sa inyong si Kristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko, dahil ito rin ang hinahanap ninyo sa akin. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. 4Kahit na nagpakababa siya nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Diyos. Ganoon din naman, nagpapakababa rin kami#13:4 nagpapakababa rin kami: O mahina rin kami. bilang mga mananampalataya ni Kristo. Ngunit nabubuhay kami sa kapangyarihan ng Diyos upang makapaglingkod sa inyo.
5Suriin ninyo ang inyong sarili kung talagang tunay ang inyong pananampalataya. Siyasatin ninyong mabuti ang inyong sarili. Hindi ba ninyo alam na si Kristo Hesus ay nasa inyo maliban na lang kung hindi kayo tunay na mananampalataya? 6Umaasa akong makikita ninyo na tunay kaming mga apostol ni Kristo. 7Ipinapanalangin namin sa Diyos na hindi ninyo gagawin ang anumang masamang bagay. Ginagawa namin ito hindi para ipakita sa mga tao na sinusunod ninyo ang aming mga itinuturo, kundi upang patuloy kayong gumawa ng tama, kahit sabihin nilang hindi kami nagtagumpay bilang mga apostol. 8Kailanman ay hindi kami gagawa ng labag sa katotohanan, kundi ang naaayon lamang sa katotohanan. 9Nagagalak kami kung itinuturing kaming mahina ngunit kayo naman ay matatag sa inyong pananampalataya. At ipinapanalangin namin na maging karapat-dapat kayo. 10Kaya nga isinusulat ko ito ngayon habang wala pa ako diyan, upang pagdating ko, hindi ko na kailangang maging marahas sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin. Sapagkat nais kong gamitin ang kapangyarihang ito para sa inyong ikabubuti at hindi sa inyong ikapapahamak.
Mga Pangwakas na Pagbati
11Bilang pangwakas, mga kapatid, maging magalak kayo. Sikapin ninyo na walang makitang kapintasan sa inyo, at palakasin ninyo ang loob ng isaʼt isa. Magkaisa kayo at mamuhay nang mapayapa. Nang sa gayon, ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.
12Magbatian kayo bilang mga magkakapatid kay Kristo.#13:12 bilang mga magkakapatid kay Kristo: Sa literal, sa pamamagitan ng banal na halik.
Kinukumusta kayong lahat ng mga mananampalataya rito.
13Sumainyo nawang lahat ang biyaya ng Panginoong Hesu-Kristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikipag-isa ng Banal na Espiritu.#13:13 Sa ibang salin ng Bibliya, ang talata 12|2CO 13:12 ay ginawang dalawang talata kaya ang talata 13 ay naging 14.
Currently Selected:
2 Mga Taga-Corinto 13: ASD
Highlight
Share
Copy

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.