Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jeremias 32

32
Bumili ng Bukid si Jeremias
1Ito ang mensaheng sinabi ng Panginoon kay Jeremias noong ikasampung taon ng paghahari ni Zedequias sa Juda, na ikalabingwalong taon naman ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2Nang panahong iyon, sinasalakay ng mga sundalo ng Babilonia ang Jerusalem, at si Propeta Jeremias ay nakakulong sa bilangguan sa himpilan ng mga guwardiya sa palasyo ng hari ng Juda.
3Ikinulong siya roon ni Haring Zedequias na hari ng Juda dahil sa kanyang ipinahayag. Sapagkat sinasabi ni Jeremias, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lungsod na ito sa hari ng Babilonia at sasakupin niya ito. 4Si Zedequias na hari ng Juda ay mabibihag ng mga taga-Babilonia#32:4 taga-Babilonia: Sa literal, Caldeo. Ganito rin sa talata 5|JER 32:5, 24|JER 32:24, 25|JER 32:25, 28|JER 32:28 at 43|JER 32:43. at siyaʼy dadalhin sa hari ng Babilonia. Kakausapin niya ito nang harapan at magkikita sila nang mukha sa mukha. 5Dadalhin ko si Zedequias sa Babilonia at mananatili siya roon hanggang sa matapos ang pagpaparusa sa kanya. Lumaban man kayo sa mga taga-Babilonia, hindi rin kayo magtatagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
6Sinabi pa ni Jeremias, “Sinabi sa akin ng Panginoon na 7si Hanamel na anak ng tiyo kong si Salum ay lalapit sa akin at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko sa Anatot. Dahil ikaw ang pinakamalapít kong kamag-anak, may karapatan at tungkulin kang bilhin ito.’
8“Gaya nga ng sinabi sa akin ng Panginoon, pumunta sa akin si Hanamel na pinsan ko roon sa himpilan ng mga guwardiya. Sinabi niya sa akin, ‘Bilhin mo ang bukid ko roon sa Anatot sa lupain ng lahi ni Benjamin. May karapatan at tungkulin ka upang tubusin at mapasaiyo, kaya bilhin mo na iyon.’ ”
Alam kong kalooban ito ng Panginoon, 9kaya binili ko ang bukid na iyon kay Hanamel sa halagang labimpitong pirasong pilak. 10Nilagdaan at tinatakan niya ang mga kasulatan ng bilihan sa harap ng mga saksi at tinimbang ang pilak bilang kabayaran. 11Pagkatapos, kinuha ko ang mga kasulatang may tatak at ang kopyang walang tatak kung saan nakasulat ang mga kasunduan at tuntunin ng bilihan. 12At ibinigay ko ito kay Baruc na anak ni Nerias na apo ni Maaseias, sa harap ni Hanamel at ng mga saksi na pumirma sa mga kasulatang ito, at sa harap ng lahat ng Hudyo na nakaupo sa himpilan ng mga guwardiya.
13At sa harap nilaʼy sinabi ko kay Baruc 14na ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, “Kunin mo ang mga kasulatang natatakan at hindi natatakan, at ilagay mo sa palayok upang hindi ito masira at upang tumagal ito ng mahabang panahon. 15Sapagkat darating ang araw na muling magbibilihan ng mga ari-arian ang mga tao sa lugar na ito. Magbibilihan sila ng mga bahay, mga bukid, at mga ubasan. Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito.”
16Pagkatapos kong maibigay ang kasulatan kay Baruc na anak ni Nerias, nanalangin ako sa Panginoon:
17O Makapangyarihang Panginoon, nilikha nʼyo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo. Walang anumang bagay na hindi nʼyo po magagawa. 18Ipinapakita nʼyo ang pag-ibig nʼyo sa libu-libo, pero pinarurusahan nʼyo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang nila. O kay dakila po ninyo O Diyos, ang pangalan ninyo ay Panginoon ng mga Hukbo. 19Napakaganda po ng mga plano nʼyo at kahanga-hanga ang mga gawa ninyo. Nakikita nʼyo ang lahat ng ginagawa ng mga tao at ginagantihan nʼyo po sila ayon sa mga pag-uugali at gawa nila. 20Nooʼy gumawa kayo ng mga tanda at kababalaghan doon sa Ehipto, at hanggang ngayon ay patuloy nʼyo po itong ginagawa hindi lang sa gitna ng mga Israelita pati rin sa buong mundo. At sa pamamagitan nito, naging tanyag po kayo sa lahat ng dako. 21Sa pamamagitan ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay, at sa kapangyarihan nʼyo, natakot po ang mga taga-Ehipto at pinalaya nʼyo ang mamamayan nʼyong mga Israelita sa Ehipto. 22Ibinigay po ninyo sa kanila ang maganda at masaganang lupain#32:22 maganda at masaganang lupain: Sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot. na siyang ipinangako nʼyong ibibigay sa kanilang mga ninuno. 23Naging kanila po ito pero hindi sila sumunod sa inyo o sa mga kautusan nʼyo, at hindi nila ginawa ang ipinapagawa nʼyo sa kanila. Kaya pinadalhan nʼyo sila ng kapahamakan.
