Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 8:5-13

Mateo 8:5-13 Ang Salita ng Diyos (ASD)

Pagdating ni Hesus sa bayan ng Capernaum, lumapit sa kanya ang isang kapitan ng hukbong Romano at nakiusap, “Panginoon, may sakit po ang aking katiwala. Nakaratay siya sa aking bahay, paralisado at matindi ang paghihirap niya.” Sinabi ni Hesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” Ngunit sumagot ang kapitan, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na puntahan nʼyo sa aking tahanan. Iutos nʼyo lamang na gumaling ang aking katiwala at siyaʼy gagaling. Alam ko po ito dahil nasa ilalim ako ng nakatataas na opisyal, at may mga sundalo ring nasa ilalim ko. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi ko naman sa isa pa, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig niya ito. Sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi pa ako nakakakita ng kahit isang tao sa Israel na may ganito kalalim na pananampalataya. Sinasabi ko rin sa inyo, marami ang darating mula sa lahat ng dako ng mundo na kakain sa handaan kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob sa kaharian ng Langit. Ngunit maraming Hudyong dapat sanaʼy kasama sa kaharian ang itatapon sa labas, doon sa kadiliman kung saan silaʼy tatangis at magngangalit ang kanilang ngipin.” At sinabi ni Hesus sa kapitan, “Umuwi ka na. Mangyayari ang iyong hinihiling ayon sa iyong pananampalataya.” At nang oras ding iyon ay gumaling ang kanyang katiwala.