1 Mga Hari 16:1-34
1 Mga Hari 16:1-34 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)
Isinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu na anak ni Hanani kay Baasa at ganito ang ipinasabi: “Pinili kita at ginawang hari ng bayan kong Israel. Ngunit sinundan mo ang halimbawa ni Jeroboam at ibinunsod mo sa pagkakasala ang bayan ko. Kaya't itatakwil din kita at ang iyong angkan, gaya nang ginawa ko kay Jeroboam. Sinuman sa iyong angkan ang mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.” Ang iba pang mga ginawa ni Baasa at ang kanyang kagitingan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. Ang anak niyang si Ela ang humalili sa kanya bilang hari. Sinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu upang ipahayag kay Baasa at sa kanyang pamilya ang kanyang hatol laban sa hari. Gayundin naman, dahil sa kanyang pagsunod sa mga kasalanan ni Jeroboam, nilipol din niya ang buong angkan nito. Naging hari ng Israel si Ela na anak ni Baasa noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Dalawang taon siyang naghari at sa Tirza nanirahan. Pinagtaksilan siya ni Zimri na pinuno ng kalahati ng hukbong gumagamit ng karwahe. Samantalang lasing si Ela sa bahay ni Arsa na tagapamahala ng palasyo sa Tirza, pumasok si Zimri sa palasyo at pinatay si Ela at siya ang pumalit na hari. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Simula pa lamang ng paghahari ni Zimri, pinatay na niyang lahat ang buong pamilya ni Baasa. Ipinapatay niya ang lahat ng lalaking kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa. Nilipol nga niya ang buong angkan ni Baasa ayon sa sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng propetang si Jehu. Nagalit si Yahweh, ang Diyos ng Israel, kina Baasa at Ela sapagkat ibinunsod nila ang Israel sa pagkakasala at pagsamba sa mga diyus-diyosan. Ang iba pang ginawa ni Haring Ela ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Naging hari naman ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa Tirza sa loob lamang ng pitong araw. Pinalibutan at nilusob noon ng hukbong Israel ang lunsod ng Gibeton sa Filistia at nang mabalitaan nila ang pagtataksil ni Zimri at ang pagkamatay ng hari, pinagkaisahan nilang gawing hari si Omri, ang pinuno ng hukbo. Iniwan nga nila ang Gibeton, at kinubkob ang Tirza. Nang makita ni Zimri na mahuhulog na ang bayan sa kamay ng kalaban, nagkulong siya sa kastilyo ng palasyo at sinindihan iyon. Kaya't kasama siyang nasunog doon. Nangyari ito sapagkat hindi rin kinalugdan ni Yahweh ang mga ginawa ni Zimri. Ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala tulad ng ginawa ni Jeroboam. Ang iba pang ginawa ni Zimri, pati ang kanyang pakikipagsabwatan upang agawin ang trono, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Pagkamatay ni Zimri, nahati ang Israel sa dalawang pangkat. Pumanig ang isa kay Omri, ngunit si Tibni na anak ni Ginat ang pinili ng ikalawa. Ngunit nagtagumpay din ang pangkat ni Omri. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari. Si Omri ay naging hari ng Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda at labindalawang taon siyang naghari. Tumira siya sa Tirza sa loob ng anim na taon. Pagkatapos, binili niya kay Semer ang isang bundok sa halagang pitumpung kilong pilak. Nagtayo siya roon ng isang lunsod na tinawag niyang Samaria, hango sa salitang Semer, pangalan ng binilhan niya ng bundok. Ginawa rin ni Omri ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Naging masahol pa nga siya sa mga nauna sa kanya. Tumulad siya kay Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang mga Israelita sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, kaya't nagalit sa kanila si Yahweh. Ang iba pang ginawa ni Omri at ang kanyang katapangan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay si Omri at inilibing sa Samaria. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ahab. Nagsimulang maghari sa Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya nanirahan, at naghari sa loob ng dalawampu't dalawang taon. Higit sa lahat ng nauna sa kanya ang kasamaang ginawa niya sa paningin ni Yahweh. Hindi pa siya nasiyahang ipagpatuloy ang ginawa ni Jeroboam. Pinakasalan din niya si Jezebel na anak ni Et-baal, hari ng Sidon. At mula noon, naglingkod siya at sumamba kay Baal. Nagpatayo siya ng templo para kay Baal sa Samaria. Nagpagawa siya ng altar at ipinasok doon ang ginawa niyang rebulto ni Ashera. Ang mga pagkakasalang ginawa niya'y higit na masama sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. Sa panahon niya, muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang lunsod ng Jerico. Ngunit nang ilagay ang pundasyon nito, buhay ng panganay niyang si Abiram ang kanyang ibinuwis. At nang itayo ang pintuan, buhay naman ng kanyang bunsong si Segub ang naging kabayaran. Sa ganon, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
