YouVersion Logo
Search Icon

2 Mga Cronica 34

34
Ang Paghahari ni Josias sa Juda
(2~Hari 22:1‑2)
1Si Josias ay walong taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng tatlumpuʼt isang taon. 2Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon at sumunod siya sa pamumuhay ng ninuno niyang si David. At hindi siya tumigil sa paggawa ng tama.
3Nang ikawalong taon ng paghahari niya, habang bata pa siya, nagsimula siyang dumulog sa Diyos ng kanyang ninunong si David. At noong labindalawang taon ng paghahari niya, nilinis niya ang Juda at Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapagiba ng mga sambahan sa matataas na lugar, ng mga posteng imahen ni Ashera, ng mga diyos-diyosan at mga imahen. 4Ipinagiba rin niya ang mga altar para kay Baal at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso sa tabi nito. Ipinadurog niya ang mga posteng imahen ni Ashera, ang mga diyos-diyosan at ang mga larawan, at isinabog sa libingan ng mga taong naghandog sa mga ito. 5Ipinasunog din niya ang mga buto ng mga pari sa kanilang mga altar na pinaghahandugan ng mga ito. Sa ganitong paraan, nilinis niya ang Juda at Jerusalem. 6Ganito rin ang ginawa niya sa mga bayan ng Manases, Efraim, Simeon, at hanggang sa Neftali, pati sa gibang mga bayan sa paligid nito. 7Ipinagiba niya ang mga altar at ang mga posteng imahen ni Ashera, at ipinadurog ang mga diyos-diyosan at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Pagkatapos niyang gawin ito sa buong Israel, umuwi siya sa Jerusalem.
8Sa ikalabingwalong taon ng paghahari ni Josias, matapos niyang ipalinis ang lupain at ang Templo, nagpasya siyang ipaayos ang Templo ng Panginoon na kanyang Diyos. Ipinagkatiwala niyang ipagawa ito sa kanyang kalihim na si Safan, na anak ni Azalias, sa gobernador ng Juda na si Maasias, at sa tagapamahala ng mga kasulatan ng kaharian na si Joa, na anak ni Joahaz.
9Pumunta sila kay Hilkias na punong pari upang ibigay ang pera na dinala ng mga tao sa Templo ng Diyos. Ang pera ay kinolekta ng mga Levita na tagapagbantay ng Templo mula sa mga mamamayan ng Manases, Efraim, at sa natitirang mga mamamayan ng Israel, at sa mga mamamayan ng Juda at Benjamin, pati na sa Jerusalem.
10Pagkatapos, ibinigay ang pera sa mga tao na pinagkatiwalaang mamahala sa pag-aayos ng Templo ng Panginoon, at ginamit nila ito sa pag-upa ng mga manggagawa. 11Ang ibang pera ay ibinigay nila sa mga manggagawa upang ibili ng mga batong tabas na at ng mga kahoy para sa biga ng Templo na pinabayaang magiba ng mga hari ng Juda.
12Naging matapat ang mga manggagawa sa kanilang trabaho. Pinamahalaan sila ng mga Levitang sina Jahat at Obadias, na mula sa angkan ni Merari, at Zacarias at Mesulam, na mula sa angkan ni Kohat. Ang mga Levitang mahuhusay magsitugtog ng mga instrumento 13ang namahala sa mga tagabuhat at manggagawang may ibaʼt ibang trabaho. Ang iba sa kanilaʼy mga kalihim, mga dalubhasa sa pagsulat ng mga dokumento, at mga tagapagbantay ng Templo.
Natagpuan ni Hilkias ang Aklat ng Kautusan
14Habang kinukuha ang pera na kinolekta sa Templo ng Panginoon, nakita ni Hilkias na pari ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises. 15Ibinalita niya kay Safan, na kalihim ng hari, na nakita niya ang Aklat ng Kautusan sa Templo ng Panginoon. Pagkatapos, ibinigay niya ito kay Safan.
16Dinala naman ito ni Safan sa hari at sinabi agad sa kanya, “Ginawa na po namin ang lahat ng ipinagawa nʼyo sa amin. 17Kinuha po namin ang pera sa Templo ng Panginoon at ibinigay sa mga tagapamahala at manggagawa.” 18Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay po sa aking aklat si Hilkias na pari.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.
19Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit sa hinagpis. 20Nag-utos agad siya kina Hilkias, Ahikam na anak ni Safan, Abdon na anak ni Mica, Safan na kalihim, at Asaias na kanyang personal na lingkod. Sinabi niya, 21“Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga naiwang mamamayan ng Israel at Juda tungkol sa nakasulat sa natagpuang aklat. Matindi ang galit ng Panginoon sa atin dahil hindi natupad ang mga nakasulat sa aklat.”
22Kaya pumunta si Hilkias at ang mga kasama niya sa isang propetang babae na si Hulda, na nakatira sa bagong bahagi ng Jerusalem. Si Hulda ay asawa ni Salum na anak ni Tokat at apo ni Hasra. Si Salum ang nagbabantay ng mga damit sa Templo.
23Sinabi ni Hulda sa kanila, “Ito ang sinabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel! Sabihin nʼyo sa lalaking nagpadala sa inyo sa akin, 24‘ito ang sinabi ng Panginoon: Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga mamamayan nito, lahat ng mga sumpang nakasulat sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda ay mangyayari. 25Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinaboy ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila#34:25 sumamba sila: Sa Hebreo, nagsunog sila ng insenso, na isang paraan sa pagsamba. sa ibang mga diyos. Ginalit nila ako sa kanilang mga ginawa.’#34:25 sa kanilang mga ginawa: O sa mga diyos-diyosan na kanilang ginawa.
26“Ngunit sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo upang magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: 27Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing 28habang buháy ka pa, hindi darating ang paglipol na ipapadala ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Mamamatay ka nang mapayapa.”
At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.
Nangakong Tutuparin ni Josias ang Utos ng Diyos
(2~Hari 23:1‑20)
29Pagkatapos, ipinatawag ng hari ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 30Pumunta siya sa Templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga Levita. Binasa sa kanila ni Josias ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan na nakita sa Templo ng Panginoon. 31Pagkatapos, tumayo si Josias sa tabi ng haligi na madalas tayuan ng hari. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susunod siya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Nangako siyang tutuparin niya ang mga ipinapatupad ng kasunduan na nakasulat sa aklat.
32At sinabi rin niya sa mga mamamayan ng Jerusalem at Benjamin na mangako sila na tutuparin nila ang kasunduan ng Diyos. Kaya sinunod nila ang kautusan ng Diyos, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
33Pagkatapos, ipinaalis ni Josias ang lahat ng kasuklam-suklam na mga diyos-diyosan sa buong lupain ng Israel, at pinaglingkod ang mga tao sa Panginoon na kanilang Diyos. Habang buhay siya, sinunod nila ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

Currently Selected:

2 Mga Cronica 34: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

Video for 2 Mga Cronica 34