Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Roma 3:1-9

Mga Taga-Roma 3:1-9 Ang Salita ng Diyos (ASD)

Kung ganoon, ano ang kalamangan ng pagiging isang Hudyo? At ano ang kahalagahan ng pagiging tuli? Totoong nakahihigit ang mga Hudyo sa maraming bagay. Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita ng Diyos. Paano kung hindi naging tapat ang iba sa kanilang pagsunod sa Diyos? Nangangahulugan ba iyon na hindi na rin magiging tapat ang Diyos sa pagtupad sa kanyang mga pangako? Aba hindi! Sapagkat tapat ang Diyos sa kanyang mga salita, kahit sinungaling pa ang tao. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan: “Mapapatunayang tapat ka sa iyong salita, at laging tama sa iyong paghatol.” Kung sa pamamagitan ng mga ginagawa naming masama ay makikita ang kabutihan ng Diyos, hindi makatarungan ang Diyos kung parurusahan niya kami. (Ganyan ang pangangatwiran ng mundo.) Ngunit maling-mali ʼyan, sapagkat makatarungan ang Diyos. Nararapat lamang na hatulan niya ang sanlibutan! Maaari ding may magsabi, “Kung sa aking pagsisinungaling ay lumalabas na hindi sinungaling ang Diyos, at dahil dito ay papupurihan pa siya, bakit niya ako parurusahan bilang isang makasalanan?” Kung ganito ang iyong pangangatwiran, para mo na ring sinasabi na gumawa tayo ng masama upang lumabas ang mabuti. At ayon sa mga taong naninira sa amin, ganyan daw ang aming itinuturo. Ang mga taong iyan ay nararapat lamang na parusahan ng Diyos. Ano ngayon ang masasabi natin? Tayo bang mga Hudyo ay nakalalamang sa mga Hentil? Hindi! Sapagkat ipinaliwanag ko nang ang lahat ng tao ay makasalanan, Hudyo man o hindi.