1 Mga Hari 16:1-34 Ang Salita ng Diyos (ASD)
Ito ang mensahe ng PANGINOON laban kay Baasa na sinabi niya sa pamamagitan ni Jehu na anak ni Hanani: “Pinabangon kita mula sa lupa, at ginawang pinuno ng mga mamamayan kong Israelita. Pero sinunod mo ang pamumuhay ni Jeroboam at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng aking mga mamamayan, at ginalit mo ako dahil sa kanilang mga kasalanan. Kaya papatayin kita at lilipulin ko ang iyong pamilya katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ang mga kabilang sa pamilya mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.” Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Baasa, at ang mga ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. At ang anak niyang si Elah ang pumalit sa kanya bilang hari. Ang mensaheng iyon ng PANGINOON laban kay Baasa at sa pamilya niya ay sinabi ng PANGINOON sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani. Sinabi iyon ng PANGINOON dahil sa lahat ng masasamang ginawa nito sa paningin ng PANGINOON. Ginalit niya ang PANGINOON dahil sa mga ginawa niya na katulad ng ginawa ng pamilya ni Jeroboam, at dahil sa kanyang pagpatay sa buong pamilya ni Jeroboam. Noong ikadalawampuʼt anim na taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari ng Israel si Elah na anak ni Baasa. Sa Tirza siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawang taon. Si Zimri, na isa sa mga opisyal niya at kumander ng kalahati ng kanyang mga mangangarwahe ay nagbalak ng masama laban sa kanya. Isang araw, naglasing si Elah sa Tirza, sa bahay ni Arsa na siyang tagapamahala ng palasyo roon. Pumasok si Zimri sa bahay at pinatay niya si Ela. Nangyari ito noong ikadalawampuʼt pitong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Zimri ang pumalit kay Elah bilang hari. Pagkaupo ni Zimri bilang hari, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Baasa. Wala siyang itinirang lalaki, kahit sa mga kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa. Nilipol ni Zimri ang buong pamilya ni Baasa ayon sa sinabi ng PANGINOON sa pamamagitan ng propetang si Jehu, dahil sa mga kasalanang ginawa nila na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita sa pamamagitan ng pagsamba sa walang kuwentang mga diyos-diyosan. Ito ang dahilan na nagalit kina Baasa at ng anak niyang si Elah ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Elah, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. Noong ikadalawampuʼt pitong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari ng Israel si Zimri. Doon siya tumira sa Tirza, ngunit pitong araw lang ang itinagal ng paghahari niya. Kasalukuyang nakakampo ang mga sundalo ng Israel malapit sa Gibeton na isang bayan ng mga Filisteo. Nabalitaan nila na pinatay ni Zimri ang hari. Kaya nang araw ding iyon sa kampo, ginawa nilang hari ng Israel si Omri na kumander ng mga sundalo ng Israel. Umalis agad sa Gibeton si Omri at ang mga lahat ng kasama niyang mga Israelita, at sinalakay nila ang Tirza. Nang makita ni Zimri na naaagaw na ang lungsod, pumunta siya sa tore ng palasyo at sinunog ang paligid nito, kaya nasunog siya at namatay. Nangyari ito dahil sa mga kasalanang ginawa niya. Masama ang ginawa niya sa paningin ng PANGINOON. Namuhay siyang katulad ni Jeroboam, at ginawa rin niya ang kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Zimri at ang tungkol sa pagrerebelde niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. Nahati ang mga mamamayan ng Israel sa dalawang grupo. Ang isang grupo ay gustong maging hari si Tibni na anak ni Ginat, at ang isang grupo naman ay gusto si Omri. Ngunit mas malakas ang mga pumapanig kay Omri kaysa sa mga pumapanig kay Tibni na anak ni Ginat. Namatay si Tibni, at si Omri ang naging hari. Noong ikatatlumpuʼt isang taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging si Omri sa Israel. Naghari siya sa loob ng labindalawang taon; ang anim na taon nito ay doon sa Tirza. Binili niya kay Shemer ang bundok ng Samaria ng anim na libong pirasong pilak, at pinatayuan niya ito ng lungsod na tinawag niyang Samaria, mula sa pangalan ni Shemer na siyang dating nagmamay-ari ng bundok. Masama ang ginawa ni Omri sa paningin ng PANGINOON, at nagkasala siya nang higit pa sa mga haring nauna sa kanya. Namuhay siyang katulad ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ginawa rin niya ang kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita. Dahil sa pagsamba nila sa mga walang kuwentang mga diyos-diyosan, ginalit nila ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Omri, at ang mga ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. Namatay si Omri at inilibing siya sa Samaria. Ang anak niyang si Ahab ang pumalit sa kanya bilang hari. Noong ikatatlumpuʼt walong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari ng Israel si Ahab na anak ni Omri. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawampuʼt dalawang taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng PANGINOON, higit pa sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. Kulang pa sa kanya ang pagsunod sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam, kinuha pa niyang maging asawa si Jezebel na anak ni Haring Etbaal ng mga Sidoneo. At mula noon, naglingkod siya at sumamba sa diyos-diyosang si Baal. Nagpatayo siya ng templo at altar para kay Baal doon sa Samaria. Nagpagawa rin siya ng mga posteng imahen ng diyosang si Ashera. Ginalit niya ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, higit pa sa ginawa ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya. Noong panahon ng paghahari ni Ahab, muling ipinatayo ni Hiel na taga-Betel ang Jerico. Habang ipinapatayo niya ang mga pundasyon nito, namatay ang panganay niyang anak na si Abiram. At habang ipinapagawa naman niya ang mga pintuan nito, namatay ang bunso niyang anak na si Segub. Nangyari ang lahat ng ito ayon sa sinabi ng PANGINOON sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
1 Mga Hari 16:1-34 Ang Biblia (TLAB)
At ang salita ng Panginoon ay, dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na sinasabi, Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pangulo sa aking bayang Israel; at ikaw ay lumakad ng lakad ni Jeroboam, at iyong pinapagkasala ang aking bayang Israel, upang mungkahiin mo ako sa galit sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan; Narito, aking lubos na papalisin si Baasa at ang kaniyang sangbahayan; at aking gagawin ang iyong sangbahayan na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat. Ang mamatay kay Baasa sa bayan ay kakanin ng mga aso; at ang mamatay sa kaniya sa parang ay kakanin ng mga ibon sa himpapawid, Ang iba nga sa mga gawa ni Baasa, at ang kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel? At natulog si Baasa na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Thirsa; at si Ela na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya. At bukod dito'y, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng Panginoon laban kay Baasa, at laban sa kaniyang sangbahayan, dahil sa lahat na kasamaan na kaniyang ginawa sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin siya sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kaniyang mga kamay, sa pagkagaya sa sangbahayan ni Jeroboam, at sapagka't sinaktan din niya siya. Nang ikadalawang pu't anim na taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Thirsa, at nagharing dalawang taon. At ang kaniyang lingkod na si Zimri, na punong kawal sa kalahati ng kaniyang mga karo, ay nagbanta laban sa kaniya. Siya'y nasa Thirsa nga, na nagiinom at lasing sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sangbahayan sa Thirsa: At pumasok si Zimri, at sinaktan siya, at pinatay siya, nang ikadalawang pu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, at naghari na kahalili niya. At nangyari, nang siya'y magpasimulang maghari, pagupo niya sa kaniyang luklukan, ay kaniyang sinaktan ang buong sangbahayan ni Baasa: hindi siya nagiwan ng isa man lamang lalaking bata, kahit kamaganak niya, kahit mga kaibigan niya. Ganito nilipol ni Zimri ang buong sangbahayan ni Baasa, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta, Dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at