YouVersion Logo
Search Icon

1 Mga Cronica 19

19
Tinalo ni David sa Digmaan ang mga Amonita
(2~Sam. 10:1‑19)
1Makalipas ang ilang panahon, namatay si Nahas na hari ng mga Amonita. At ang anak niyang si Hanun ang pumalit sa kanya bilang hari. 2Sinabi ni David, “Magiging mabuti ako kay Hanun dahil naging mabuti ang kanyang ama sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.
Ngunit pagdating ng mga opisyal ni David sa lupain ng mga Amonita, 3sinabi ng mga opisyal ng mga Amonita kay Haring Hanun, “Tingin nʼyo baʼy pinaparangalan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan upang makiramay sa kalungkutan ninyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para magmanman sa lupain natin at wasakin ito.” 4Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga tauhan ni David, inahitan sila at ginupit ang kanilang mga damit mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.
5Sa ganoong kalagayan, nahihiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang umuwi.
6Napag-isip-isip ng mga Amonita na ginalit nila si David. Kaya nagbayad sila ng tatlumpuʼt limang toneladang pilak para umupa ng mga karwahe at mga mangangarwahe mula sa Aram-naharaim,#19:6 Aram-naharaim: Isang lugar sa Mesopotamia. Aram-maaca at Zoba. 7Ang bilang ng mga karwahe at mga mangangarwahe ay tatlumpuʼt dalawang libo. Sumama rin sa kanila ang hari ng Maaca at ang mga sundalo nito. Nagkampo sila malapit sa Medeba. At naghanda rin ang mga Amonita at lumabas sa bayan nila upang makipaglaban.
8Nang mabalitaan ito ni David, isinugo niya si Joab at ang lahat ng matatapang na sundalo upang labanan sila. 9Pumwesto ang mga Amonita sa pakikipaglaban sa may pintuan ng kanilang lungsod, habang ang mga hari na sumáma sa kanila ay pumuwesto sa kapatagan.
10Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo. 11Si Abisai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Amonita. 12Sinabi ni Joab, “Kung makikita mo na parang matatalo kami ng mga Arameo, tulungan ninyo kami, pero kung kayo naman ang parang matatalo ng mga Amonita, tutulungan namin kayo. 13Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Diyos. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.”
14Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila. 15Nang makita ng mga Amonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abisai na kapatid ni Joab, at pumasok sa lungsod nila. Kaya umuwi sina Joab sa Jerusalem.
16Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga kasama nilang mga Arameo na nasa kabilang Ilog Eufrates upang tulungan sila. Ang grupong ito ay pinamumunuan ni Sofac#19:16 Sofac: O Sobac. na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.
17Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel sa pakikipaglaban. Pagkatapos, tumawid sila sa Ilog Jordan at pumuwesto na nakaharap sa mga Arameo, at naglaban sila. 18Ngunit nagsitakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Nakapatay sina David ng pitong libong mangangarwahe at apatnapung libong sundalo na lumalakad lang. Napatay din nila si Sofac, ang kumander ng mga sundalo.
19Nang makita ng mga sakop ni Hadadezer na natalo na sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila at nagpasakop kay David.
Kaya mula noon, hindi na tumulong ang mga Arameo sa mga Amonita.

Currently Selected:

1 Mga Cronica 19: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in