Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Colosas 2:1-23

Mga Taga-Colosas 2:1-23 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Nais kong malaman ninyong gayon na lamang ang pagsisikap ko para sa inyo, gayundin para sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang personal. Ginagawa ko ito upang palakasin ang kanilang loob at upang mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, mararanasan nila ang ganap na pagpapala ng tunay na pagkaunawa at kaalaman patungkol sa hiwaga ng Diyos, na walang iba kundi si Cristo. Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos. Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng mga pananalitang mapanghikayat. Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo. Sapagkat tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya. Magpakatatag kayo at patuloy na lumago sa pagkakilala sa kanya. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos. Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at madayang katuruan na hindi kay Cristo nagmula, kundi sa mga tradisyon ng mga tao at sa mga alituntunin ng mundong ito. Sapagkat likas kay Cristo ang buong pagka-diyos kahit na siya'y nagkatawang-tao. Kaya't kayo'y ganap na sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala. Sa pamamagitan din ni Cristo, kayo'y tinuli hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu. Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi nasasakop ng Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay. Kaya't huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa ipinaggigiitan nilang mga bagay na di naman nakikita. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. Hindi sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Siya rin ang nagdurugtong ng mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos. Kayo'y namatay nang kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyan,” “Huwag gagalawin iyon”? Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. Sa biglang tingin, tila nga makakabuti ang ganoong uri ng pagsamba at ang ganoong pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay hindi nakakapigil sa hilig ng laman.

Mga Taga-Colosas 2:1-23 Ang Salita ng Diyos (ASD)

Nais kong malaman ninyo kung gaano ako nagsikap para sa inyo, ganoon din sa mga nasa Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakilala sa akin nang personal. Ginagawa ko ito upang palakasin ang loob ninyong lahat at pag-isahin kayo sa pag-ibig. Sa ganoon, malalaman at mauunawaan nʼyo nang lubos ang lihim na plano ng Diyos tungkol kay Kristo. Si Kristo ang pinagmumulan ng lahat ng karunungan at kaalaman. Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo malinlang ninuman sa pamamagitan ng magagaling nilang pangangatwiran. Kahit hindi ko kayo kapiling, palagi kayong nasa isipan ko. At masaya ako dahil maayos ang pamumuhay nʼyo at matatag ang inyong pananampalataya kay Kristo. Dahil tinanggap na ninyo na si Kristo Hesus bilang Panginoon, mamuhay kayo nang karapat-dapat sa kanya. Patuloy kayong lumago at tumibay sa kanya. Magpakatatag kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at maging mapagpasalamat din kayo. Maging mapanuri kayo nang hindi kayo madala ng walang kabuluhan at mapanlinlang na pilosopiya. Mga tradisyon lamang ito at mga pamamaraan ng mundo, at hindi mula kay Kristo. Sapagkat ang kaganapan ng Diyos ay nananahan kay Kristo, sa katawang lupa niya. At naging ganap kayo sa pakikipag-isa nʼyo sa kanya, na siyang pangulo ng lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan. Dahil sa pakikipag-isa nʼyo kay Kristo, tinuli na kayo. Ang pagtutuling ito ay hindi pisikal kundi espirituwal – ang pag-aalis ng masasamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Kristo. Inilibing kayong kasama ni Kristo nang bautismuhan kayo. At dahil nakay Kristo na kayo, muli kayong binuhay na kasama niya, dahil nananalig kayo sa kapangyarihan ng Diyos na bumuhay sa kanya. Noong una, itinuring kayong mga patay dahil sa mga kasalanan ninyo. Subalit ngayon, binuhay kayo ng Diyos kasama ni Kristo. Pinatawad niya ang lahat ng ating kasalanan at binura ang listahan ng mga kasalanang dapat nating panagutan. Pinawalang-bisa niya ito at kasama niyang ipinako sa krus. Doon din sa krus nilupig ng Diyos ang mga espiritung namumuno at may kapangyarihan, at ipinakita sa lahat na ang mga ito ay bihag na niya. Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga tao na nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, Pista ng Pagsisimula ng Buwan, o Araw ng Pamamahinga. Anino lamang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Kristo ang katuparan nito. Huwag kayong padadaya sa mga taong nanghihikayat na kailangan ninyong pagkaitan ang sarili nʼyo at sambahin ang mga anghel. Pinaninindigan nila ang mga ito dahil sa mga pangitain nila na pagyayabang lang, walang kabuluhan, at gawa-gawa lang ng makamundo nilang pag-iisip. Wala silang kaugnayan kay Kristo na siyang ulo natin. Siya ang nag-uugnay at nag-aalaga sa atin na kanyang katawan sa pamamagitan ng mga magkakaugnay na bahagi nito. Sa ganoon, lumalago tayo nang naaayon sa Diyos. Namatay kayong kasama ni Kristo, at pinalaya sa mga walang kabuluhang pamamaraan ng mundo, ngunit bakit makamundo pa rin ang inyong pamumuhay? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga tuntuning tulad ng, “Huwag hahawak nito! Huwag titikim niyon! Huwag hihipo niyan!”? Ang mga itoʼy batay lang sa utos at turo ng tao tungkol sa mga bagay na nawawala pagkatapos kainin o inumin. Sa unang tingin, wariʼy may karunungan ang mga ganitong katuruan tungkol sa gusto nilang pagsamba, pagpapakumbaba, at pagpapahirap sa sariling katawan. Subalit ang totoo, wala namang naitutulong ang mga ito sa pagpipigil sa masasamang hilig ng laman.

Mga Taga-Colosas 2:1-23 Ang Biblia (TLAB)

Sapagka't ibig ko na inyong maalaman kung gaano kalaki ang aking pagpipilit dahil sa inyo, at sa nangasa Laodicea, at sa lahat na hindi nakakita ng mukha ko sa laman; Upang mangaaliw ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakalakip sa pagibig, at sa lahat ng mga kayamanan ng lubos na katiwasayan ng pagkaunawa, upang makilala nila ang hiwaga ng Dios, sa makatuwid baga'y si Cristo, Na siyang kinatataguan ng lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman. Ito'y sinasabi ko, upang huwag kayong madaya ng sinoman sa mga pananalitang kaakitakit. Sapagka't bagaman sa laman ako'y wala sa harap, gayon ma'y nasa inyo ako sa espiritu, na nagagalak at nakikita ko ang inyong ayos, at ang katibayan ng inyong pananampalataya kay Cristo. Kung paano nga na inyong tinanggap si Cristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa kaniya, Na nangauugat at nangatatayo sa kaniya, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo, na sumasagana sa pagpapasalamat. Kayo'y magsipagingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopia at walang kabuluhang pagdaraya, ayon sa sali't saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo: Sapagka't sa kaniya'y nananahan ang buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman, At sa kaniya kayo'y napuspus na siyang pangulo ng lahat na pamunuan at kapangyarihan: Na sa kaniya ay tinuli rin naman kayo ng pagtutuling hindi gawa ng mga kamay, sa pagkahubad ng katawang laman, sa pagtutuli ni Cristo; Na nangalibing na kalakip niya sa bautismo, na kayo nama'y muling binuhay na kalakip niya, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagawa ng Dios, na muling bumangon sa kaniya sa mga patay. At nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan, at sa di pagtutuli ng inyong laman ay kaniyang binuhay kayo na kalakip niya, na ipinatawad sa atin ang ating lahat na mga kasalanan: Na pinawi ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan laban sa atin, na hindi naayon sa atin: at ito'y kaniyang inalis, na ipinako sa krus; Pagkasamsam sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sila'y mga inilagay niya sa hayag na kahihiyan, na nagtatagumpay siya sa kanila sa bagay na ito. Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath: Na isang anino ng mga bagay na magsisidating: nguni't ang katawan ay kay Cristo. Sinoman ay huwag manakawan ng ganting-pala sa inyo sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na nananatili sa mga bagay na kaniyang nakita, na nagpapalalo ng walang kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang akalang ukol sa laman, At hindi nangangapit sa Ulo, na sa kaniya'y ang buong katawan, na inaalalayan at nakalakip sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid, ay lumalago ng paglagong mula sa Dios. Kung kayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo mula sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, bakit, na waring kayo'y nangabubuhay pa sa sanglibutan, kayo'y nangapasasakop sa mga palatuntunan, Gaya ng: Huwag dumampot, ni huwag lumasap, ni huwag humipo; (Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao? Ang mga bagay na iya'y katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni't walang anomang kabuluhan laban sa ikalalayaw ng laman.

Mga Taga-Colosas 2:1-23 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Nais kong malaman ninyong gayon na lamang ang pagsisikap ko para sa inyo, gayundin para sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang personal. Ginagawa ko ito upang palakasin ang kanilang loob at upang mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, mararanasan nila ang ganap na pagpapala ng tunay na pagkaunawa at kaalaman patungkol sa hiwaga ng Diyos, na walang iba kundi si Cristo. Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos. Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng mga pananalitang mapanghikayat. Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo. Sapagkat tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya. Magpakatatag kayo at patuloy na lumago sa pagkakilala sa kanya. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos. Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at madayang katuruan na hindi kay Cristo nagmula, kundi sa mga tradisyon ng mga tao at sa mga alituntunin ng mundong ito. Sapagkat likas kay Cristo ang buong pagka-diyos kahit na siya'y nagkatawang-tao. Kaya't kayo'y ganap na sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala. Sa pamamagitan din ni Cristo, kayo'y tinuli hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu. Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi nasasakop ng Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay. Kaya't huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa ipinaggigiitan nilang mga bagay na di naman nakikita. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. Hindi sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Siya rin ang nagdurugtong ng mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos. Kayo'y namatay nang kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyan,” “Huwag gagalawin iyon”? Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. Sa biglang tingin, tila nga makakabuti ang ganoong uri ng pagsamba at ang ganoong pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay hindi nakakapigil sa hilig ng laman.

Mga Taga-Colosas 2:1-23 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)

Sapagka't ibig ko na inyong maalaman kung gaano kalaki ang aking pagpipilit dahil sa inyo, at sa nangasa Laodicea, at sa lahat na hindi nakakita ng mukha ko sa laman; Upang mangaaliw ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakalakip sa pagibig, at sa lahat ng mga kayamanan ng lubos na katiwasayan ng pagkaunawa, upang makilala nila ang hiwaga ng Dios, sa makatuwid baga'y si Cristo, Na siyang kinatataguan ng lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman. Ito'y sinasabi ko, upang huwag kayong madaya ng sinoman sa mga pananalitang kaakitakit. Sapagka't bagaman sa laman ako'y wala sa harap, gayon ma'y nasa inyo ako sa espiritu, na nagagalak at nakikita ko ang inyong ayos, at ang katibayan ng inyong pananampalataya kay Cristo. Kung paano nga na inyong tinanggap si Cristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa kaniya, Na nangauugat at nangatatayo sa kaniya, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo, na sumasagana sa pagpapasalamat. Kayo'y magsipagingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopia at walang kabuluhang pagdaraya, ayon sa sali'tsaling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo: Sapagka't sa kaniya'y nananahan ang buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman, At sa kaniya kayo'y napuspus na siyang pangulo ng lahat na pamunuan at kapangyarihan: Na sa kaniya ay tinuli rin naman kayo ng pagtutuling hindi gawa ng mga kamay, sa pagkahubad ng katawang laman, sa pagtutuli ni Cristo; Na nangalibing na kalakip niya sa bautismo, na kayo nama'y muling binuhay na kalakip niya, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagawa ng Dios, na muling bumangon sa kaniya sa mga patay. At nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan, at sa di pagtutuli ng inyong laman ay kaniyang binuhay kayo na kalakip niya, na ipinatawad sa atin ang ating lahat na mga kasalanan: Na pinawi ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan laban sa atin, na hindi naayon sa atin: at ito'y kaniyang inalis, na ipinako sa krus; Pagkasamsam sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sila'y mga inilagay niya sa hayag na kahihiyan, na nagtatagumpay siya sa kanila sa bagay na ito. Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath: Na isang anino ng mga bagay na magsisidating: nguni't ang katawan ay kay Cristo. Sinoman ay huwag manakawan ng ganting-pala sa inyo sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na nananatili sa mga bagay na kaniyang nakita, na nagpapalalo ng walang kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang akalang ukol sa laman, At hindi nangangapit sa Ulo, na sa kaniya'y ang buong katawan, na inaalalayan at nakalakip sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid, ay lumalago ng paglagong mula sa Dios. Kung kayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo mula sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, bakit, na waring kayo'y nangabubuhay pa sa sanglibutan, kayo'y nangapasasakop sa mga palatuntunan, Gaya ng: Huwag dumampot, ni huwag lumasap, ni huwag humipo (Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao? Ang mga bagay na iya'y katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni't walang anomang kabuluhan laban sa ikalalayaw ng laman.