mga kasalanan ni Ela na kaniyang anak, na kanilang ipinagkasala, at kanilang ipinapagkasala sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan. Ang iba nga sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel? Nang ikadalawang pu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, ay naghari si Zimri na pitong araw sa Thirsa. Ang bayan nga ay humantong laban sa Gibbethon na nauukol sa mga Filisteo. At narinig ng bayan na nasa hantungan na sinabing nagbanta si Zimri, at sinaktan ang hari: kaya't ginawang hari sa Israel ng buong Israel si Omri na punong kawal ng hukbo nang araw na yaon sa kampamento. At si Omri ay umahon mula sa Gibbethon, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Thirsa. At nangyari, nang makita ni Zimri na ang bayan ay nasakop, na siya'y naparoon sa castilyo ng bahay ng hari, at sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay. Dahil sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang ipinagkasala sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon sa paglakad sa lakad ni Jeroboam, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ginawa, upang papagkasalahin ang Israel. Ang iba nga sa mga gawa ni Zimri, at ang kaniyang panghihimagsik na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel? Nang magkagayo'y ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Thibni na anak ni Gineth, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri. Nguni't ang bayan na sumunod kay Omri ay nanaig laban sa bayan na sumunod kay Thibni na anak ni Gineth: sa gayo'y namatay si Thibni at naghari si Omri. Nang ikatatlong pu't isang taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari na labing dalawang taon: anim na taon na naghari siya sa Thirsa. At binili niya ang burol ng Samaria kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak; at siya'y nagtayo sa burol, at tinawag ang pangalan ng bayan na kaniyang itinayo, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol, na Samaria. At gumawa si Omri ng masama sa paningin ng Panginoon, at gumawa ng masama na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya. Sapagka't siya'y lumakad sa buong lakad ni Jeroboam na anak ni Nabat, at sa kaniyang mga kasalanan na ipinapagkasala niya sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan. Ang iba nga sa mga gawa ni Omri na kaniyang ginawa, at ang kapangyarihan niya na kaniyang ipinamalas, di ba nasusulat sa mga aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel? Sa gayo'y natulog si Omri na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Samaria; at si Achab na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya. At nang ikatatlong pu't walong taon ni Asa na hari sa Juda, ay nagpasimula si Achab na anak ni Omri na maghari sa Israel: at si Achab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria na dalawang pu't dalawang taon. At si Achab na anak ni Omri ay gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya. At nangyari, na wari isang magaang bagay sa kaniya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na siya'y nagasawa kay Jezabel, na anak ni Ethbaal na hari ng mga Sidonio, at yumaon at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kaniya. At kaniyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal na kaniyang itinayo sa Samaria. At gumawa si Achab ng Asera; at gumawa pa ng higit si Achab upang mungkahiin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, sa galit kay sa lahat ng mga hari sa Israel na nauna sa kaniya. Sa kaniyang mga kaarawan itinayo ni Hiel na taga Beth-el ang Jerico: siya'y naglagay ng talagang-baon sa pagkamatay ni Abiram na kaniyang panganay, at itinayo ang mga pintuang-bayan niyaon sa pagkamatay ng kaniyang bunsong anak na si Segub; ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
1 Mga Hari 16:1-34 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)
Isinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu na anak ni Hanani kay Baasa at ganito ang ipinasabi: “Pinili kita at ginawang hari ng bayan kong Israel. Ngunit sinundan mo ang halimbawa ni Jeroboam at ibinunsod mo sa pagkakasala ang bayan ko. Kaya't itatakwil din kita at ang iyong angkan, gaya nang ginawa ko kay Jeroboam. Sinuman sa iyong angkan ang mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.” Ang iba pang mga ginawa ni Baasa at ang kanyang kagitingan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. Ang anak niyang si Ela ang humalili sa kanya bilang hari. Sinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu upang ipahayag kay Baasa at sa kanyang pamilya ang kanyang hatol laban sa hari. Gayundin naman, dahil sa kanyang pagsunod sa mga kasalanan ni Jeroboam, nilipol din niya ang buong angkan nito. Naging hari ng Israel si Ela na anak ni Baasa noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Dalawang taon siyang naghari at sa Tirza nanirahan. Pinagtaksilan siya ni Zimri na pinuno ng kalahati ng hukbong gumagamit ng karwahe. Samantalang lasing si Ela sa bahay ni Arsa na tagapamahala ng palasyo sa Tirza, pumasok si Zimri sa palasyo at pinatay si Ela at siya ang pumalit na hari. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Simula pa lamang ng paghahari ni Zimri, pinatay na niyang lahat ang buong pamilya ni Baasa. Ipinapatay niya ang lahat ng lalaking kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa. Nilipol nga niya ang buong angkan ni Baasa ayon sa sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng propetang si Jehu. Nagalit si Yahweh, ang Diyos ng Israel, kina Baasa at Ela sapagkat ibinunsod nila ang Israel sa pagkakasala at pagsamba sa mga diyus-diyosan. Ang iba pang ginawa ni Haring Ela ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Naging hari naman ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa Tirza sa loob lamang ng pitong araw. Pinalibutan at nilusob noon ng hukbong Israel ang lunsod ng Gibeton sa Filistia at nang mabalitaan nila ang pagtataksil ni Zimri at ang pagkamatay ng hari, pinagkaisahan nilang gawing hari si Omri, ang pinuno ng hukbo. Iniwan nga nila ang Gibeton, at kinubkob ang Tirza. Nang makita ni Zimri na mahuhulog na ang bayan sa kamay ng kalaban, nagkulong siya sa kastilyo ng palasyo at sinindihan iyon. Kaya't kasama siyang nasunog doon. Nangyari ito sapagkat hindi rin kinalugdan ni Yahweh ang mga ginawa ni Zimri. Ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala tulad ng ginawa ni Jeroboam. Ang iba pang ginawa ni Zimri, pati ang kanyang pakikipagsabwatan upang agawin ang trono, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Pagkamatay ni Zimri, nahati ang Israel sa dalawang pangkat. Pumanig ang isa kay Omri, ngunit si Tibni na anak ni Ginat ang pinili ng ikalawa. Ngunit nagtagumpay din ang pangkat ni Omri. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari. Si Omri ay naging hari ng Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda at labindalawang taon siyang naghari. Tumira siya sa Tirza sa loob ng anim na taon. Pagkatapos, binili niya kay Semer ang isang bundok sa halagang pitumpung kilong pilak. Nagtayo siya roon ng isang lunsod na tinawag niyang Samaria, hango sa salitang Semer, pangalan ng binilhan niya ng bundok. Ginawa rin ni Omri ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Naging masahol pa nga siya sa mga nauna sa kanya. Tumulad siya kay Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang mga Israelita sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, kaya't nagalit sa kanila si Yahweh. Ang iba pang ginawa ni Omri at ang kanyang katapangan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay si Omri at inilibing sa Samaria. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ahab. Nagsimulang maghari sa Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya nanirahan, at naghari sa loob ng dalawampu't dalawang taon. Higit sa lahat ng nauna sa kanya ang kasamaang ginawa niya sa paningin ni Yahweh. Hindi pa siya nasiyahang ipagpatuloy ang ginawa ni Jeroboam. Pinakasalan din niya si Jezebel na anak ni Et-baal, hari ng Sidon. At mula noon, naglingkod siya at sumamba kay Baal. Nagpatayo siya ng templo para kay Baal sa Samaria. Nagpagawa siya ng altar at ipinasok doon ang ginawa niyang rebulto ni Ashera. Ang mga pagkakasalang ginawa niya'y higit na masama sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. Sa panahon niya, muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang lunsod ng Jerico. Ngunit nang ilagay ang pundasyon nito, buhay ng panganay niyang si Abiram ang kanyang ibinuwis. At nang itayo ang pintuan, buhay naman ng kanyang bunsong si Segub ang naging kabayaran. Sa ganon, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
1 Mga Hari 16:1-34 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)