Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hukom 11:1-40

Mga Hukom 11:1-40 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Si Jefta na taga-Gilead ay isang matapang na mandirigma. Si Gilead ang kanyang ama at ang ina niya'y isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. May iba pang anak si Gilead sa kanyang tunay na asawa, at nang lumaki ang mga ito ay pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin mula sa aming ama sapagkat ikaw ay anak sa labas.” Kaya, umalis si Jefta at nanirahan sa Tob. Doon ay nagbuo siya ng pangkat ng mga taong itinakwil din ng lipunan at sama-sama sila sa pandarambong. Pagkalipas ng ilang panahon, nilusob ng mga Ammonita ang Israel. Dahil dito, si Jefta ay ipinasundo mula sa lupain ng Tob ng mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, “Ikaw ang manguna sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.” Sumagot si Jefta, “Hindi ba't nasusuklam kayo sa akin kaya ninyo ako pinaalis sa Gilead? Bakit lalapitan ninyo ako ngayong nahaharap kayo sa panganib?” Ngunit sinabi nila, “Ikaw ang nilalapitan namin ngayon sapagkat gusto naming makasama ka sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Gusto rin naming ikaw ang mamuno sa Gilead.” Sinabi ni Jefta, “Kapag isinama ninyo ako sa pakikipaglaban sa kanila at niloob ni Yahweh na ako'y magtagumpay, ako ang kikilalanin ninyong pinuno.” Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno, saksi natin si Yahweh.” Sumama nga si Jefta sa matatandang pinuno patungong Gilead at ginawa siyang pinuno at tagapamahala ng mga tagaroon. Ipinahayag ni Jefta sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga patakaran niya bilang pinuno. Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?” Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.” Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon. Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula hanggang sa Kades. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito, ngunit hindi sila pinayagan nito. Ganoon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasya nilang tumigil sa Kades. Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa disyerto. Iniwasan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Nagkampo sila roon. Hindi sila tumawid ng ilog sapagkat iyon ang hangganan ng Moab. At nagpadala sila ng mga sugo sa Hesbon, kay Haring Sihon ng mga Amoreo, upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupain nito. Ngunit hindi pumayag si Sihon. Sa halip, tinipon nito sa Jahaz ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita. Ngunit sila'y ibinigay ni Yahweh sa kamay ng mga Israelita. Kaya, ang lahat ng lupain ng mga Amoreo sa dakong iyon ay nasakop ng mga Israelita: buhat sa Ilog Arnon, sa timog, hanggang sa Jabboc sa hilaga, at buhat naman sa disyerto, sa silangan hanggang sa Jordan, sa kanluran. Kaya si Yahweh ang nagtaboy sa mga Amoreo upang ang lupain nila'y tirhan ng mga Israelita. At ngayo'y gusto ninyo itong kunin? Inyo nang lahat ang ibinigay sa inyo ng diyus-diyosan ninyong si Cemos ngunit huwag ninyong papakialaman ang ibinigay sa amin ni Yahweh na aming Diyos. Sa palagay mo ba'y mas magaling ka kaysa kay Balac na hari ng Moab? Ni minsa'y hindi niya tinangkang digmain ang Israel. Tatlong daang taon nang naninirahan ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer, sa mga bayan sa paligid nito, at sa mga lunsod sa palibot ng Ilog Arnon. Bakit ngayon lamang ninyo naisipang bawiin ang mga ito? Wala akong kasalanan sa iyo, ikaw itong may kasalanan sa akin dahil sinasalakay mo ako. Si Yahweh, ang Hukom, ang magpapasya ngayon sa Israel at Ammon.” Ngunit ang pasabing ito ni Jefta ay hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita. Ang Espiritu ni Yahweh ay lumukob kay Jefta. Tinipon niya ang mga tao sa Gilead at Manases, pagkatapos ay nagbalik sa Mizpa, Gilead at saka nagtuloy upang salakayin ang mga Ammonita. Sumumpa si Jefta kay Yahweh ng ganito: “Kapag pinagtagumpay ninyo ako laban sa mga Ammonita, susunugin ko bilang handog sa inyo ang unang lalabas sa aking bahay at sasalubong sa akin pag-uwi ko.” Sinalakay nga ni Jefta ang mga Ammonita at pinagtagumpay siya ni Yahweh. Nagapi nila ang mga kalaban at nasakop ang dalawampung lunsod mula sa Aroer, sa palibot ng Minit hanggang sa Abelqueramim. Marami silang napatay na Ammonita. Nang magbalik si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw sa saliw ng tamburin. Siya ang kaisa-isang anak ni Jefta. Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit at buong paghihinagpis na sinabi, “Anak ko, kay bigat na bagay nitong ginawa mo sa akin ngayon. Ang panata ko kay Yahweh ay hindi ko na mababawi pa!” Sumagot ang anak ni Jefta, “Kung may panata kayo kay Yahweh, tuparin ninyo iyon sapagkat ipinaghiganti niya kayo laban sa inyong mga kaaway na mga Ammonita. Ngunit may isa lamang po akong ipapakiusap sa inyo: bayaan ninyong isama ko sa bundok ang aking mga kaibigan upang ipagluksa ko nang dalawang buwan ang aking pagkabirhen.” Pumayag naman si Jefta na umalis ng dalawang buwan ang anak niya. Nagpunta nga ito sa bundok, kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagluksa ang kanyang pagkabirhen sapagkat mamamatay siya nang hindi makakapag-asawa. Pagkaraan ng dalawang buwan, nagbalik siya sa kanyang ama at isinagawa naman nito ang kanyang panata kay Yahweh. At siya nga'y namatay na isang birhen. Mula noon, naging kaugalian na sa Israel na taun-taon ay apat na araw na ipagluksa ng mga kababaihan ang dalagang anak ni Jefta.

