Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 11:1-30

Mateo 11:1-30 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Pagkatapos ng mga tagubiling ito sa kanyang labindalawang alagad, umalis si Jesus upang magturo at mangaral naman sa mga bayang malapit doon. Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!” Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta? Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, ‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. Mula nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas. Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa paghahari ng Diyos. Kung naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. Makinig ang may pandinig! “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggero at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.” Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, “Kawawa kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas mabigat na parusa ang sasapitin ninyo kaysa sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang daranasin ninyo kaysa sa mga taga-Sodoma.” Nang panahong iyo'y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo. “Ibinigay na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya. “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako'y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa akin ang kapahingahan sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo.”

Mateo 11:1-30 Ang Salita ng Diyos (ASD)

Matapos turuan ni Hesus ang kanyang labindalawang alagad, umalis siya sa lugar na iyon para magturo at mangaral sa mga karatig lugar. Habang nasa bilangguan si Juan na Tagapagbautismo, nabalitaan niya ang mga ginagawa ng Mesias, kaya inutusan niya ang kanyang mga alagad para tanungin siya, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Hesus sa kanila, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang narinig at nakita ninyo: Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Mapalad ang taong hindi nagdududa sa akin.” Pagkaalis ng mga alagad ni Juan, nagtanong si Hesus sa mga tao, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isa bang taong tulad ng tambo na humahapay sa ihip ng hangin? Pumunta ba kayo roon para makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit ay sa palasyo ng mga hari ninyo makikita. Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. Siya ang binabanggit ng Diyos sa Kasulatan: ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo para ihanda ang dadaanan mo.’ Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan na Tagapagbautismo. Ngunit ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Langit ay mas dakila pa sa kanya. Mula nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng Langit ay dumaranas ng matinding pag-atake mula sa mga mararahas na taong sumasalungat dito. Sapagkat bago pa dumating si Juan, ang lahat ng isinulat ng mga propeta at ang Kautusan ay nagpahayag tungkol sa kaharian ng Diyos. At kung naniniwala kayo sa mga pahayag nila, si Juan na nga ang Elias na inaasahan ninyong darating. Makinig ang sinumang may pandinig! “Sa anong bagay ko maihahambing ang henerasyong ito? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa na nagrereklamo sa kanilang mga ibang kalaro: ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal, ngunit hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit hindi kayo umiyak!’ Sapagkat nang dumating dito si Juan, nakita nilang nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, kaya sinabi nila, ‘Sinasapian siya ng demonyo.’ Nang dumating naman ang Anak ng Tao, nakita nilang kumakain siya at umiinom, at sinabi naman nila, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang karunungan ay napapatunayang tama sa buhay ng mga taong tumanggap nito.” Pagkatapos, sinumbatan ni Hesus ang mga bayang nakasaksi ng maraming himala na kanyang ginawa, dahil hindi sila nagsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo para ipakitang silaʼy nagsisisi. Kaya sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. At kayo namang mga taga-Capernaum, akala ba ninyoʼy itataas kayo sa langit upang parangalan? Hindi! Ibababa kayo sa mundo ng mga patay para itapon. Sapagkat kung sa Sodoma nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, nananatili pa sana ang lugar na iyon hanggang ngayon. Kaya sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Sodoma.” Nang oras ding iyon, sinabi ni Hesus, “Pinupuri kita Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sarili ay marurunong at matatalino, at ipinaalam mo sa mga taong tulad ng bata sa kaalaman. Oo, Ama, dahil iyon ang kalooban mo. “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong nais ng Anak na makakilala sa Ama. “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. Sundin ninyo ang mga utos ko at matuto kayo sa akin, dahil ako ay maamo at may mababang-loob. Makakapagpahinga kayo, dahil madaling sundin ang mga utos ko at magaan ang ipinapagawa ko.”

Mateo 11:1-30 Ang Biblia (TLAB)

At nangyari, na nang matapos nang masabi ni Jesus ang kaniyang mga utos sa kaniyang labingdalawang alagad, ay umalis siya roon upang magturo at mangaral sa mga bayan nila. Nang marinig nga ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ni Cristo, ay nagpasugo siya sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad, At sinabi sa kaniya, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba? At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangaririnig at nangakikita: Ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nangakalalakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita. At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin. At samantalang ang mga ito'y nagsisiyaon ng kanilang lakad, ay nagpasimula si Jesus na magsalita sa mga karamihan tungkol kay Juan, Ano ang nilabas ninyo upang masdan sa ilang? isang tambo na inuuga ng hangin? Datapuwa't ano ang nilabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselan? Narito, ang mga nagsisipanamit ng maseselan ay nangasa mga bahay ng mga hari. Datapuwa't ano ang nilabas ninyo? upang makita ang isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at lalo pang higit kay sa isang propeta. Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa gitna ng mga ipinanganganak ng mga babae ay walang lumitaw na isang dakila kay sa kay Juan Bautista: gayon man ang lalong maliit sa kaharian ng langit ay lalong dakila kay sa kaniya. At mula sa mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas. Sapagka't ang lahat ng mga propeta at ang kautusan hanggang kay Juan ay nagsipanghula. At kung ibig ninyong tanggapin, ay siya'y si Elias na paririto. Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig. Datapuwa't sa ano ko itutulad ang lahing ito? Tulad sa mga batang nangakaupo sa mga pamilihan, na sinisigawan ang kanilang mga kasama. At sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisisayaw; nagsipanambitan kami, at hindi kayo nangahapis. Sapagka't naparito si Juan na hindi kumakain o umiinom man, at sinasabi nila, Siya'y mayroong demonio. Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, Narito, ang isang matakaw na tao at isang manginginom ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan! At ang karunungan ay inaaring-ganap ng kaniyang mga gawa. Nang magkagayo'y kaniyang pinasimulang sumbatan ang mga bayan na pinaggagawan niya ng lalong marami sa kaniyang mga gawang makapangyarihan, sapagka't hindi sila nangagsisi. Sa aba mo, Corazin! sa aba mo, Bethsaida! sapagka't kung sa Tiro at sa Sidon sana ginawa ang mga gawang makapangyarihan na ginawa sa inyo, malaon na dising nangagsisi na may mga damit na magaspang at abo. Nguni't sinasabi ko sa inyo na higit na mapagpapaumanhinan ang Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom, kay sa inyo. At ikaw, Capernaum, magpapakataas ka baga hanggang sa langit? ibababa ka hanggang sa Hades: sapagka't kung sa Sodoma sana ginawa ang mga makapangyarihang gawang sa iyo'y ginawa, ay nanatili sana siya hanggang sa araw na ito. Datapuwa't sinasabi ko sa inyo na higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma sa araw ng paghuhukom, kay sa iyo. Nang panahong yaon ay sumagot si Jesus at sinabi, Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol: Oo nga, Ama, sapagka't gayon ang nakalugod sa iyong paningin. Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at sinoma'y hindi nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at sinoma'y hindi nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak. Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka't malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.

Mateo 11:1-30 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Pagkatapos ng mga tagubiling ito sa kanyang labindalawang alagad, umalis si Jesus upang magturo at mangaral naman sa mga bayang malapit doon. Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!” Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta? Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, ‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. Mula nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas. Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa paghahari ng Diyos. Kung naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. Makinig ang may pandinig! “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggero at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.” Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, “Kawawa kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas mabigat na parusa ang sasapitin ninyo kaysa sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang daranasin ninyo kaysa sa mga taga-Sodoma.” Nang panahong iyo'y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo. “Ibinigay na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya. “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako'y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa akin ang kapahingahan sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo.”

Mateo 11:1-30 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)