YouVersion Logo
Search Icon

1 Mga Cronica 17

17
Ang Pangako ng Diyos kay David
(2~Sam. 7:1‑17)
1Noong nakatira na si David sa kanyang palasyo, sinabi niya kay Natan na propeta. “Narito ako, nakatira sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ay nasa tolda lang.”
2Sumagot si Natan kay David, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.”
3Ngunit nang gabing iyon sinabi ng Diyos kay Natan,
4“Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David, ‘Ito ang sinabi ng Panginoon: Hindi ikaw ang magpapatayo ng bahay na aking titirhan. 5Hindi pa ako nakakatira sa isang bahay mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Ehipto hanggang ngayon. Palipat-lipat ang tinitirhan kong tolda. 6Sa aking paglipat-lipat kasama ng mga mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinunong inutusan kong mag-alaga sa kanila, kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng bahay na gawa sa sedro.’
7“Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita upang mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. 8Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. 9Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, upang may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, 10mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Tatalunin ko rin ang lahat ng kalaban mo.
“ ‘Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na patuloy na manggagaling sa iyong angkan ang magiging hari. 11Kapag namatay ka na at inilibing kasama ng iyong mga ninuno, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatatagin ko ang kaharian niya. 12Siya ang magpapatayo ng bahay para sa akin, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman. 13Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Mananatili ang pag-ibig ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mong hari. 14Pamamahalain ko siya sa aking mga mamamayan at kaharian, at ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman.’ ”
15Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Diyos sa kanya.
Ang Panalangin ni David
(2~Sam. 7:18‑29)
16Pagkatapos, pumasok si Haring David sa Toldang Tipanan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon at nanalangin,
Panginoong Diyos, sino po ba ako at ang sambahayan ko upang pagpalain nʼyo nang ganito? 17Ngayon, O Diyos, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng sambahayan ko. Itinuring nʼyo ako na parang pinakadakilang tao, O Panginoong Diyos.
18“Ano pa po ba ang masasabi ko sa pagpaparangal ninyo sa akin? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod. 19O Panginoon, alang-alang po sa aking inyong lingkod at ayon na rin sa inyong kalooban, ginawa nʼyo ang mga dakilang bagay na ito at inihayag ito sa akin.
20Panginoon, wala po kayong katulad. Walang ibang Diyos maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na diyos na gaya ninyo. 21At wala ring ibang tao na tulad ng inyong mga mamamayang Israelita. Ang bansang ito lamang sa mundo ang inyong pinalaya mula sa pagkaalipin upang maging mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa kadakilaan at kamangha-manghang ginawa nʼyo nang itinaboy nʼyo ang mga bansa sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan na inilabas nʼyo sa Ehipto. 22Ginawa nʼyong sariling mamamayan ang mga Israelita magpakailanman, at kayo, Panginoon, ang kanilang naging Diyos.
23“At ngayon, Panginoon, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa aking pamilya. Nawaʼy ang pangakong ito ay magtatagal magpakailanman. 24Kapag magkatotoo ang inyong pangako, kayo ay kikilalanin at dadakilain magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoon ng mga Hukbo ang Diyos ng Israel, ay siyang Diyos ng Israel!’ At ang pamilya koʼy magpapatuloy sa paglilingkod sa inyong presensya magpakailanman.
25“Malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito aking Diyos, dahil ipinahayag ninyo sa akin na inyong lingkod na magpapatuloy ang aking paghahari sa pamamagitan ng aking angkan.
26Panginoon, tunay ngang kayo ang Diyos! Ipinangako nʼyo po sa inyong lingkod ang mga magagandang bagay na ito. 27At ngayon, nalulugod po kayong pagpalain ang sambahayan ko upang magpatuloy ito sa presensya nʼyo magpakailanman. Sapagkat kapag nagpapala kayo Panginoon, ang pagpapala ninyoʼy magpakailanman.”

Currently Selected:

1 Mga Cronica 17: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in