Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 6

6
Ibinalik ang Kaban ng Tipan
1Makalipas ang pitong buwan mula nang dalhin sa lupain ng mga Filisteo ang Kaban ni Yahweh, 2sumangguni ang mga ito sa kanilang mga pari at mga salamangkero. Itinanong nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Tipan at kung ano ang kailangang isama sa pagsasauli niyon.
3Ang sagot ng mga pari at mga salamangkero, “Kung ibabalik ninyo ang Kaban ng Diyos ng Israel, samahan ninyo ng handog na pambayad sa kasalanan. Sa ganitong paraan, patatawarin kayo ng Diyos at hindi na paparusahan.”
4Itinanong nila, “Anong handog na pambayad sa kasalanan ang kailangan?”
Sumagot sila, “Sampung pirasong ginto—limang hugis bukol at limang hugis daga—isa para sa bawat haring Filisteo, sapagkat pare-pareho ang bukol na ipinadala sa inyo, hari man o hindi. 5Ang mga bukol at dagang ginto ay gawin nga ninyong kamukha ng mga bukol at dagang nagpahirap sa inyo. Parangalan ninyo ang Diyos ng Israel at baka sakaling tigilan na niya ang pagpaparusa sa inyo, sa inyong mga diyos at sa buong bayan. 6Huwag na ninyong gayahin ang pagmamatigas ng Faraon at ng mga Egipcio. Hindi ba't pinayagan na rin nilang umalis ang mga Israelita nang sila'y pahirapan ng Diyos ng Israel? 7Kaya't maghanda kayo ng isang bagong kariton, at dalawang gatasang baka na may bisiro at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ikulong ninyo ang mga guya, at ipahila ang kariton sa dalawang baka. 8Isakay ninyo sa kariton ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at itabi ninyo rito ang kahon ng mga bukol at dagang ginto. Pagkatapos, palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay. 9Tingnan ninyo kung saan pupunta. Kapag dumiretso sa Beth-semes, si Yahweh nga ang nagparusa sa inyo. Kapag hindi nagtuloy sa Beth-semes, hindi siya ang may kagagawan ng nangyari sa atin, kundi nagkataon lamang.”
10Kumuha nga sila ng dalawang babaing baka na may guya, ipinahila sa mga ito ang kariton, at ikinulong ang mga guya nito. 11Isinakay nila sa kariton ang Kaban ng Tipan at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. 12Lumakad ang mga baka tuluy-tuloy sa Beth-semes, umuunga pa ang mga ito habang daan. Ang mga ito'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa. Ang mga pinunong Filisteo naman ay sumunod hanggang sa hangganan ng Beth-semes.
13Nag-aani noon ng trigo ang mga taga-Beth-semes at napasigaw sila sa tuwa nang makita ang Kaban. 14Ang kariton ay itinigil sa tabi ng isang malaking bato sa bukid ni Josue na taga-Beth-semes. Nilansag ng mga tagaroon ang kariton at sinindihan. Pagkatapos, pinatay nila ang dalawang baka at inialay bilang handog kay Yahweh. 15Kinuha ng mga Levita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. Ipinatong nila ito sa malaking batong naroon. Nang araw ring iyon, ang mga taga-Beth-semes ay naghandog kay Yahweh. 16Nang makita ng limang haring Filisteo ang nangyari, nagbalik na ang mga ito sa Ekron.
17Ito ang mga bayang pinag-ukulan ng mga gintong bukol na inihandog ng mga Filisteo kay Yahweh bilang handog na pambayad sa kasalanan: Asdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron. 18Ang limang dagang ginto naman ay para rin sa limang bayang ito at sa mga lupaing sakop ng limang haring Filisteo. At hanggang ngayon, naroroon pa sa bukid ni Josue sa Beth-semes ang malaking batong pinagpatungan ng Kaban ng Tipan ni Yahweh bilang saksi sa lahat ng nangyari.
19May pitumpung#19 pitumpung: Sa ibang manuskrito'y 50,070. taga-Beth-semes na nangahas na sumilip sa Kaban ng Tipan, kaya't sila'y pinatay ni Yahweh. Nagluksa ang mga taga-Beth-semes nang makita nila ang malagim na kamatayan ng kanilang mga kababayan.
Dinala ang Kaban sa Lunsod ng Jearim
20Sinabi ng mga taga-Beth-semes, “Sino ang makakaharap kay Yahweh, sa banal na Diyos? Saan kaya mabuting ipadala ang kanyang Kaban para mapalayo sa atin?” 21Nagpadala sila ng mga sugo sa Lunsod ng Jearim. Ipinasabi nilang kunin doon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh sapagkat ibinalik na ito ng mga Filisteo.

Kasalukuyang Napili:

1 Samuel 6: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya