Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 6:26-34

Mateo 6:26-34 Ang Salita ng Diyos (ASD)

Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iimbak sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi baʼt mas mahalaga kayo kaysa sa kanila? Kaya ba ninyong dagdagan nang kahit isang oras man lang ang buhay ninyo sa pag-aalala ninyo? “At bakit kayo nag-aalala kung ano ang isusuot ninyo? Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o nagtatahi ng damit. Ngunit sasabihin ko sa inyo, kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng damit na kasingganda ng mga bulaklak na ito sa kabila ng kanyang karangyaan. Kung ganito dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa parang, na buhay ngayon ngunit bukas ay itatapon sa apoy, kayo pa kaya? Tiyak na bibihisan niya kayo nang higit pa sa mga ito. Napakaliit naman ng inyong pananampalataya! Kayaʼt huwag kayong mag-alala at magsabi, ‘Ano ang kakainin namin?’ o ‘Ano ang iinumin namin?’, o ‘Ano ang susuotin namin?’ Ito ang mga bagay na pinagsisikapan ng mga Hentil, ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Subalit pagsikapan muna ninyong gawin kung ano ang mahalaga sa kaharian ng Diyos at sundin ang kanyang kalooban, at lahat ng mga pangangailangang ito ay ipagkakaloob niya sa inyo. Kaya huwag ninyong alalahanin ang mangyayari bukas; bukas nʼyo na lamang harapin ang mga nakatakdang kabalisahan nito. Sapat na ang mga kabalisahan ng bawat araw.”