James 5:13-20

Nahihirapan ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. Kung kayo ay may sakit, ipatawag ninyo ang mga pinuno ng iglesya upang ipanalangin kayo at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon at patatawarin ang kanyang mga kasalanan. Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. Si Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. At nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman. Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, ito ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan tungo sa wastong pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nakakapawi ng maraming kasalanan.
Santiago 5:13-20