24“At ngayon, tinatambakan ng lupa ng mga taga-Babilonia ang gilid ng pader ng Jerusalem upang mapasok at maagaw nila ang lungsod At dahil sa digmaan, gutom, at sakit, marami pong namatay at naagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod ayon din po sa sinabi ninyo. 25Ngunit sa kabila po ng lahat ng ito, O Makapangyarihang Panginoon, sinugo nʼyo ako na gamitin ang aking yaman upang bilhin ang bukid sa harap ng mga saksi kahit malapit nang maagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”
26Kaya sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 27“Ako ang Panginoon, ang Diyos ng lahat ng tao. Mayroon bang bagay na hindi ko magagawa? 28Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia at sa hari nilang si Nebucadnezar, at mapapasakanila ito. 29Susunugin ng mga Caldeo ang lungsod na ito, pati na ang mga bahay na ang bubungan ay pinagsusunugan ng mga insensong para kay Baal at pinaghahandugan ng mga handog na inumin para sa mga diyos-diyosang labis kong ikinagalit.
30“Mula pa noong una, wala nang ginawa ang mga taga-Israel at taga-Juda kundi puro kasamaan. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng mga ginagawa nila, sabi ng Panginoon. 31Mula nang itayo ang lungsod na ito hanggang ngayon, ginagalit ako ng mga mamamayan nito. Kaya wawasakin ko na ito. 32Ginagalit ako ng mga taga-Israel at taga-Juda dahil sa masasama nilang ginagawa. Lahat sila; ang kanilang mga hari at pinuno, mga pari at propeta, at ang mga taga-Jerusalem. 33Lumayo sila sa akin kahit palagi ko silang tinuturuan. Ayaw nilang makinig at ayaw nilang magpaturo. 34Inilagay nila ang mga kasuklam-suklam nilang diyos-diyosan sa aking Templo kung saan ako sinasamba, at dahil dito ay dinungisan nila ito. 35Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal sa Lambak ng Ben-hinom at doon din nila inihahandog ang kanilang mga anak kay Molec. Hindi ko sila inutusan ng ganoon. Ni hindi sumagi sa isipan ko na gagawin nila itong kasuklam-suklam na bagay na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda.
36“Jeremias, totoo ang sinabi mong ibibigay sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at sakit. Ngunit ngayon ako, ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, ay nagsasabi: 37Titipunin ko ang mga mamamayan ko mula sa lahat ng bansa na pinangalatan ko sa kanila dahil sa matinding galit ko sa kanila. Muli ko silang dadalhin sa lugar na ito at mamumuhay sila nang payapa. 38Magiging mamamayan ko sila at akoʼy magiging Diyos nila. 39Bibigyan ko sila ng pagkakaisa sa puso at hangarin sa buhay para sambahin nila ako magpakailanman, para sa sarili nilang kabutihan at sa kabutihan ng mga angkan nila. 40Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila na patuloy akong gagawa ng mabuti sa kanila. Bibigyan ko sila ng hangaring gumalang sa akin upang hindi na sila lumayo sa akin. 41Kagalakan ko ang gawan sila ng mabuti at buong puso ko silang patitirahin sa lupaing ito.”
42Sinabi pa ng Panginoon, “Kung paano ko pinadalhan ng kapahamakan ang mga taong ito, darating ang araw na padadalhan ko rin sila ng kabutihang ipinangako ko sa kanila. 43At muling magbibilihan ng mga bukid sa lupaing ito na ngayon ay malungkot at walang naninirahang tao o hayop man dahil ibinigay ito sa mga taga-Babilonia.
44“Muling magbibilihan ng mga bukid na bayad ay pilak, at may katibayang lalagdaan, tatatakan at sasaksihan na patunay ng bentahan. Gagawin ito sa lupain ni Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, sa mga bayan sa kabundukan at kaburulan sa kanluran, at sa Negeb. Mangyayari ito dahil pababalikin ko ang mga mamamayan ko sa lupain nila mula sa pagkakabihag.#32:44 Tingnan ang talababa sa 29:14. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Kasalukuyang Napili:

Jeremias 32: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in