Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hebreo 1:5-14

Mga Hebreo 1:5-14 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Sapagkat kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, “Ikaw ang aking Anak, mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.” Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel, “Ako'y kanyang magiging Ama, at siya'y aking magiging Anak.” At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya, “Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.” Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya, “Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel, at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.” Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya, “Ang iyong trono, O Diyos ay magpakailan pa man, ikaw ay maghaharing may katarungan. Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi; kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili; higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.” Sinabi pa rin niya, “Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan, at ang mga kamay mo ang siyang lumikha ng kalangitan. Maliban sa iyo, lahat ay lilipas, at tulad ng damit, lahat ay kukupas, at ililigpit mong gaya ng isang balabal, at tulad ng damit, sila'y papalitan. Ngunit mananatili ka't hindi magbabago, walang katapusan ang mga taon mo.” Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.” Ano ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga maliligtas.

Mga Hebreo 1:5-14 Ang Salita ng Diyos (ASD)

Sapagkat kailanmaʼy wala ni isa man sa mga anghel ang sinabihan ng Diyos ng ganito: “Ikaw ang aking Anak, at ngayon, ako na ang iyong Ama.” At wala ring sinumang anghel na sinabihan ang Diyos ng ganito: “Akoʼy magiging Ama niya, at siyaʼy magiging Anak ko.” At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang kaisa-isang Anak sa mundo, sinabi niya, “Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.” Ito ang sinabi ng Diyos tungkol sa mga anghel: “Ginagawa niyang hangin ang kanyang mga anghel, at nagliliyab na apoy ang kanyang mga utusan.” Ngunit ito naman ang sinabi ng Diyos tungkol sa kanyang Anak: “O Diyos, ang kaharian mo ay magpakailanman. Ang paghahari mo ay makatarungan. Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama. Kaya pinili ka ng Diyos, na iyong Diyos, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.” At sinabi pa niya, “Panginoon, nang pasimula paʼy nilikha mo ang sanlibutan at ikaw rin ang lumikha ng kalangitan. Ang lahat ng ito ay may katapusan, ngunit ikaʼy mananatili magpakailanman. Sapagkat tulad ng damit na kumukupas, ang mga ito ay lilipas. Ang mga itoʼy parang balabal na iyong titiklupin, at tulad ng damit ang mga itoʼy iyong papalitan. Ngunit ikaʼy hindi magbabago, at mananatiling buháy magpakailanman.” Kailanmaʼy hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel: “Umupo ka rito sa aking kanan hanggang sa gawin kong iyong apakan ang iyong mga kalaban.” Kung ganoon, ang mga anghel ay mga espiritung naglilingkod lang sa Diyos, at sinusugo niya upang tumulong sa mga taong tatanggap ng kaligtasan.

Mga Hebreo 1:5-14 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)

Sapagka't kanino nga sa mga anghel sinabi niya kailan man, Ikaw ay aking Anak, Ikaw ay aking ipinanganak ngayon? at muli, Ako'y magiging kaniyang Ama, At siya'y magiging aking Anak? At muli nang dinadala niya ang panganay sa sangkalupaan ay sinasabi, At sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Dios. At sinasabi niya tungkol sa mga anghel, Yaong ginagawang mga anghel niya ang mga hangin, At ang kaniyang mga ministro ay ningas ng apoy: Nguni't tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan man; At ang setro ng katuwiran ay siyang setro ng iyong kaharian. Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan; Kaya't ang Dios, ang Dios mo, ay nagbuhos sa inyo, Ng langis ng kasayahang higit sa iyong mga kasamahan. At, Ikaw, Panginoon, nang pasimula'y inilagay mo ang kinasasaligan ng lupa, At ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay: Sila'y mangapapahamak; datapuwa't ikaw ay nananatili: At silang lahat ay mangalulumang gaya ng isang kasuutan; At gaya ng isang balabal sila'y iyong bibilutin, At sila'y mapapalitang gaya ng kasuutan: Nguni't ikaw ay ikaw rin, At ang iyong mga taon ay di matatapos. Nguni't kanino sa mga anghel sinabi niya kailan man, Lumuklok ka sa aking kanan, Hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tungtungan ng iyong mga paa? Hindi baga silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan?