YouVersion Logo
Search Icon

1 Corinto 3

3
Mga Lingkod ng Dios
1Mga kapatid, hindi ko kayo makausap noon bilang mga taong ginagabayan ng Espiritu ng Dios, kundi bilang mga taong makamundo at sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. 2Ang mga ipinangaral ko sa inyoʼy mga simpleng aral lamang dahil sa hindi pa ninyo kayang unawain ang malalalim na pangaral. At kahit ngayon, hindi pa ninyo ito kayang unawain, 3dahil makamundo pa rin kayo. Nag-iinggitan kayo at nag-aaway-away. Hindi baʼt patunay ito na makamundo pa rin kayo at namumuhay ayon sa laman? 4Kapag sinasabi ninyong “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” hindi baʼt para kayong mga taong makamundo na nagkakampi-kampihan?
5Bakit, sino ba si Apolos? At sino nga ba naman akong si Pablo? Kami ay mga lingkod lamang ng Dios na ginamit niya upang sumampalataya kayo. At ang bawat isa sa amin ay gumagawa lamang ng gawaing ibinigay sa amin ng Panginoon. 6Ako ang nagtanim, at si Apolos ang nagdilig. Ngunit ang Dios ang siyang nagpatubo. 7Hindi ang nagtanim at ang nagdilig ang mahalaga, kundi ang Dios na siyang nagpapatubo nito. 8Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong mga lingkod lamang. Ang bawat isa sa kanilaʼy tatanggap ng gantimpala ayon sa kanilang ginawa. 9Kami ni Apolos ay nagtutulungan bilang mga manggagawa ng Dios, at kayoʼy katulad ng bukirin na ipinasasaka sa amin ng Dios.
Maihahalintulad din kayo sa isang gusali na kanyang itinatayo. 10At ako naman, bilang dalubhasang tagapagtayo ang siyang naglagay ng pundasyon ayon sa kakayahang ibinigay sa akin ng Dios. Pagkatapos, iba namang manggagawa ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit kailangang maging maingat ang bawat nagtatayo 11dahil wala nang pundasyong maaari pang ilagay maliban sa nailagay na, at itoʼy walang iba kundi si Jesu-Cristo.
12May magtatayo sa pundasyong ito na gagamit ng mabuting klase ng mga materyales gaya ng ginto, pilak at mamahaling bato. Mayroon namang gagamit lamang ng kahoy, tuyong damo at dayami. 13Ngunit sa Araw ng Paghuhukom, makikita ang kalidad ng itinayo ng bawat isa dahil susubukin ito sa apoy. 14Kung ang itinayo ay hindi masusunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo. 15Ngunit kung ito namaʼy masunog, wala siyang tatanggaping gantimpala. Ganoon pa man, maliligtas siya, ngunit tulad lamang ng isang taong nakaligtas sa sunog na walang nailigtas na kagamitan.
16Hindi nʼyo ba alam na kayoʼy templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay naninirahan sa inyo? 17Ang sinumang wawasak sa templo ng Dios ay parurusahan niya, dahil banal ang templo ng Dios. At ang templong iyon ay walang iba kundi kayo.
18Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung mayroon man sa inyong nag-aakala na siyaʼy marunong ayon sa karunungan ng mundo, kinakailangang tigilan na niya ang ganyang pag-iisip upang maging marunong siya sa paningin ng Dios. 19Sapagkat ang karunungan ng mundo ay kamangmangan lamang sa paningin ng Dios. Ayon nga sa Kasulatan, “Hinuhuli ng Dios ang marurunong sa kanilang katusuhan,”#3:19 Salmo 94:11. 20at “Alam ng Dios na ang mga pangangatwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang sinuman. Sapagkat lahat ay ibinigay ng Dios sa inyo para sa ikabubuti ninyo. 22Ako, si Apolos, at si Pedro#3:22 Pedro: sa Griego, Cefas., kaming lahat ay inyo. Maging ang mundo, ang buhay at kamatayan, ang kasalukuyan at hinaharap, lahat ng itoʼy sa inyo. 23At kayo naman ay kay Cristo, at si Cristo naman ay sa Dios.

Currently Selected:

1 Corinto 3: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

YouVersion uses cookies to personalize your experience. By using our website, you accept our use of cookies as described in our Privacy Policy