Filemon 1:1-25
Filemon 1:1-25 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)
Mula kay Pablo, isang bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid— Para kay Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa, at para sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay; kay Apia na aming kapatid na babae at kay Arquipo na kapwa naming naglilingkod sa Panginoon. Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking pananalangin sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng hinirang ng Diyos, at gayundin ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong ang pagkakabuklod natin sa isang pananampalataya ay magbunga ng lubos na pagkaunawa sa mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Kapatid, ang pag-ibig na iyon ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan sapagkat dahil sa iyo, sumigla ang kalooban ng mga hinirang ng Diyos. Kaya nga, malakas ang loob kong iutos sana sa iyo ang nararapat gawin bilang kapatid mo kay Cristo, ngunit mas minabuti kong makiusap sa iyo sa pangalan ng pag-ibig. Akong si Pablo, na sugo ni Cristo Jesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya, ay nakikiusap sa iyo para kay Onesimo na aking anak sa pananampalataya. Ako'y naging isang ama sa kanya habang ako'y nakabilanggo. Dati, hindi mo mapakinabangan si Onesimo, ngunit ngayo'y kapaki-pakinabang siya sa ating dalawa. Pinababalik ko na siya sa iyo, kasama ang aking puso. Nais ko sanang manatili na siya sa aking piling upang siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nakabilanggo dahil sa Magandang Balita, at sa gayon ay para na ring ikaw ang kasama ko rito. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang maging kusa ang iyong pagtulong sa akin, at hindi sapilitan. Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo, hindi lamang bilang isang alipin, kundi bilang isa nang kapatid sa Panginoon! Kaya't kung kinikilala mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. Kung siya ma'y nagkasala o nagkautang sa iyo, sa akin mo na ito singilin. Akong si Pablo ang siyang sumusulat nito: AKO ANG MAGBABAYAD SA IYO. Hindi ko na dapat banggitin pa na utang mo sa akin ang iyong pagkakilala kay Cristo. Ipinapakiusap ko lamang sa iyo, alang-alang sa Panginoon, hayaan mo namang maranasan ko ang pakinabang na ito. Pasayahin mo naman ako bilang kapatid kay Cristo! Lubos akong naniniwala na gagawin mo ang hinihiling ko sa sulat na ito, at maaaring higit pa rito. Ipaghanda mo rin ako ng matutuluyan sapagkat umaasa akong loloobin ng Diyos na ako'y makabalik diyan, gaya ng inyong idinadalangin. Kinukumusta ka ni Epafras na kasama kong nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus. Kinukumusta ka rin nina Marcos, Aristarco, Demas, at Lucas, na mga kasama ko sa gawain. Nawa'y sumainyo ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Filemon 1:1-25 Ang Salita ng Diyos (ASD)
Mula kay Pablo na nakabilanggo dahil kay Kristo Hesus, kasama si Timoteo na ating kapatid, Filemon, aming minamahal na kamanggagawa sa Panginoon, kasama si Apia na ating kapatid, si Arquipo na kapwa naming sundalo ni Kristo, at ang iglesyang nagtitipon sa iyong tahanan: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang nagmumula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesu-Kristo. Palagi akong nagpapasalamat sa Diyos sa tuwing ipinapanalangin kita, dahil nabalitaan ko ang iyong pananampalataya sa Panginoong Hesus at ang pagmamahal mo sa lahat ng mga hinirang ng Diyos. Idinadalangin ko na sa pagbabahagi mo ng iyong pananampalataya ay lalo pang lumago ang iyong pang-unawa sa bawat kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Kristo. Minamahal kong kapatid, labis na nagbigay kagalakan at kaaliwan sa akin ang iyong pagmamahal sa mga mananampalataya, dahil sumigla ang kalooban nila sa pamamagitan mo. Kaya ngayon, bagamaʼt bilang apostol ni Kristo ay malakas ang loob kong utusan