Job 14:1-17
Job 14:1-17 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)
“Ang buhay ng tao'y maikli lamang, subalit punung-puno ng kahirapan. Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas, parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam. Titingnan mo pa ba ang ganitong nilalang? Dadalhin mo pa ba siya sa hukuman? Mayroon bang malinis na magmumula, sa taong marumi at masama? Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw, at bilang na rin ang kanyang mga buwan, nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan. Lubayan mo na siya at pabayaan, nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan. “Kahoy na pinutol ay may pag-asa, muli itong tutubo at magsasanga. Kahit pa ang ugat nito ay matanda na, at mamatay ang puno sa kinatatamnan niya, ngunit ito'y nag-uusbong kapag diniligan, ito'y magsasanga tulad ng batang halaman. Ngunit ang tao kapag namatay, iyon na ang kanyang katapusan, pagkalagot ng kanyang hininga, saan naman kaya siya pupunta? “Tulad ng ilog na tumigil sa pag-agos, at gaya ng lawa na ang tubig ay naubos. Ngunit ang tao kapag namatay hindi na babangon hanggang ang langit ay maparam. Itago mo na sana ako sa daigdig ng mga patay, hanggang sa ang poot mo'y mapawi nang lubusan, at muli mong maalala ang aking kalagayan. Kung ang tao ay mamatay, siya kaya'y muling mabubuhay? Ngunit para sa akin, paglaya ko sa hirap ay aking hihintayin. Ikaw ay tatawag at ako'y sasagot, sa iyong nilikha, ikaw ay malulugod. Kung magkagayon, bawat hakbang ko'y iyong babantayan, di mo na tatandaan ang aking mga kasalanan. Ang mga kasalanan ko'y iyong patatawarin, lahat ng kasamaan ko'y iyong papawiin.
Job 14:1-17 Ang Salita ng Diyos (ASD)
“Ang buhay ng tao ay maikli lamang at puno ng kahirapan. Ang katulad nito ay isang bulaklak, namumukadkad ngunit agad nalalanta. Katulad din ito ng aninong biglang nawawala. Kaya Panginoon, bakit kailangan nʼyo pang bantayan nang ganito ang tao? Gusto nʼyo pa ba siyang hatulan sa inyong hukuman? Mayroon bang dalisay na sa marumi magmumula? Wala! Sa simula paʼy itinakda nʼyo na kung gaano kahaba ang itatagal ng buhay ng isang tao. At hindi siya lalampas sa itinakda nʼyong oras sa kanya. Kaya hayaan nʼyo na lamang siya upang makapagpahinga naman siya katulad ng isang manggagawa pagkatapos magtrabaho. “Kapag pinutol ang isang puno, may pag-asa pa itong mabuhay at tumubong muli. Kahit na matanda na ang ugat nito at patay na ang tuod, itoʼy uusbong kapag nadiligan, at magkakasibol tulad ng bagong halaman. Ngunit kapag ang taoʼy namatay, mawawala na ang lakas niya. Pagkalagot ng hininga niya, iyon na ang katapusan niya. Kung papaanong bumababa ang tubig sa dagat at natutuyo ang mga ilog, gayon din naman, ang taoʼy namamatay at hindi na makakabangon pa o magigising sa kanyang pagkakatulog hanggang sa maglaho ang langit. “Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala ang galit nʼyo sa akin, at saka nʼyo ako alalahanin sa inyong itinakdang panahon. Kung mamatay ang tao, mabubuhay pa kaya ito? Kung ganoon, titiisin ko ang lahat ng paghihirap na ito hanggang sa dumating ang oras na matapos ito. At sa oras na tawagin nʼyo ako, PANGINOON, sasagot ako, at kasasabikan nʼyo ako na inyong nilikha. Sa mga araw na iyon, babantayan nʼyo pa rin ang aking mga ginagawa, ngunit hindi nʼyo na aalalahanin pa ang aking mga kasalanan. Ang aking mga kasalanaʼy ipinasok sa sisidlan ang masasama kong gawaʼy inyong tinakpan.
