Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 36

36
Sinalakay ng mga Taga-Asiria ang Jerusalem
(2~Hari 18:13‑27; 2~Cro. 32:1‑19)
1Nang ikalabing-apat na taon ng paghahari ni Ezequias, nilusob ni Haring Senaquerib ng Asiria ang lahat ng tanggulang lungsod ng Juda at sinakop ito. 2Noong nasa Laquis si Senaquerib, inutusan niya ang kumander ng mga sundalo niya pati ang buong hukbo niya na pumunta sa Jerusalem at makipagkita kay Haring Ezequias. Nang nasa labas na ng Jerusalem ang kumander, tumigil muna siya at ang kanyang hukbo sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig. Malapit ito sa daan papunta sa pinaglalabahan. 3Nakipagkita sa kanya roon si Eliakim na anak ni Hilkias, na namamahala ng palasyo, si Shebna na kalihim, at si Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian.
4Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Ezequias na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:
“ ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? 5Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, ngunit walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? 6Sa Ehipto ba? Kapag nagtiwala kayo sa bansang ito at sa hari nito, para kayong sumandal sa marupok na tungkod na madaling mabali at nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. 7Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Diyos, ngunit hindi baʼt ikaw din Ezequias ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?
8“ ‘Ngayon, inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng dalawang libong kabayo kung may dalawang libo ka ring mangangabayo. 9Hindi ka talaga mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Ehipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 10At isa pa, iniisip mo bang labag sa Panginoon ang pagpunta ko rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.’ ”
11Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, maaari bang kausapin mo kami sa wikang Arameo, dahil ang wikang ito ay naiintindihan din namin. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.”
12Ngunit sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”
13Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mga mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 14Ito ang sinasabi ng hari: Huwag kayong magpaloko kay Ezequias. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 15Huwag kayong maniwala kay Ezequias na manalig sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’
16“Huwag kayong makinig kay Ezequias! Ito ang ipinasasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga tanim at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 17hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng alak at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay. 18Huwag ninyong pakinggan si Ezequias. Inililigaw lamang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ May mga diyos ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 19May nagawa ba ang mga diyos ng Hamat, Arpad, at Sefarvaim? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 20Alin sa mga diyos ng mga bansang ito ang nakapagligtas ng kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking mga kamay?”
21Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Ezequias na huwag sumagot. 22Pagkatapos, pinunit nina Eliakim na anak ni Hilkias na tagapamahala ng palasyo, ang kalihim na si Shebna, at Joa na anak ni Asaf ang damit nila sa labis na kalungkutan. Bumalik sila kay Ezequias at ipinaalam ang lahat ng sinabi ng kumander ng mga sundalo.

Kasalukuyang Napili:

Isaias 36: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in