Mga Hukom 11:1-40 Ang Salita ng Diyos (ASD)

Si Jefta na taga-Gilead ay isang magiting na sundalo. Si Gilead ang kanyang ama at ang kanyang ina ay isang babaeng bayaran. May mga anak si Gilead sa asawa niya, at noong malalaki na sila, pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin sa aming ama, dahil anak ka sa ibang babae.” Kaya lumayo si Jefta sa kanila at tumira sa Tob, kung saan sumáma sa kanya ang isang grupo ng mga taong palaboy-laboy. Dumating ang panahon na naglaban ang mga Amonita at mga Israelita. Dahil dito, pinuntahan ng mga tagapamahala ng Gilead si Jefta roon sa Tob. Sinabi nila, “Halikaʼt pamunuan mo kami sa pakikipaglaban namin sa mga Amonita.” Ngunit sumagot si Jefta, “Hindi baʼt napopoot kayo sa akin at pinalayas nʼyo ako sa bahay ng aking ama? Ngayon na nasa kagipitan kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin?” Ngunit sinabi nila, “Kailangan ka namin. Sige na, sumáma ka sa amin sa pakikipaglaban sa mga Amonita at ikaw ang magiging pinuno sa Gilead.” Sumagot si Jefta, “Kung sasáma ako na lalaban sa mga Amonita at pagtagumpayin ako ng PANGINOON, ako ba talaga ang gagawin nʼyong pinuno?” Sumagot sila, “Oo, ang PANGINOON ang saksi natin. Siguradong gagawin namin ang sasabihin mo.” Kaya sumáma si Jefta sa kanila at ginawa siyang pinuno at kumander ng mga taga-Gilead. At doon sa Mizpa, sa presensya ng PANGINOON, inulit ni Jefta ang mga pangako niya bilang pinuno. Nagsugo si Jefta ng mga mensahero upang itanong sa hari ng mga Amonita kung bakit nila nilulusob ang Israel. Ito ang sagot ng hari ng mga Amonita sa mga mensahero ni Jefta: “Nang dumating ang mga Israelita mula sa Ehipto, sinakop nila ang mga lupain namin mula sa Ilog Arnon papunta sa Ilog Jaboc, hanggang sa Ilog Jordan. Kaya ngayon, ibalik nʼyo ito sa amin nang mapayapa.” Pinabalik ni Jefta ang mga mensahero sa hari ng mga Amonita para sabihin, “Ito ang sabi ni Jefta: Hindi namin sinakop ang lupain ng Moab o ng Amon. Nang umalis sa Ehipto ang aming mga ninuno, dumaan sila sa ilang papunta sa Dagat na Pula hanggang nakarating sila sa Kades. Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa hari ng Edom upang hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito, pero hindi sila pinayagan. Ganito rin ang ginawa ng hari ng Moab sa kanila. Kaya nagpaiwan na lang sila sa Kades. “Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa ilang. Dumaan sila paikot ng Edom at Moab hanggang nakarating sila sa silangan ng Moab sa kabila ng Arnon. Doon sila nagkampo, pero hindi sila tumawid sa Ilog Arnon dahil hangganan iyon ng Moab. “Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amoreo (na naghari sa Hesbon) upang hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito upang makarating sila sa lugar nila. Ngunit hindi nagtiwala si Sihon sa kanila. Sa halip, tinipon niya ang mga sundalo niya sa Jahaz at nilusob ang mga Israelita. “Ngunit ibinigay ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, si Sihon at ang kanyang mga sundalo sa kamay ng mga Israelita. Kaya sinakop ng