YouVersion Logo
Search Icon

1 Mga Taga-Corinto 16

16
Tulong para sa mga Taga-Judea
1Ngayon, tungkol naman sa tulong na nalikom para sa mga hinirang ng Diyos sa Judea, gayahin ninyo ang ipinagawa ko sa mga iglesyang nasa Galacia. 2Sa bawat Linggo, dapat maglaan ang bawat isa sa inyo ng halagang ayon sa inyong kinikita, at maipon ito upang pagdating ko diyan ay nakahanda na ang inyong tulong. 3Pagdating ko riyan, ang mga taong pipiliin ninyo na magdadala ng inyong tulong sa Jerusalem ay bibigyan ko ng sulat na magpapakilala sa kanila. 4At kung kinakailangan ko ring pumunta, isasama ko na sila.
Mga Plano ni Pablo
5Tutuloy ako dʼyan sa Corinto pagkagaling ko sa Macedonia dahil kailangan kong dumaan doon. 6Maaaring magtagal ako dʼyan sa inyo. Baka diyan ako magpalipas ng taglamig, upang matulungan ninyo ako sa mga pangangailangan ko sa aking paglalakbay, saanman ako magtungo. 7Ayaw kong dadaan lamang ako sa inyo. Gusto kong magtagal sa piling ninyo kung loloobin ng Panginoon. 8Samantala, mananatili ako rito sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes, 9dahil nabigyan ako ng magandang pagkakataon upang maisulong ang gawain dito, kahit na maraming sumasalungat.
10Kung dumating diyan si Timoteo, asikasuhin ninyo siyang mabuti para mapanatag ang kanyang kalooban, dahil katulad ko rin siyang naglilingkod sa Panginoon. 11Huwag ninyo siyang hamakin. At sa kanyang pag-alis, ihatid ninyo siya ng mapayapa upang makabalik siya sa akin. Inaasahan ko ang kanyang pagdating kasama ang iba pang kapatiran.
12Tungkol naman sa kapatid nating si Apolos, pinakiusapan ko siyang dumalaw diyan kasama ang ilang mga kapatid, ngunit hindi pa raw sila makakapunta riyan. Dadalaw na lamang daw siya kung mayroon siyang pagkakataon.
13Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay. 14At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.
15Alam ninyong si Estefanas at ang pamilya niya ang unang naging Kristiyano diyan sa Acaya. Inilaan nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga hinirang ng Diyos. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16na magpasakop kayo sa kanila at sa lahat ng katulad nila na nagtatrabaho at naglilingkod ng husto.
17Natutuwa ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, dahil kahit wala kayo rito, nandito naman sila, at ginagawa nila sa akin ang hindi ninyo magawa. 18Akoʼy pinasigla nila, at ganoon din kayo. Pahalagahan ninyo ang mga katulad nila.
Mga Pangwakas na Pagbati
19Kinukumusta kayo ng mga iglesya sa lalawigan ng Asia.
Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga mananampalatayang nagtitipon sa kanilang tahanan, dahil pareho kayong nasa Panginoon.
20At kinukumusta rin kayong lahat ng mga mananampalataya rito.
Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Kristo.#16:20 bilang magkakapatid kay Kristo: Sa literal, sa pamamagitan ng banal na halik.
21Akong si Pablo mismo ang sumusulat ng pagbating ito.
22Parusahan nawa ng Diyos ang sinumang hindi nagmamahal sa kanya. Panginoon, bumalik na po kayo!#16:22 Mula sa wikang Arameo na Marana tha na ang ibig sabihin ay “Halika, aming Panginoon!”
23Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Hesus.
24Minamahal ko kayong lahat kay Kristo Hesus.

Currently Selected:

1 Mga Taga-Corinto 16: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in