Mga Taga-Roma 2:1-16
Mga Taga-Roma 2:1-16 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)
Kaya nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa parusa ng Diyos kung hahatulan mo ang mga gumagawa ng masasamang gawaing ginagawa mo rin naman? O baka naman gusto mo pang hamakin ang Diyos dahil siya ay napakabait, mapagpigil at mapagpaumanhin! Hindi mo ba alam na napakabuti ng Diyos kaya binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan? Ngunit sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatuwirang paghatol ng Diyos. Sapagkat igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego. Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego sapagkat walang itinatangi ang Diyos. Ang lahat ng nagkakasala na hindi saklaw ng Kautusan ni Moises ay paparusahan, ngunit hindi batay sa Kautusang iyon. Subalit ang lahat naman ng nagkakasala na saklaw ng Kautusan ay hahatulan batay sa Kautusan. Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos. Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan. Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, mangyayari ito sa araw na ang mga lihim ng lahat ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Mga Taga-Roma 2:1-16 Ang Salita ng Diyos (ASD)
Ngayon, masasabi mong dapat lang hatulan ang mga taong ito dahil sa kanilang kasamaan. Ngunit maging ikaw na humahatol ay walang maidadahilan. Sapagkat sa iyong paghatol sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ginagawa mo rin ang mga bagay na iyon. Alam nating makatarungan ang hatol ng Diyos sa mga taong gumagawa ng kasamaan. Ngunit sino ka para humatol sa iba kung ikaw mismo ay gumagawa rin ng mga iyon? Akala mo baʼy makakaligtas ka sa hatol ng Diyos dahil alam mong siyaʼy mabuti, matiyaga at mapagtimpi? Dapat mong malaman na ang Diyos ay mabuti sa iyo dahil binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan mo. Ngunit dahil matigas ang ulo mo at ayaw mong magsisi at tumalikod sa iyong mga kasalanan, pinabibigat mo ang parusa ng Diyos sa iyo sa araw na ihahayag niya ang kanyang poot at makatarungang paghatol. Sapagkat ibibigay ng Diyos sa bawat isa ang nararapat ayon sa kanyang mga gawa. Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, kaluwalhatian, at buhay na walang hanggan. Ngunit sa iba naman na walang ibang iniisip kundi ang sarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan, ibubuhos sa kanila ng Diyos ang kanyang matinding galit. Lahat ng taong gumagawa ng masama ay magdurusa at maghihirap; ang mga Hudyo muna bago ang mga Hentil. Ngunit bibigyan ng Diyos ng kaluwalhatian, karangalan at kapayapaan ang lahat ng gumagawa ng kabutihan, una ang mga Hudyo bago ang mga Hentil. Sapagkat pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa lahat ng tao. Ang mga Hentil, dahil wala sa kanila ang Kautusan ay hahatulan na hindi ayon sa Kautusan kapag silaʼy nagkasala. Ang mga Hudyo naman, dahil nasa kanila ang Kautusan ay hahatulan ayon sa Kautusan kapag silaʼy nagkasala. Sapagkat hindi ang nakikinig sa Kautusan ang itinuturing ng Diyos na matuwid kundi ang tumutupad nito. Sa katunayan, wala ang Kautusan sa mga Hentil. Ngunit kapag kusa nilang ginagawa ang hinihiling ng Kautusan, ito na ang nagiging tuntunin nila, kahit hindi nila narinig ang Kautusan. Ang mabubuting gawa nila ay nagpapakita na ang iniuutos ng Kautusan ay nakaukit sa kanilang puso. Pinatutunayan ito ng kanilang konsensiya, dahil kung minsaʼy inuusig sila nito at kung minsan namaʼy ipinagtatanggol. At ayon sa Magandang Balitang itinuturo ko, ang konsensiya ay pagbabatayan din sa araw na hahatulan ng Diyos, sa pamamagitan ni Hesu-Kristo, ang lahat ng lihim ng mga tao.
Mga Taga-Roma 2:1-16 Ang Biblia (TLAB)
Dahil dito'y wala kang madadahilan, Oh tao, sino ka man na humahatol: sapagka't sa iyong paghatol sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagka't ikaw na humahatol ay gumagawa ka ng gayon ding mga bagay. At nalalaman natin na ang hatol ng Dios ay ayon sa katotohanan laban sa kanila na mga nagsisigawa ng gayong mga bagay. At iniisip mo baga ito, Oh tao, na humahatol sa mga nagsisigawa ng gayong mga bagay, at ginagawa mo ang gayon din, na ikaw ay makatatanan sa hatol ng Dios? O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi? Datapuwa't ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios; Na siya ang magbibigay sa bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa: Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan: Datapuwa't ang sa mga palaaway, at mga hindi nagsisitalima sa katotohanan, kundi bagkus nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kagalitan at kapootan, Kapighatian at kahapisan, ang sa bawa't kaluluwa ng tao na gumagawa ng masama, ng Judio una-una, at gayon din ng Griego; Datapuwa't kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawa't taong gumagawa ng mabuti, sa Judio ang una-una, at gayon din sa Griego: Sapagka't ang Dios ay hindi nagtatangi ng mga tao. Sapagka't ang lahat ng nangagkasala ng walang kautusan ay mangapapahamak din naman ng walang kautusan: at ang lahat na nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan; Sapagka't hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga ganap sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing mga ganap; (Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili; Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa); Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo.
Mga Taga-Roma 2:1-16 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)
Kaya nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa parusa ng Diyos kung hahatulan mo ang mga gumagawa ng masasamang gawaing ginagawa mo rin naman? O baka naman gusto mo pang hamakin ang Diyos dahil siya ay napakabait, mapagpigil at mapagpaumanhin! Hindi mo ba alam na napakabuti ng Diyos kaya binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan? Ngunit sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatuwirang paghatol ng Diyos. Sapagkat igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego. Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego sapagkat walang itinatangi ang Diyos. Ang lahat ng nagkakasala na hindi saklaw ng Kautusan ni Moises ay paparusahan, ngunit hindi batay sa Kautusang iyon. Subalit ang lahat naman ng nagkakasala na saklaw ng Kautusan ay hahatulan batay sa Kautusan. Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos. Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan. Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, mangyayari ito sa araw na ang mga lihim ng lahat ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Mga Taga-Roma 2:1-16 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)