Job 14:1-17 Ang Biblia (TLAB)
Taong ipinanganak ng babae ay sa kaunting araw, at lipos ng kabagabagan. Siya'y umuusli na gaya ng bulaklak, at nalalagas: siya rin nama'y tumatakas na gaya ng anino, at hindi namamalagi. At iyo bang idinidilat ang iyong mga mata sa isang gaya nito, at ipinagsasama mo ako upang hatulan mo? Sinong makakakuha ng malinis na bagay sa marumi? wala. Yayamang ang kaniyang mga kaarawan ay nangapasiyahan, ang bilang ng kaniyang mga buwan ay talastas mo, at iyong hinanggahan ang kaniyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan; Ilayo mo sa kaniya ang iyong paningin, upang siya'y makapagpahinga, hanggang sa maganap niya, na gaya ng isang magpapaupa, ang kaniyang araw. Sapagka't may pagasa sa isang punong kahoy, na kung ito'y putulin, ay sisibol uli, at ang sariwang sanga niyaon ay hindi maglilikat. Bagaman ang kaniyang ugat ay tumanda sa lupa, at ang puno niyao'y mamatay sa lupa; Gayon ma'y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol, at magsasanga na gaya ng pananim. Nguni't ang tao ay namamatay at natutunaw; Oo, ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan nandoon siya? Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat, at ang ilog ay humuhupa at natutuyo; Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: hanggang sa ang langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog. Oh ikubli mo nawa ako sa Sheol. Na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa ang iyong poot ay makaraan, na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at iyong alalahanin ako! Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya? Lahat ng araw ng aking pakikipagbaka ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang pagbabago. Ikaw ay tatawag, at ako'y sasagot sa iyo: ikaw ay magtataglay ng nasa sa gawa ng iyong mga kamay. Nguni't ngayo'y binibilang mo ang aking mga hakbang: hindi mo ba pinapansin ang aking kasalanan? Ang aking pagsalangsang ay natatatakan sa isang supot, at iyong inilalapat ang aking kasamaan.
Job 14:1-17 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)
“Ang buhay ng tao'y maikli lamang, subalit punung-puno ng kahirapan. Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas, parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam. Titingnan mo pa ba ang ganitong nilalang? Dadalhin mo pa ba siya sa hukuman? Mayroon bang malinis na magmumula, sa taong marumi at masama? Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw, at bilang na rin ang kanyang mga buwan, nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan. Lubayan mo na siya at pabayaan, nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan. “Kahoy na pinutol ay may pag-asa, muli itong tutubo at magsasanga. Kahit pa ang ugat nito ay matanda na, at mamatay ang puno sa kinatatamnan niya, ngunit ito'y nag-uusbong kapag diniligan, ito'y magsasanga tulad ng batang halaman. Ngunit ang tao kapag namatay, iyon na ang kanyang katapusan, pagkalagot ng kanyang hininga, saan naman kaya siya pupunta? “Tulad ng ilog na tumigil sa pag-agos, at gaya ng lawa na ang tubig ay naubos. Ngunit ang tao kapag namatay hindi na babangon hanggang ang langit ay maparam. Itago mo na sana ako sa daigdig ng mga patay, hanggang sa ang poot mo'y mapawi nang lubusan, at muli mong maalala ang aking kalagayan. Kung ang tao ay mamatay, siya kaya'y muling mabubuhay? Ngunit para sa akin, paglaya ko sa hirap ay aking hihintayin. Ikaw ay tatawag at ako'y sasagot, sa iyong nilikha, ikaw ay malulugod. Kung magkagayon, bawat hakbang ko'y iyong babantayan, di mo na tatandaan ang aking mga kasalanan. Ang mga kasalanan ko'y iyong patatawarin, lahat ng kasamaan ko'y iyong papawiin.
Job 14:1-17 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)
Taong ipinanganak ng babae ay sa kaunting araw, at lipos ng kabagabagan. Siya'y umuusli na gaya ng bulaklak, at nalalagas: Siya rin nama'y tumatakas na gaya ng anino, at hindi namamalagi. At iyo bang idinidilat ang iyong mga mata sa isang gaya nito, At ipinagsasama mo ako upang hatulan mo? Sinong makakakuha ng malinis na bagay sa marumi? wala. Yayamang ang kaniyang mga kaarawan ay nangapasiyahan, Ang bilang ng kaniyang mga buwan ay talastas mo, At iyong hinanggahan ang kaniyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan; Ilayo mo sa kaniya ang iyong paningin, upang siya'y makapagpahinga, Hanggang sa maganap niya, na gaya ng isang magpapaupa, ang kaniyang araw. Sapagka't may pagasa sa isang punong kahoy, na kung ito'y putulin, ay sisibol uli, At ang sariwang sanga niyaon ay hindi maglilikat. Bagaman ang kaniyang ugat ay tumanda sa lupa, At ang puno niyao'y mamatay sa lupa; Gayon ma'y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol, At magsasanga na gaya ng pananim. Nguni't ang tao ay namamatay at natutunaw; Oo, ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan nandoon siya? Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat, At ang ilog ay humuhupa at natutuyo; Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: Hanggang sa ang langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon, Ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog. Oh ikubli mo nawa ako sa Sheol. Na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa ang iyong poot ay makaraan, Na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at iyong alalahanin ako! Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya? Lahat ng araw ng aking pakikipagbaka ay maghihintay ako, Hanggang sa dumating ang pagbabago. Ikaw ay tatawag, at ako'y sasagot sa iyo: Ikaw ay magtataglay ng nasa sa gawa ng iyong mga kamay. Nguni't ngayo'y binibilang mo ang aking mga hakbang: Hindi mo ba pinapansin ang aking kasalanan? Ang aking pagsalangsang ay natatatakan sa isang supot, At iyong inilalapat ang aking kasamaan.