mga Israelita ang lahat ng lupain ng mga Amoreo na nakatira sa lugar na iyon. Nasakop nila mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Jordan. “Ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, ang siyang nagtaboy sa mga Amoreo at nagbigay ng kanilang lupain sa mga Israelita. At ngayon gusto nʼyo itong kunin? Angkinin nʼyo ang ibinigay sa inyo ni Cemos na inyong diyos. At aangkinin din namin ang ibinigay sa amin ng PANGINOON naming Diyos. Ano, mas magaling ka pa ba kay Balak na anak ni Haring Zipor ng Moab? Hindi ba, hindi nga sila nakipag-away sa Israel tungkol sa lupain o nakipaglaban sa kanila? May tatlong daang taon nang nakatira ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer at sa mga bayan sa paligid nito, at pati sa mga bayan sa tabi ng Arnon. Bakit hindi nʼyo ito binawi noon pa? Wala kaming masamang ginawa sa inyo, pero masasama ang ginagawa nʼyo sa amin dahil gusto nʼyong makipaglaban sa amin. Ang PANGINOON na sana ang humatol sa atin kung sino ang tama.” Ngunit hindi pinansin ng hari ng mga Amonita ang mensahe ni Jefta. At pinuspos ng Espiritu ng PANGINOON si Jefta. Pumunta siya sa Gilead at sa Manases upang tipunin ang mga sundalo. Pagkatapos, bumalik siya sa Mizpa na sakop ng Gilead. At mula roon, nilusob niya ang mga Amonita. Nangako si Jefta sa PANGINOON. Sinabi niya, “Kung ipagkakaloob nʼyo pong matalo ko ang mga Amonita, iaalay ko po sa inyo bilang handog na sinusunog ang unang lalabas sa pintuan ng aking bahay para salubungin ako sa aking pagbabalik mula sa labanan.” Nakipaglaban si Jefta sa mga Amonita, at pinagtagumpay siya ng PANGINOON. Natalo niya ang mga Amonita, mula sa Aroer, sa paligid ng Minit, hanggang sa Abelqueramim; sa kabuuan, dalawampung bayan. Sa gayon, nagapi ng mga Israelita ang mga Amonita. Nang umuwi si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw habang tumutugtog ng tamburin. Siya ang nag-iisang anak ni Jefta. Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit, at sinabi, “Anak ko, dinurog mo ang puso ko. Ang sakit naman nito! Sapagkat nangako ako sa PANGINOON, at hindi ko na ito mababawi pa.” Sumagot ang anak ni Jefta, “Ama, nangako po kayo sa PANGINOON, kaya tuparin nʼyo po iyon, dahil pinagtagumpay kayo ng PANGINOON sa mga kalaban nʼyong mga Amonita. Ngunit may isang bagay lang akong hihilingin sa inyo: payagan nʼyo po akong mag-ikot-ikot ng dalawang buwan sa bundok upang makapaghinagpis kasama ng mga kaibigan ko, dahil mamamatay na ako at hindi na makakapag-asawa.” Pinayagan siya ni Jefta. Kaya sa loob ng dalawang buwan, nag-ikot siya sa bundok kasama ng mga kaibigan niya upang maghinagpis, dahil mamamatay na siya at hindi na makakapag-asawa. Pagkalipas ng dalawang buwan, bumalik siya sa kanyang ama. At tinupad ni Jefta ang panata niya sa PANGINOON, at namatay ang kanyang anak na isang birhen. Dito nagmula ang kaugalian ng Israel na sa bawat taon, nagpapabalik-balik ang mga dalaga sa bundok ng Israel at naghihinagpis sa loob ng apat na araw bilang pag-alaala sa anak na babae ni Jefta na taga-Gilead.

