Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jonas 4

4
Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Panginoon
1Sumama ang loob ni Jonas dahil sa pagpapatawad ng Panginoon sa Nineve, at galit na galit siya. 2Sinabi niya sa Panginoon nang siya ay manalangin, “O Panginoon, talagang hindi ako nagkamali nang sabihin ko noong naroon pa ako sa aming lugar na kaaawaan mo ang mga taga-Nineve kung magsisisi sila, dahil alam ko na mahabagin kang Diyos at mapagmalasakit. Mapagmahal ka at hindi madaling magalit. At handa kang magbago ng isip na hindi na magpadala ng parusa. Iyan ang dahilan kung bakit tumakas ako papuntang Tarsis. 3Kaya Panginoon, kunin mo na lang ako, dahil mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.”
4Sumagot ang Panginoon, “May karapatan ka bang magalit sa ginawa ko sa Nineve?”
5Lumabas si Jonas sa lungsod at umupo sa gawing silangan nito. Gumawa siya ng masisilungan at sumilong doon habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. 6Pinatubo ng Panginoong Diyos ang isang halaman na lampas tao upang maliliman siya. At labis namang ikinagalak iyon ni Jonas. 7Ngunit kinabukasan, habang maaga pa, ipinakain ng Diyos sa uod ang halamang iyon at nalanta ito.
8Pagsikat ng araw, pinaihip ng Diyos ang mainit na hangin mula sa silangan. Halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang ulo niya. Nais niyang mamatay na lang, kaya sinabi niya, “Mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.”
9Sinabi ng Diyos sa kanya, “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?”
Sumagot si Jonas, “Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako.”
10Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nanghinayang ka nga sa halamang iyon na tumubo sa loob ng isang magdamag at nalanta rin agad sa loob din ng isang gabi, kahit na hindi ikaw ang nagtanim o nagpatubo. 11Ako pa kaya ang hindi manghinayang sa napakalaking lungsod ng Nineve na may mahigit 120,000 taong hindi nalalaman kung alin ang tama at ang mali#4:11 taong hindi … mali: Sa literal, na hindi alam kung alin ang kanilang kanan o kaliwang kamay. at marami ring mga hayop?”

Kasalukuyang Napili:

Jonas 4: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in