ka kung ano ang dapat mong gawin, minarapat kong makiusap na lamang sa iyo alang-alang sa pag-ibig. At akong si Pablo, bilang isang nakatatanda at bilanggo dahil kay Kristo Hesus ay nakikiusap sa iyo para kay Onesimo, na itinuturing kong anak. Naging ama niya ako sa pananampalataya dito sa bilangguan. Datiʼy wala siyang pakinabang sa iyo, ngunit ngayoʼy kapaki-pakinabang na siya sa ating dalawa. Pinababalik ko na saʼyo si Onesimo, na naging bahagi na ng aking puso. Gusto ko sanang manatili siya dito kasama ko upang makatulong siya sa akin bilang kapalit mo, habang nakabilanggo ako dahil sa pagpapahayag ng Magandang Balita. Ngunit ayaw ko itong gawin nang wala kang pahintulot, upang maging kusang-loob ang iyong pagtulong at hindi sapilitan. Marahil ay nawalay siya sa iyo pansamantala, upang sa kanyang pagbabalik ay hindi na kayo magkahiwalay pang muli. Babalik siya hindi na bilang alipin kundi higit pa sa alipin. Isa na siyang minamahal na kapatid sa akin at lalo na sa iyo, hindi lang bilang tao kundi kapatid rin sa Panginoon. Kaya kung itinuturing mo akong kamanggagawa sa Panginoon, tanggapin mo siya na parang ako ang iyong tinatanggap. Kung siya man ay nagkasala o nagkautang sa iyo, ako na lamang ang singilin mo. Akong si Pablo ang mismong sumulat nito: Ako ang magbabayad saʼyo, kahit na kung tutuusin ay utang mo sa akin ang iyong buhay. Kaya kapatid, pagbigyan mo na ang aking kahilingan alang-alang sa Panginoon. Pasiglahin mo ang kalooban ko bilang kapatid kay Kristo. Sumulat ako dahil malaki ang tiwala kong pagbibigyan mo ang aking kahilingan, at alam kong higit pa roon ang iyong gagawin. Isa pa pala, ipaghanda mo ako ng matutuluyan, dahil umaasa akong makabalik sa inyo bilang sagot sa inyong mga panalangin. Kinukumusta ka ni Epafras na kapwa ko bilanggo dahil kay Kristo Hesus. Kinukumusta ka rin ng mga kamanggagawa kong sina Marcos, Aristarco, Demas at Lucas. Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Hesu-Kristo.
Filemon 1:1-25 Ang Biblia (TLAB)
Si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus, at si Timoteo na ating kapatid kay Filemon na aming minamahal at kamanggagawa, At kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapuwa kawal namin, at sa iglesia sa iyong bahay: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo. Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios, na ikaw ay binabanggit ko sa aking mga panalangin, Sa pagkabalita ko ng iyong pagibig, at ng pananampalataya mo sa Panginoong Jesus, at sa lahat ng mga banal; Upang ang pakikipagkaisa ng iyong pananampalataya, ay maging mabisa sa pagkaalam ng bawa't mabuting bagay na nasa iyo, sa kay Cristo. Sapagka't ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pagibig, sapagka't ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid. Kaya, bagama't kay Cristo ay mayroon akong buong pagkakatiwala upang ipagtagubilin ko sa iyo ang nauukol, Gayon ma'y alangalang sa pagibig ay bagkus akong namamanhik, kung sa bagay akong si Pablo ay matanda na, at ngayon nama'y bilanggo ni Cristo Jesus: Ipinamamanhik ko sa iyo ang aking anak, na aking ipinanganak sa aking mga tanikala, si Onesimo, Na nang unang panahon ay hindi mo pinakinabangan, datapuwa't ngayon ay may pakikinabangin ka at ako man: Na siya'y aking pinabalik sa iyo sa kaniyang sariling katawan, sa makatuwid baga'y, ang aking sariling puso: Na ibig ko sanang pigilin siya sa aking piling, upang sa iyong pangalan ay paglingkuran ako sa mga tanikala ng evangelio: Datapuwa't kung wala kang pasiya ay wala akong magagawang anoman; upang ang iyong kabutihang-loob ay huwag maging tila sa pagkakailangan, kundi sa sariling kalooban. Sapagka't marahil sa ganito siya'y nahiwalay sa iyo sa sangdaling panahon, upang siya'y mapasa iyo magpakailan man; Na hindi na alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalong lalo na sa akin, nguni't gaano pa kaya sa iyo, na siya'y minamahal mo maging sa laman