Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Hageo 2

2
1Noong ika-dalawampuʼt isang araw ng ikapitong buwan, nagsalita ang Panginoon kay Propeta Hageo na nagsasabing: 2“Kausapin mo si Zerubabel na anak ni Selatiel, gobernador ng Juda, at si Josue na anak ni Josadac, na siyang punong pari, pati ang naiwang lahi ng mga Israelita. Tanungin mo sila, 3‘Sino sa inyo ang nakakita ng kadakilaan noon ng templong ito? Ano ngayon ang tingin ninyo rito kung ihahambing sa dati? Maaaring sabihin ninyo na balewala lang ito. 4Kaya magpakatatag ka, Zerubabel,’ sabi ng Panginoon. ‘Magpakatatag ka, Josue, punong pari na anak ni Josadac. Magpakatatag kayong lahat na mamamayan ng lupain. Simulan na ninyong kumilos. Sapagkat kasama ninyo ako,’ sabi ng Panginoon ng mga Hukbo. 5‘Ganito rin ang ipinangako ko sa inyong mga ninuno nang inilabas ko sila#2:5 sila: Sa Hebreo, kayo. sa Ehipto. At ngayon, ang aking Espiritu ay mananatiling kasama ninyo, kaya huwag kayong matakot.’
6“Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: ‘Hindi magtatagal at yayanigin kong muli ang langit at ang mundo, ang dagat at ang lupa. 7Yayanigin ko ang lahat ng bansa at dadalhin nila rito sa Templo ang kanilang mga kayamanan. Kaya mapupuno ang tahanang ito ng kaluwalhatian,’ sabi ng Panginoon ng mga Hukbo. 8‘Sapagkat ang mga ginto at mga pilak ay akin,’ sabi ng Panginoon ng mga Hukbo. 9‘Higit pa kaysa sa dati ang karangyaan ng bagong Templo. At bibigyan ko ang lugar na ito#2:9 ang lugar na ito: Ang templo o ang Jerusalem. ng kapayapaan at mabuting kalagayan sa buhay,’ sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.”
Ang Pangako ng Diyos na Pagpapala
10Nang ika-dalawampuʼt apat na araw ng ikasiyam na buwan, noong ikalawang taon ng paghahari ni Dario, sinabi ng Panginoon kay Propeta Hageo, 11“Tanungin mo ang mga pari kung ano ang sinasabi ng kautusan tungkol sa bagay na ito: 12Halimbawa, may isang taong may dalang sagradong karne#2:12 sagradong karne: Ang ibig sabihin, karneng handog sa Diyos. sa kanyang damit, at nasagi ito sa tinapay, sabaw, inumin, langis, o anumang pagkain, maaapektuhan ba ang mga ito ng pagkasagrado ng karne?”
Sumagot ang mga pari, “Hindi.”
13Kaya nagtanong pa si Hageo, “Kung halimbawa, ang mga pagkaing nabanggit ay nasagi ng taong itinuturing na marumi dahil nakahipo siya ng patay, magiging marumi rin ba ang mga pagkaing iyon?”
Sumagot ang mga pari “Oo.”
14Sinabi ni Hageo, “Ganyan din noon ang mga mamamayan ng Israel, sabi ng Panginoon. Noon anuman ang kanilang mga ginawa at mga inihandog ay marumi sa paningin ng Panginoon.
15“Mula ngayon, isipin ninyong mabuti ang mga nangyari sa inyo bago ninyo umpisahan ang pagtatayo ng templo ng Panginoon. 16Sapagkat noon, kapag pumunta kayo sa mga bunton ng inyong mga trigo na umaasang makakaipon ng mga dalawampung takal, ang nakukuha ninyo ay sampu lang. At kapag pumunta kayo sa pisaan ng inyong ubas na umaasang makakakuha ng limampung galon, ang nakukuha ninyo ay dalawampung galon lang. 17Sinira ng Panginoon ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin, peste, at pagpapaulan ng yelo na parang mga bato, pero hindi pa rin kayo nagbalik-loob sa kanya. 18Ika-dalawampuʼt apat na araw ngayon ng ikasiyam na buwan, at ngayong araw na ito natapos ang pundasyon ng templo ng Panginoon. Tingnan ninyo kung ano ang mangyayari mula sa araw na ito. 19Kahit wala nang natirang trigo, at wala nang bunga ang mga ubas at ang mga kahoy ng igos, pomegranata, at olibo, pagpapalain naman kayo ng Panginoon simula sa araw na ito.”
Ang Pangako ng Diyos kay Zerubabel
20Nang araw ding iyon,#2:20 Nang araw ding iyon: Sa literal, Nang ika-24 na araw ng buwan na iyon. muling nagsalita ang Panginoon kay Hageo. 21Sinabi niya, “Sabihin mo kay Zerubabel na anak ni Selatiel at gobernador ng Juda, na yayanigin ko ang langit at ang lupa. 22Ibabagsak ko ang mga kaharian at wawakasan ang kapangyarihan nila. Ibubuwal ko ang kanilang mga karwahe at ang mga sakay nito. Mamamatay ang mga kabayo at magpapatayan ang mga mangangabayo.
23“At sabihin mo rin sa aking lingkod na si Zerubabel na anak ni Selatiel na sa araw na iyon ay pamamahalain ko siya sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, dahil siya ay hinirang ko. Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ang nagsasabi nito.”

Kasalukuyang Napili:

Hageo 2: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in