Marcos 15:22-46 - Pagkumparahin ang Lahat ng Bersyon
Marcos 15:22-46 RTPV05 (Magandang Balita Bible (Revised))
Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. Ipinako siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” May dalawang tulisang kasabay niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Ininsulto siya ng mga nagdaraan, pailing-iling nilang sinasabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” Kinukutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!” Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya. Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y binasa ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya. Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga. At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!” Naroon din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nang dumidilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kasapi ng Sanedrin. Siya rin ay naghihintay na maghari ang Diyos. Dahil iyon ay Araw ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung ito'y totoo. Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. Ibinabâ mula sa krus ang bangkay ni Jesus at binalot sa telang lino na binili ni Jose. Pagkatapos, ang bangkay ay inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, at iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan.
Marcos 15:22-46 ASD (Ang Salita ng Diyos)
Pagkatapos, dinala nila si Hesus sa lugar na tinatawag na Golgota (na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo”). Pagdating nila roon, binigyan nila si Hesus ng alak na may halong mira, ngunit hindi niya ito ininom. Ipinako nila sa krus si Hesus at pinaghati-hatian nila ang mga damit niya sa pamamagitan ng palabunutan para malaman nila ang bahaging mapupunta sa bawat isa. Alas nuwebe noon ng umaga nang ipako siya sa krus. May karatula sa itaas ng krus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: ANG HARI NG MGA HUDYO. May dalawang tulisan na ipinako rin sa krus kasabay ni Hesus, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. [ Sa pangyayaring ito, natupad ang sinasabi sa Kasulatan, “At siyaʼy ibinilang kasama ng mga kriminal.”] Ininsulto si Hesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sabay sabi, “O ano ngayon? Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang Templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bumaba ka sa krus at iligtas mo ang iyong sarili!” Ganito rin ang pangungutya ng mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinasabi nila sa isaʼt isa, “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili! Tingnan nga natin kung makakababa sa krus ang Mesias na ito na hari raw ng Israel! Kapag nakababa siya, maniniwala na tayo sa kanya.” Maging ang mga ipinakong kasabay niya ay hinamak rin siya. Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. Pagsapit ng alas tres ng hapon, sumigaw si Hesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” May isang taong tumakbo at kumuha ng espongha. Isinawsaw niya ito sa maasim na alak at kinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Hesus para sipsipin niya. Sinabi ng taong iyon, “Tingnan natin kung darating nga si Elias upang ibaba siya sa krus.” Sumigaw nang malakas si Hesus at nalagutan ng hininga. Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng Templo. Nakatayo sa harap ng krus ang kapitan ng mga sundalo at nakita niya kung paanong nalagutan ng hininga si Hesus. Sinabi niya, “Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!” Sa di-kalayuan ay may mga babaeng nanonood sa mga nangyayari. Kabilang sa kanila si Salome, si Maria na taga-Magdala, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. Ang mga babaeng ito ay sumasama kay Hesus at tumutulong sa kanya noong nasa Galilea siya. Naroon din ang iba pang babaeng sumáma sa kanya sa Jerusalem. Noon ay Araw ng Paghahanda, ang bisperas ng Araw ng Pamamahinga. Magtatakip-silim na noon, kaya naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na puntahan si Pilato at hingin ang bangkay ni Hesus. Si Jose ay isa sa mga iginagalang na miyembro ng Korte ng mga Hudyo. At isa siya sa mga naghihintay sa paghahari ng Diyos. Nang marinig ni Pilato na patay na si Hesus, nagtaka siya. Kaya ipinatawag niya ang kapitan ng mga sundalo at tinanong kung patay na nga si Hesus. Kinumpirma nga ito ng kapitan, kaya pumayag si Pilato na kunin ni Jose ang bangkay ni Hesus. Bumili si Jose ng mamahaling telang lino at kinuha ang bangkay ni Hesus sa krus. Binalot niya ito ng telang binili niya at inilagay sa libingang hinukay sa gilid ng burol. At pinagulong niya ang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan.
Marcos 15:22-46 MBB05 (Magandang Balita Biblia (2005))
Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. Ipinako siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” May dalawang tulisang kasabay niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Ininsulto siya ng mga nagdaraan, pailing-iling nilang sinasabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” Kinukutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!” Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya. Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y binasa ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya. Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga. At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!” Naroon din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nang dumidilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kasapi ng Sanedrin. Siya rin ay naghihintay na maghari ang Diyos. Dahil iyon ay Araw ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung ito'y totoo. Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. Ibinabâ mula sa krus ang bangkay ni Jesus at binalot sa telang lino na binili ni Jose. Pagkatapos, ang bangkay ay inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, at iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan.
Marcos 15:22-46 TLAB (Ang Biblia)
At siya'y kanilang dinala sa dako ng Golgota, na kung liliwanagin ay, Ang dako ng bungo. At siya'y dinulutan nila ng alak na hinaluan ng mirra: datapuwa't hindi niya tinanggap. At siya'y kanilang ipinako sa krus, at kanilang pinaghatihatian ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang dadalhin ng bawa't isa. At ikatlo na ang oras, at siya'y kanilang ipinako sa krus. At ang pamagat ng pagkasakdal sa kaniya ay isinulat sa ulunan, ANG HARI NG MGA JUDIO. At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kaniyang kanan, at isa sa kaniyang kaliwa. At natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail. At siya'y inalipusta ng nagsisipagdaan na pinatatangotango ang kanilang mga ulo, at sinasabi, Ah! ikaw na iginigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itinatayo, Iyong iligtas ang sarili mo, at bumaba ka sa krus. Gayon din naman ang mga pangulong saserdote pati ng mga eskriba, siya'y minumura na nangagsasalitaan sila-sila na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas. Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, upang aming makita at sampalatayanan. At minumura siya ng mga kasama niyang nangapapako. At nang dumating ang ikaanim na oras, ay nagdilim sa buong lupa hanggang sa oras na ikasiyam. At nang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig: Eloi, Eloi, lama sabacthani? na kung liliwanagin ay, Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan? At nang marinig ng ilang nangaroon, ay sinabi nila, Narito, tinatawag niya si Elias. At tumakbo ang isa, at binasa ng suka ang isang espongha, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y ibaba. At si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig, at nalagot ang hininga. At ang tabing ng templo ay nahapak na nagkadalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba. At ang senturiong nakatayo sa tapat niya, nang makitang malagot ang hininga niya, ay kaniyang sinabi, Katotohanang ang taong ito ay Anak ng Dios. At mayroon din namang mga babae na nagsisitanaw mula sa malayo: na sa mga yao'y nangaroroon kapuwa si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago na bata at ni Jose, at si Salome; Na, nang siya'y nasa Galilea, ay nagsisunod sila sa kaniya, at siya'y pinaglilingkuran nila; at mga iba pang maraming babae na nagsiahong kasama niya sa Jerusalem. At nang kinahapunan, sapagka't noo'y Paghahanda, sa makatuwid baga'y ang araw na nauuna sa sabbath, Dumating si Jose na taga Arimatea, isang kasangguni na may marangal na kalagayan, na naghihintay rin naman ng kaharian ng Dios; at pinangahasan niyang pinasok si Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus. At nanggilalas si Pilato kung siya'y patay na: at nang mapalapit niya sa kaniya ang senturion, ay itinanong niya sa kaniya kung malaon nang patay. At nang matanto niya sa senturion, ay ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose. At binili niya ang isang kayong lino, at pagkababa sa kaniya sa krus, ay binalot siya ng kayong lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato; at iginulong niya ang isang bato hanggang sa pintuan ng libingan.