33
Mga Yugto sa Paglalakbay ng mga Israelita
1Ito ang mga lugar na dinaanan ng mga Israelita nang umalis sila sa Ehipto na nakagrupo ang bawat lahi sa ilalim ng pangunguna nina Moises at Aaron. 2Ayon sa utos ng Panginoon, inilista ni Moises ang kanilang dinaanan na mga lugar mula sa kanilang pinanggalingan.
3Naglakbay sila mula sa Rameses sa ika-labinlimang araw ng unang buwan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Lumabas silang may lakas ng loob, sa paningin ng mga Ehipsiyo 4na naglilibing ng kanilang mga panganay na lalaking pinatay ng Panginoon. Hinatulan din ng Panginoon ang kanilang mga diyos.
5Umalis ang mga Israelita sa Rameses at nagkampo sa Sucot.
6Umalis sila sa Sucot at nagkampo sa Etam, sa gilid ng disyerto.
7Umalis sila sa Etam at nagbalik sa Pi-hahirot na nasa silangan ng Baal-zefon, at nagkampo sila malapit sa Migdol.
8Umalis sila sa Pi Harirot at tumawid ng dagat papunta sa disyerto. Naglakbay sila sa loob ng tatlong araw sa disyerto ng Etam at nagkampo sila Mara.
9Umalis sila sa Mara at pumunta sa Elim, kung saan may labindalawang bukal at pitumpung puno ng palma, at nagkampo sila doon.
10Umalis sila sa Elim at nagkampo sa tabi ng Dagat na Pula.
11Umalis sila sa Dagat na Pula at nagkampo sa disyerto ng Sin.
12Umalis sila sa ilang ng Sin at nagkampo sa Dofka.
13Umalis sila sa Dofka at nagkampo sa Alus.
14Umalis sila sa Alus at nagkampo sa Refidim, kung saan walang tubig na naiinom ang mga tao.
15Umalis sila sa Refidim at nagkampo sa disyerto ng Sinai.
16Umalis sila sa disyerto ng Sinai at nagkampo sa Kibrot Hataava.
17Umalis sila sa Kibrot Hataava at nagkampo sila sa Hazerot.
18Umalis sila sa Hazerot at nagkampo sa Ritma.
19Umalis sila sa Ritma at nagkampo sa Rimon Perez.
20Umalis sila sa Rimon Perez at nagkampo sa Libna.
21Umalis sila sa Libna at nagkampo sa Risa.
22Umalis sila sa Risa at nagkampo sa Kehelata.
23Umalis sila sa Kehelata at nagkampo sa Bundok ng Shefer.
24Umalis sila sa Bundok ng Shefer at nagkampo sa Harada.
25Umalis sa Harada at nagkampo sa Makelot.
26Umalis sila sa Makelot at nagkampo sa Tahat.
27Umalis sila sa Tahat at nagkampo sa Tera.
28Umalis sila sa Tera at nagkampo sa Mitca.
29Umalis sila sa Mitca at nagkampo sa Hasmona.
30Mula sa Hasmona, nagkampo sila sa Moserot.
31Mula sa Moserot, nagkampo sila Bene Jaacan.
32Mula sa Bene Jaacan, nagkampo sila sa Hor Hagidgad.
33Mula sa Hor Hagidgad, nagkampo sila sa Jotbata.
34Mula sa Jotbata, nagkampo sila sa Abrona.
35Mula sa Abrona, nagkampo sila sa Ezion-geber,
36Mula sa Ezion-geber, nagkampo sila sa Kades, sa disyerto ng Zin.
37Mula sa Kades, nagkampo sila sa Bundok ng Hor, sa hangganan ng lupain ng Edom. 38Sa utos ng Panginoon, umakyat ang paring si Aaron sa Bundok ng Hor at doon siya namatay noong unang araw ng ikalimang buwan ng ika-apatnapung taon mula nang lumabas sa Ehipto ang mga Israelita. 39Si Aaron ay 123 taóng gulang noong namatay siya sa Bundok ng Hor.
40Ngayon, ang hari ng Canaan na si Arad na naninirahan sa Negeb ay nakabalita na paparating ang mga mamamayan ng Israel.
41Mula sa Bundok ng Hor, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita at nagkampo sila sa Zalmona.
42Mula sa Zalmona, nagkampo sila sa Punon.
43Mula sa Punon, nagkampo sila sa Obot.
44Mula sa Obot, nagkampo sila sa Iye Abarim na nasa hangganan ng Moab.
45Mula asa Iye Abarim, nagkampo sila sa Dibon Gad.
46Mula sa Dibon Gad, nagkampo sila sa Almon Diblataim.
47Mula sa Almon Diblataim, nagkampo sila sa mga bundok ng Abarim na malapit sa Nebo.
48Mula sa mga bundok ng Abarim, nagkampo sila sa mga kapatagan ng Moab na kaharap ng Jerico. 49Nagkampo sila roon sa tabi ng Jordan mula sa Bet-jeshimot hanggang sa Abel-sitim na sakop pa rin ng kapatagan ng Moab.
50At habang nagkakampo sila roon sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico, sinabi ng Panginoon kay Moises, 51“Sabihin mo sa mga Israelita na kung tatawid sila sa Ilog Jordan papunta sa Canaan, 52palayasin nila ang lahat ng naninirahan doon at gibain ang lahat ng diyos-diyosan nila na gawa sa mga bato at metal, at ang lahat ng kanilang sambahang nasa matataas na lugar. 53Sasakupin ninyo ang mga lupaing iyon at doon kayo titira dahil ibinibigay ko ito sa inyo. 54Partihin ninyo ang lupa sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa dami ng bawat lahi. Ang lahi na may maraming bilang ay partihan ninyo ng malaki, at ang lahi na may kakaunting bilang ay partihan ninyo ng maliit. Kung ano ang mabunot nila, iyon na ang kanilang parte. Sa pamamagitan nito, mahahati ang lupa sa bawat lahi.
55“Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga naninirahan doon, ang mga matitira sa kanilaʼy magiging parang puwing sa inyong mga mata at tinik sa inyong mga tagiliran. Magbibigay sila ng kaguluhan sa inyong paninirahan doon. 56At gagawin ko sa inyo ang parusa na dapat para sa kanila.”