Mga Hukom 11:1-40 Ang Biblia (TLAB)

Si Jephte nga na Galaadita ay lalaking makapangyarihang may tapang, at siya'y anak ng isang patutot: at si Jephte ay naging anak ni Galaad. At ang asawa ni Galaad ay nagkaanak sa kaniya ng mga lalake; at nang magsilaki ang mga anak ng kaniyang asawa ay kanilang pinalayas si Jephte, at sinabi nila sa kaniya, Ikaw ay hindi magmamana sa sangbahayan ng aming ama; sapagka't ikaw ay anak ng ibang babae. Nang magkagayo'y tumakas si Jephte sa harap ng kaniyang mga kapatid, at tumahan sa lupain ng Tob: at doo'y nakipisan kay Jephte ang mga lalaking walang kabuluhan, at nagsilabas na kasama niya. At nangyari pagkaraan ng ilang panahon, na ang mga anak ni Ammon ay nakipagdigma sa Israel. At nangyari, nang lumaban ang mga anak ni Ammon sa Israel, na ang mga matanda sa Galaad ay naparoon upang sunduin si Jephte mula sa lupain ng Tob: At kanilang sinabi kay Jephte, Halika't ikaw ay maging aming pinuno, upang kami ay makalaban sa mga anak ni Ammon. At sinabi ni Jephte sa mga matanda sa Galaad, Di ba kayo'y napoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? at bakit kayo'y naparito sa akin ngayon, pagka kayo'y nasa paghihinagpis? At sinabi ng mga matanda sa Galaad kay Jephte, Kaya't kami ay bumabalik sa iyo ngayon, upang ikaw ay makasama namin, at makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ikaw ay magiging pangulo naming lahat na taga Galaad. At sinabi ni Jephte sa mga matanda sa Galaad, Kung pauuwiin ninyo ako upang makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ibigay ng Panginoon sila sa harap ko, magiging pangulo ba ninyo ako? At sinabi ng mga matanda sa Galaad kay Jephte, Ang Panginoon ang maging saksi natin: tunay na ayon sa iyong salita ay siya naming gagawin. Nang magkagayo'y si Jephte ay yumaong kasama ng mga matanda sa Galaad, at ginawa nila siyang pangulo at pinuno: at sinalita ni Jephte sa Mizpa ang lahat ng kaniyang salita sa harap ng Panginoon. At nagsugo si Jephte ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon, na nagsasabi, Anong ipinakikialam mo sa akin, na ikaw ay naparito sa akin upang lumaban sa aking lupain? At isinagot ng hari ng mga anak ni Ammon sa mga sugo ni Jephte, Sapagka't sinakop ng Israel ang aking lupain, nang siya'y umahong galing sa Egipto, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at hanggang sa Jordan: kaya't ngayo'y ibalik mo ng payapa ang mga lupaing yaon. At nagsugo uli si Jephte ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon: At kaniyang sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ni Jephte, Hindi sumakop ang Israel ng lupain ng Moab, o ng lupain ng mga anak ni Ammon; Kundi nang sila'y umahon mula sa Egipto, at ang Israel ay naglakad sa ilang hanggang sa Dagat na Mapula, at napasa Cades: Nagsugo nga ang Israel ng mga sugo sa hari sa Edom, na nagsasabi, Isinasamo ko sa iyong paraanin mo ako sa iyong lupain: nguni't hindi dininig ng hari sa Edom. At gayon din nagsugo siya sa hari sa Moab; nguni't ayaw siya: at ang Israel ay tumahan sa Cades: Nang magkagayo'y naglakad sila sa ilang, at lumiko sa lupain ng Edom, at sa lupain ng Moab, at napasa dakong silanganan ng lupain ng Moab, at sila'y humantong sa kabilang dako ng Arnon; nguni't hindi sila pumasok sa hangganan ng Moab, sapagka't ang Arnon ay siyang hangganan ng Moab. At nagsugo ang Israel ng mga sugo kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, na hari sa Hesbon; at sinabi ng Israel sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain hanggang sa aking dako. Nguni't si Sehon ay hindi tumiwala sa Israel upang paraanin sa kaniyang hangganan: kundi pinisan ni Sehon ang kaniyang buong bayan, at humantong sa Jaas, at lumaban sa Israel. At ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel si Sehon, at ang kaniyang buong bayan sa kamay ng Israel, at sinaktan nila sila: sa gayo'y inari ng Israel ang buong lupain ng mga Amorrheo, na mga tagaroon sa lupaing yaon. At kanilang inari ang buong hangganan ng mga Amorrheo, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Jordan. Ngayon nga'y inalisan ng ari ng Panginoon, ng Dios ng Israel ang mga Amorrheo sa harap ng bayang Israel, at iyo bang aariin ang mga iyan? Hindi mo ba aariin ang ibinigay sa iyo ni Chemos na iyong dios upang ariin? Sinoman ngang inalisan ng ari ng Panginoon naming Dios sa harap namin, ay aming aariin. At ngayo'y gagaling ka pa ba sa anomang paraan kay Balac na anak ni Zippor, na hari sa Moab? siya ba'y nakipagkaalit kailan man sa Israel o lumaban kaya sa kanila? Samantalang ang Israel ay tumatahan sa Hesbon at sa mga bayan nito, at sa Aroer at sa mga bayan nito, at sa lahat ng mga bayang nangasa tabi ng Arnon, na tatlong daang taon; bakit hindi ninyo binawi nang panahong yaon? Ako nga'y hindi nagkasala laban sa iyo, kundi ikaw ang gumawa ng masama sa pakikipagdigma mo sa akin: ang Panginoon, ang Hukom, ay maging hukom sa araw na ito sa mga anak ni Israel at sa mga anak ni Ammon. Nguni't hindi dininig ng hari ng mga anak ni Ammon ang mga salita ni Jephte na ipinaalam sa kaniya. Nang magkagayo'y ang Espiritu ng Panginoon ay suma kay Jephte, at siya'y nagdaan ng Galaad at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Galaad, at mula sa Mizpa ng Galaad ay nagdaan siya sa mga anak ni Ammon. At nagpanata si Jephte ng isang panata sa Panginoon, at nagsabi, Kung tunay na iyong ibibigay ang mga anak ni Ammon sa aking kamay, Ay mangyayari nga, na sinomang lumabas na sumalubong sa akin sa mga pintuan ng aking bahay, pagbalik kong payapa na galing sa mga anak ni Ammon, ay magiging sa Panginoon, at aking ihahandog na pinakahandog na susunugin. Sa gayo'y nagdaan si Jephte sa mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng Panginoon sa kaniyang kamay. At sila'y sinaktan niya ng di kawasang pagpatay mula sa Aroer hanggang sa Minnith, na may dalawang pung bayan, at hanggang sa Abelkeramim. Sa gayo'y sumuko ang mga anak ni Ammon sa mga anak ni Israel. At si Jephte ay naparoon sa Mizpa sa kaniyang bahay; at, narito, ang kaniyang anak na babae ay lumalabas na sinasalubong siya ng pandereta at ng sayaw: at siya ang kaniyang bugtong na anak: liban sa kaniya'y wala na siyang anak na lalake o babae man. At nangyari, pagkakita niya sa kaniya, na kaniyang hinapak ang kaniyang damit, at sinabi, Sa aba ko, aking anak! pinapakumbaba mo akong lubos, at ikaw ay isa sa mga bumabagabag sa akin: sapagka't aking ibinuka ang aking bibig sa Panginoon, at hindi na ako makapanumbalik. At sinabi niya sa kaniya, Ama ko, iyong ibinuka ang iyong bibig sa Panginoon; gawin mo sa akin ang ayon sa ipinangusap ng iyong bibig; yamang ipinanghiganti ka ng Panginoon sa iyong mga kaaway, sa makatuwid baga'y sa mga anak ni Ammon. At sinabi niya sa kaniyang ama, Ipagawa mo ang bagay na ito sa akin: pahintulutan mo lamang akong dalawang buwan, upang ako'y humayo't yumaon sa mga bundukin at aking itangis ang aking pagkadalaga, ako at ang aking mga kasama. At kaniyang sinabi, Yumaon ka. At pinapagpaalam niya siyang dalawang buwan: at siya'y yumaon, siya at ang kaniyang mga kasama, at itinangis ang kaniyang pagkadalaga sa mga bundukin. At nangyari, sa katapusan ng dalawang buwan, na siya'y nagbalik sa kaniyang ama, na ginawa sa kaniya ang ayon sa kaniyang panata na kaniyang ipinanata: at siya'y hindi nasipingan ng lalake. At naging kaugalian sa Israel, Na ipinagdidiwang taon taon ng mga anak na babae ng Israel ang anak ni Jephte na Galaadita, na apat na araw sa isang taon.

Mga Hukom 11:1-40 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Si Jefta na taga-Gilead ay isang matapang na mandirigma. Si Gilead ang kanyang ama at ang ina niya'y isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. May iba pang anak si Gilead sa kanyang tunay na asawa, at nang lumaki ang mga ito ay pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin mula sa aming ama sapagkat ikaw ay anak sa labas.” Kaya, umalis si Jefta at nanirahan sa Tob. Doon ay nagbuo siya ng pangkat ng mga taong itinakwil din ng lipunan at sama-sama sila sa pandarambong. Pagkalipas ng ilang panahon, nilusob ng mga Ammonita ang Israel. Dahil dito, si Jefta ay ipinasundo mula sa lupain ng Tob ng mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, “Ikaw ang manguna sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.” Sumagot si Jefta, “Hindi ba't nasusuklam kayo sa akin kaya ninyo ako pinaalis sa Gilead? Bakit lalapitan ninyo ako ngayong nahaharap kayo sa panganib?” Ngunit sinabi nila, “Ikaw ang nilalapitan namin ngayon sapagkat gusto naming makasama ka sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Gusto rin naming ikaw ang mamuno sa Gilead.” Sinabi ni Jefta, “Kapag isinama ninyo ako sa pakikipaglaban sa kanila at niloob ni Yahweh na ako'y magtagumpay, ako ang kikilalanin ninyong pinuno.” Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno, saksi natin si Yahweh.” Sumama nga si Jefta sa matatandang pinuno patungong Gilead at ginawa siyang pinuno at tagapamahala ng mga tagaroon. Ipinahayag ni Jefta sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga patakaran niya bilang pinuno. Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?” Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.” Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon. Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula hanggang sa Kades. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito, ngunit hindi sila pinayagan nito. Ganoon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasya nilang tumigil sa Kades. Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa disyerto. Iniwasan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Nagkampo sila roon. Hindi sila tumawid ng ilog sapagkat iyon ang hangganan ng Moab. At nagpadala sila ng mga sugo sa Hesbon, kay Haring Sihon ng mga Amoreo, upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupain nito. Ngunit hindi pumayag si Sihon. Sa halip, tinipon nito sa Jahaz ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita. Ngunit sila'y ibinigay ni Yahweh sa kamay ng mga Israelita. Kaya, ang lahat ng lupain ng mga Amoreo sa dakong iyon ay nasakop ng mga Israelita: buhat sa Ilog Arnon, sa timog, hanggang sa Jabboc sa hilaga, at buhat naman sa disyerto, sa silangan hanggang sa Jordan, sa kanluran. Kaya si Yahweh ang nagtaboy sa mga Amoreo upang ang lupain nila'y tirhan ng mga Israelita. At ngayo'y gusto ninyo itong kunin? Inyo nang lahat ang ibinigay sa inyo ng diyus-diyosan ninyong si Cemos ngunit huwag ninyong papakialaman ang ibinigay sa amin ni Yahweh na aming Diyos. Sa palagay mo ba'y mas magaling ka kaysa kay Balac na hari ng Moab? Ni minsa'y hindi niya tinangkang digmain ang Israel. Tatlong daang taon nang naninirahan ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer, sa mga bayan sa paligid nito, at sa mga lunsod sa palibot ng Ilog Arnon. Bakit ngayon lamang ninyo naisipang bawiin ang mga ito? Wala akong kasalanan sa iyo, ikaw itong may kasalanan sa akin dahil sinasalakay mo ako. Si Yahweh, ang Hukom, ang magpapasya ngayon sa Israel at Ammon.” Ngunit ang pasabing ito ni Jefta ay hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita. Ang Espiritu ni Yahweh ay lumukob kay Jefta. Tinipon niya ang mga tao sa Gilead at Manases, pagkatapos ay nagbalik sa Mizpa, Gilead at saka nagtuloy upang salakayin ang mga Ammonita. Sumumpa si Jefta kay Yahweh ng ganito: “Kapag pinagtagumpay ninyo ako laban sa mga Ammonita, susunugin ko bilang handog sa inyo ang unang lalabas sa aking bahay at sasalubong sa akin pag-uwi ko.” Sinalakay nga ni Jefta ang mga Ammonita at pinagtagumpay siya ni Yahweh. Nagapi nila ang mga kalaban at nasakop ang dalawampung lunsod mula sa Aroer, sa palibot ng Minit hanggang sa Abelqueramim. Marami silang napatay na Ammonita. Nang magbalik si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw sa saliw ng tamburin. Siya ang kaisa-isang anak ni Jefta. Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit at buong paghihinagpis na sinabi, “Anak ko, kay bigat na bagay nitong ginawa mo sa akin ngayon. Ang panata ko kay Yahweh ay hindi ko na mababawi pa!” Sumagot ang anak ni Jefta, “Kung may panata kayo kay Yahweh, tuparin ninyo iyon sapagkat ipinaghiganti niya kayo laban sa inyong mga kaaway na mga Ammonita. Ngunit may isa lamang po akong ipapakiusap sa inyo: bayaan ninyong isama ko sa bundok ang aking mga kaibigan upang ipagluksa ko nang dalawang buwan ang aking pagkabirhen.” Pumayag naman si Jefta na umalis ng dalawang buwan ang anak niya. Nagpunta nga ito sa bundok, kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagluksa ang kanyang pagkabirhen sapagkat mamamatay siya nang hindi makakapag-asawa. Pagkaraan ng dalawang buwan, nagbalik siya sa kanyang ama at isinagawa naman nito ang kanyang panata kay Yahweh. At siya nga'y namatay na isang birhen. Mula noon, naging kaugalian na sa Israel na taun-taon ay apat na araw na ipagluksa ng mga kababaihan ang dalagang anak ni Jefta.

Mga Hukom 11:1-40 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)

Si Jephte nga na Galaadita ay lalaking makapangyarihang may tapang, at siya'y anak ng isang patutot: at si Jephte ay naging anak ni Galaad. At ang asawa ni Galaad ay nagkaanak sa kaniya ng mga lalake; at nang magsilaki ang mga anak ng kaniyang asawa ay kanilang pinalayas si Jephte, at sinabi nila sa kaniya, Ikaw ay hindi magmamana sa sangbahayan ng aming ama; sapagka't ikaw ay anak ng ibang babae. Nang magkagayo'y tumakas si Jephte sa harap ng kaniyang mga kapatid, at tumahan sa lupain ng Tob: at doo'y nakipisan kay Jephte ang mga lalaking walang kabuluhan, at nagsilabas na kasama niya. At nangyari pagkaraan ng ilang panahon, na ang mga anak ni Ammon ay nakipagdigma sa Israel. At nangyari, nang lumaban ang mga anak ni Ammon sa Israel, na ang mga matanda sa Galaad ay naparoon upang sunduin si Jephte mula sa lupain ng Tob: At kanilang sinabi kay Jephte, Halika't ikaw ay maging aming pinuno, upang kami ay makalaban sa mga anak ni Ammon. At sinabi ni Jephte sa mga matanda sa Galaad, Di ba kayo'y napoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? at bakit kayo'y naparirito sa akin ngayon, pagka kayo'y nasa paghihinagpis? At sinabi ng mga matanda sa Galaad kay Jephte, Kaya't kami ay bumabalik sa iyo ngayon, upang ikaw ay makasama namin, at makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ikaw ay magiging pangulo naming lahat na taga Galaad. At sinabi ni Jephte sa mga matanda sa Galaad, Kung pauuwiin ninyo ako upang makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ibigay ng Panginoon sila sa harap ko, magiging pangulo ba ninyo ako? At sinabi ng mga matanda sa Galaad kay Jephte, Ang Panginoon ang maging saksi natin: tunay na ayon sa iyong salita ay siya naming gagawin. Nang magkagayo'y si Jephte ay yumaong kasama ng mga matanda sa Galaad, at ginawa nila siyang pangulo at pinuno: at sinalita ni Jephte sa Mizpa ang lahat ng kaniyang salita sa harap ng Panginoon. At nagsugo si Jephte ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon, na nagsasabi, Anong ipinakikialam mo sa akin, na ikaw ay naparito sa akin upang lumaban sa aking lupain? At isinagot ng hari ng mga anak ni Ammon sa mga sugo ni Jephte, Sapagka't sinakop ng Israel ang aking lupain, nang siya'y umahong galing sa Egipto, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at hanggang sa Jordan: kaya't ngayo'y ibalik mo ng payapa ang mga lupaing yaon. At nagsugo uli si Jephte ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon: At kaniyang sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ni Jephte, Hindi sumakop ang Israel ng lupain ng Moab, o ng lupain ng mga anak ni Ammon; Kundi nang sila'y umahon mula sa Egipto, at ang Israel ay naglakad sa ilang hanggang sa Dagat na Mapula, at napasa Cades: Nagsugo nga ang Israel ng mga sugo sa hari sa Edom, na nagsasabi, Isinasamo ko sa iyong paraanin mo ako sa iyong lupain: nguni't hindi dininig ng hari sa Edom. At gayon din nagsugo siya sa hari sa Moab; nguni't ayaw siya: at ang Israel ay tumahan sa Cades: Nang magkagayo'y naglakad sila sa ilang, at lumiko sa lupain ng Edom, at sa lupain ng Moab, at napasa dakong silanganan ng lupain ng Moab, at sila'y humantong sa kabilang dako ng Arnon; nguni't hindi sila pumasok sa hangganan ng Moab, sapagka't ang Arnon ay siyang hangganan ng Moab. At nagsugo ang Israel ng mga sugo kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, na hari sa Hesbon; at sinabi ng Israel sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain hanggang sa aking dako. Nguni't si Sehon ay hindi tumiwala sa Israel upang paraanin sa kaniyang hangganan: kundi pinisan ni Sehon ang kaniyang buong bayan, at humantong sa Jaas, at lumaban sa Israel. At ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel si Sehon, at ang kaniyang buong bayan sa kamay ng Israel, at sinaktan nila sila: sa gayo'y inari ng Israel ang buong lupain ng mga Amorrheo, na mga taga-roon sa lupaing yaon. At kanilang inari ang buong hangganan ng mga Amorrheo, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Jordan. Ngayon nga'y inalisan ng ari ng Panginoon, ng Dios ng Israel ang mga Amorrheo sa harap ng bayang Israel, at iyo bang aariin ang mga iyan? Hindi mo ba aariin ang ibinigay sa iyo ni Chemos na iyong dios upang ariin? Sinoman ngang inalisan ng ari ng Panginoon naming Dios sa harap namin, ay aming aariin. At ngayo'y gagaling ka pa ba sa anomang paraan kay Balac na anak ni Zippor, na hari sa Moab? siya ba'y nakipagkaalit kailan man sa Israel o lumaban kaya sa kanila? Samantalang ang Israel ay tumatahan sa Hesbon at sa mga bayan nito, at sa Aroer at sa mga bayan nito, at sa lahat ng mga bayang nangasa tabi ng Arnon, na tatlong daang taon; bakit hindi ninyo binawi nang panahong yaon? Ako nga'y hindi nagkasala laban sa iyo, kundi ikaw ang gumawa ng masama sa pakikidigma mo sa akin: ang Panginoon, ang Hukom, ay maging hukom sa araw na ito sa mga anak ni Israel at sa mga anak ni Ammon. Nguni't hindi dininig ng hari ng mga anak ni Ammon ang mga salita ni Jephte na ipinaalam sa kaniya. Nang magkagayo'y ang Espiritu ng Panginoon ay suma kay Jephte, at siya'y nagdaan ng Galaad at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Galaad, at mula sa Mizpa ng Galaad ay nagdaan siya sa mga anak ni Ammon. At nagpanata si Jephte ng isang panata sa Panginoon, at nagsabi, Kung tunay na iyong ibibigay ang mga anak ni Ammon sa aking kamay, Ay mangyayari nga, na sinomang lumabas na sumalubong sa akin sa mga pintuan ng aking bahay, pagbalik kong payapa na galing sa mga anak ni Ammon, ay magiging sa Panginoon, at aking ihahandog na pinakahandog na susunugin. Sa gayo'y nagdaan si Jephte sa mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng Panginoon sa kaniyang kamay. At sila'y sinaktan niya ng di kawasang pagpatay mula sa Aroer hanggang sa Minnith, na may dalawang pung bayan, at hanggang sa Abelkeramim. Sa gayo'y sumuko ang mga anak ni Ammon sa mga anak ni Israel. At si Jephte ay naparoon sa Mizpa sa kaniyang bahay; at, narito, ang kaniyang anak na babae ay lumalabas na sinasalubong siya ng pandereta at ng sayaw: at siya ang kaniyang bugtong na anak: liban sa kaniya'y wala na siyang anak na lalake o babae man. At nangyari, pagkakita niya sa kaniya, na kaniyang hinapak ang kaniyang damit, at sinabi, Sa aba ko, aking anak! pinapakumbaba mo akong lubos, at ikaw ay isa sa mga bumabagabag sa akin: sapagka't aking ibinuka ang aking bibig sa Panginoon, at hindi na ako makapanumbalik. At sinabi niya sa kaniya, Ama ko, iyong ibinuka ang iyong bibig sa Panginoon; gawin mo sa akin ang ayon sa ipinangusap ng iyong bibig; yamang ipinanghiganti ka ng Panginoon sa iyong mga kaaway, sa makatuwid baga'y sa mga anak ni Ammon. At sinabi niya sa kaniyang ama, Ipagawa mo ang bagay na ito sa akin: pahintulutan mo lamang akong dalawang buwan, upang ako'y humayo't yumaon sa mga bundukin at aking itangis ang aking pagkadalaga, ako at ang aking mga kasama. At kaniyang sinabi, Yumaon ka. At pinapagpaalam niya siyang dalawang buwan: at siya'y yumaon, siya at ang kaniyang mga kasama, at itinangis ang kaniyang pagkadalaga sa mga bundukin. At nangyari, sa katapusan ng dalawang buwan, na siya'y nagbalik sa kaniyang ama, na ginawa sa kaniya ang ayon sa kaniyang panata na kaniyang ipinanata: at siya'y hindi nasipingan ng lalake. At naging kaugalian sa Israel, Na ipinagdidiwang taon taon ng mga anak na babae ng Israel ang anak ni Jephte na Galaadita, na apat na araw sa isang taon.