at gayon din sa Panginoon. Kung ako nga ay inaari mong kasama, ay tanggapin mo siyang tila ako rin. Nguni't kung siya'y nagkasala sa iyo ng anoman, o may utang sa iyong anoman, ay ibilang mo sa akin; Akong si Pablo na sumusulat nito ng aking sariling kamay, ay siyang magbabayad sa iyo: hindi sa sinasabi ko sa iyo na ikaw man ay utang mo pa sa akin. Oo, kapatid, magkaroon nawa ako ng katuwaan sa iyo sa Panginoon: panariwain mo ang aking puso kay Cristo. Kita'y sinulatan sa pagkakatiwala sa iyong pagtalima, palibhasa'y aking nalalaman na gagawin mo ang higit pa kay sa aking sinasabi. Datapuwa't bago ang lahat ay ipaghanda mo ako ng matutuluyan: sapagka't inaasahan kong sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay ipagkakaloob ako sa inyo. Binabati ka ni Epafras, na aking kasama sa pagkabilanggo kay Cristo Jesus; At gayon din ni Marcos, ni Aristarco, ni Demas, at ni Lucas na aking mga kamanggagawa. Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawang espiritu. Siya nawa.
Filemon 1:1-25 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)
Mula kay Pablo, isang bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid— Para kay Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa, at para sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay; kay Apia na aming kapatid na babae at kay Arquipo na kapwa naming naglilingkod sa Panginoon. Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking pananalangin sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng hinirang ng Diyos, at gayundin ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong ang pagkakabuklod natin sa isang pananampalataya ay magbunga ng lubos na pagkaunawa sa mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Kapatid, ang pag-ibig na iyon ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan sapagkat dahil sa iyo, sumigla ang kalooban ng mga hinirang ng Diyos. Kaya nga, malakas ang loob kong iutos sana sa iyo ang nararapat gawin bilang kapatid mo kay Cristo, ngunit mas minabuti kong makiusap sa iyo sa pangalan ng pag-ibig. Akong si Pablo, na sugo ni Cristo Jesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya, ay nakikiusap sa iyo para kay Onesimo na aking anak sa pananampalataya. Ako'y naging isang ama sa kanya habang ako'y nakabilanggo. Dati, hindi mo mapakinabangan si Onesimo, ngunit ngayo'y kapaki-pakinabang siya sa ating dalawa. Pinababalik ko na siya sa iyo, kasama ang aking puso. Nais ko sanang manatili na siya sa aking piling upang siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nakabilanggo dahil sa Magandang Balita, at sa gayon ay para na ring ikaw ang kasama ko rito. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang maging kusa ang iyong pagtulong sa akin, at hindi sapilitan. Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo, hindi lamang bilang isang alipin, kundi bilang isa nang kapatid sa Panginoon! Kaya't kung kinikilala mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. Kung siya ma'y nagkasala o nagkautang sa iyo, sa akin mo na ito singilin. Akong si Pablo ang siyang sumusulat nito: AKO ANG MAGBABAYAD SA IYO. Hindi ko na dapat banggitin pa na utang mo sa akin ang iyong pagkakilala kay Cristo. Ipinapakiusap ko lamang sa iyo, alang-alang sa Panginoon, hayaan mo namang maranasan ko ang pakinabang na ito. Pasayahin mo naman ako bilang kapatid kay Cristo! Lubos akong naniniwala na gagawin mo ang hinihiling ko sa sulat na ito, at maaaring higit pa rito. Ipaghanda mo rin ako ng matutuluyan sapagkat umaasa akong loloobin ng Diyos na ako'y makabalik diyan, gaya ng inyong idinadalangin. Kinukumusta ka ni Epafras na kasama kong nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus. Kinukumusta ka rin nina Marcos, Aristarco, Demas, at Lucas, na mga kasama ko sa gawain. Nawa'y sumainyo ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Filemon 1:1-25 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)