Romans 4:1-8

Tungkol kay Abraham na ating ninuno, ano naman ang masasabi natin? Ano ang kanyang karanasan tungkol sa bagay na ito? Kung pinawalang-sala siya ng Diyos dahil sa mga mabubuting nagawa niya, may maipagmamalaki sana siya. Ngunit wala siyang maipagmalaki sa paningin ng Diyos. Ano ang sinasabi ng kasulatan? “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos; at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid.” Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran. Ngunit ang hindi nananalig sa sariling mga gawa kundi sumasampalataya sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya. Kaya't tinawag ni David na mapalad ang taong itinuring na matuwid ng Diyos nang di dahil sa sarili nitong nagagawa. Sinabi niya, “Mapalad ang mga taong pinatawad na ang kasalanan, at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang. Mapalad ang taong hindi na pagbabayarin ng Panginoon sa kanyang mga kasalanan.”
Mga Taga-Roma 4:1-8