Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 15:38-47

Marcos 15:38-47 Ang Salita ng Diyos (ASD)

Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng Templo. Nakatayo sa harap ng krus ang kapitan ng mga sundalo at nakita niya kung paanong nalagutan ng hininga si Hesus. Sinabi niya, “Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!” Sa di-kalayuan ay may mga babaeng nanonood sa mga nangyayari. Kabilang sa kanila si Salome, si Maria na taga-Magdala, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. Ang mga babaeng ito ay sumasama kay Hesus at tumutulong sa kanya noong nasa Galilea siya. Naroon din ang iba pang babaeng sumáma sa kanya sa Jerusalem. Noon ay Araw ng Paghahanda, ang bisperas ng Araw ng Pamamahinga. Magtatakip-silim na noon, kaya naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na puntahan si Pilato at hingin ang bangkay ni Hesus. Si Jose ay isa sa mga iginagalang na miyembro ng Korte ng mga Hudyo. At isa siya sa mga naghihintay sa paghahari ng Diyos. Nang marinig ni Pilato na patay na si Hesus, nagtaka siya. Kaya ipinatawag niya ang kapitan ng mga sundalo at tinanong kung patay na nga si Hesus. Kinumpirma nga ito ng kapitan, kaya pumayag si Pilato na kunin ni Jose ang bangkay ni Hesus. Bumili si Jose ng mamahaling telang lino at kinuha ang bangkay ni Hesus sa krus. Binalot niya ito ng telang binili niya at inilagay sa libingang hinukay sa gilid ng burol. At pinagulong niya ang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan. Nagmamasid noon si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina ni Jose, kaya nakita nila kung saan inilibing si Hesus.