Mga resulta para sa: exodus 16
Exodo 16:1 (RTPV05)
Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at ikalabing limang araw ng ikalawang buwan mula ng sila'y lumabas sa Egipto nang sila'y dumating sa ilang ng Sin, sa pagitan ng Elim at Sinai.
Exodo 16:2 (RTPV05)
Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron.
Exodo 16:3 (RTPV05)
Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”
Exodo 16:4 (RTPV05)
Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin.
Exodo 16:5 (RTPV05)
Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”
Exodo 16:6 (RTPV05)
Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto.
Exodo 16:7 (RTPV05)
At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.”
Exodo 16:8 (RTPV05)
Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?”
Exodo 16:9 (RTPV05)
Sinabi ni Moises kay Aaron, “Paharapin mo ang buong bayan kay Yahweh sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo.”
Exodo 16:10 (RTPV05)
Nang sabihin ito ni Aaron, ang buong bayan ay humarap kay Yahweh, sa gawi ng disyerto, at bigla na lamang nilang nakita sa ulap ang kaluwalhatian ni Yahweh.
Exodo 16:11 (RTPV05)
Sinabi ni Yahweh kay Moises,
Exodo 16:12 (RTPV05)
“Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo'y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.”
Exodo 16:13 (RTPV05)
Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo.
Exodo 16:14 (RTPV05)
Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig.
Exodo 16:15 (RTPV05)
Hindi nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?” Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh.
Exodo 16:16 (RTPV05)
At ito ang utos niya tungkol diyan: Bawat isa ay kukuha ng kailangan niya at ng mga kasama niya sa tolda, kalahating salop bawat isang tao.”
Exodo 16:17 (RTPV05)
Namulot nga ang mga Israelita—may kumuha ng marami at may kumuha ng kaunti.
Exodo 16:18 (RTPV05)
Ngunit nang takalin nila ang kanilang nakuha, ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang. Sapat lang sa kanila ang kanilang nakuha.
Exodo 16:19 (RTPV05)
Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan.”
Exodo 16:20 (RTPV05)
Ngunit ang ilan sa kanila'y hindi nakinig kay Moises. Kinabukasan, inuod at bumaho ang itinira nila. Kaya nagalit sa kanila si Moises.
Exodo 16:21 (RTPV05)
Mula noon, tuwing umaga'y namumulot sila nang ayon sa kanilang kailangan. Pag-init ng araw, ito'y natutunaw.
Exodo 16:22 (RTPV05)
Nang ikaanim na araw, doble ang kanilang pinulot, isang salop para sa isang tao. Nagpunta kay Moises ang mga pinuno ng bayan at sinabi ang nangyari.
Exodo 16:23 (RTPV05)
Ipinaliwanag naman ni Moises sa kanila, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Bukas ay Araw ng Pamamahinga, araw na nakatalaga kay Yahweh. Lutuin na ninyo ngayon ang gusto ninyong lutuin. Ang hindi mauubos ay itira ninyo para bukas.’”
Exodo 16:24 (RTPV05)
Tulad ng sinabi sa kanila ni Moises, nagtira sila para sa kinabukasan, at iyo'y hindi nasira at hindi inuod.
Exodo 16:25 (RTPV05)
At sinabi ni Moises, “Ito ang kakainin ninyo ngayon. Ngayon ay Araw ng Pamamahinga; wala kayong makukuha niyan ngayon.