46
Pumunta si Jacob sa Ehipto
1Naglakbay nga si Jacob papunta sa Ehipto, dala ang lahat ng kanyang ari-arian. Pagdating niya sa Beer-seba, naghandog siya sa Diyos ng ama niyang si Isaac.
2Kinagabihan, nakipag-usap ang Diyos sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain. Tinawag ng Diyos si Jacob, at sumagot si Jacob sa kanya.
3Pagkatapos, sinabi niya, “Ako ang Diyos, na siyang Diyos ng iyong ama. Huwag kang matakot pumunta sa Ehipto, dahil gagawin ko kayong isang kilalang bansa roon. 4Ako mismo ang kasama mo sa pagpunta sa Ehipto at muli kitang ibabalik dito. At kung mamamatay ka na, nandiyan si Jose sa iyong tabi.”
5Kayaʼt naglakbay si Jacob mula sa Beer-seba, at dinala siya ng kanyang mga anak sa Ehipto. Pinasakay siya, ang kanyang mga apo, ng mga anak niya sa karwaheng ibinigay ng Faraon para sakyan niya. 6Dinala nila ang kanilang mga alagang hayop at ang mga ari-ariang naipon nila sa Canaan. Kaya pumunta si Jacob at ang kanyang sambahayan sa Ehipto. 7Isinama niya ang lahat ng kanyang mga anak at mga apo, lalaki at babae.
8Ito ang mga pangalan ng mga lahi ni Jacob na pumunta sa Ehipto:
Si Ruben ang panganay niyang anak. 9Ang mga anak na lalaki ni Ruben ay sina Enoc, Falu, Hezron at Carmi.
10Ang mga anak na lalaki ni Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at si Saul na anak ng isang babaeng taga-Canaan.
11Ang mga lalaking anak ni Levi ay sina Gerson, Kohat at Merari.
12Ang mga anak na lalaki ni Juda ay sina Er, Onan, Shela, Peres at Zera. (Ngunit si Er at Onan ay namatay sa Canaan.) Ang mga anak na lalaki ni Perez ay sina Hezron at Hamul.
13Ang mga anak na lalaki ni Isacar ay sina Tola, Pua, Iob at Simron.
14Ang mga anak na lalaki ni Zebulun ay sina Sered, Elon at Jahleel.
15Sila ang tatlumpuʼt tatlong anak at apo ni Jacob kay Lea na ipinanganak sa Padan-aram, at kabilang ang anak niyang babae na si Dina.
16Ang mga anak na lalaki ni Gad ay sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi at Areli.
17Ang mga anak na lalaki ni Asher ay sina Imna, Isva, Isvi at Berias at ang kapatid nilang babae na si Sera. Ang mga anak ni Beria ay sina Heber at Malquiel.
18Sila ang labing-anim na anak at apo ni Jacob kay Zilpa na aliping ibinigay ni Laban kay Lea.
19Ang mga anak na lalaki ni Jacob kay Raquel ay sina Jose at Benjamin.
20Ang mga anak na lalaki ni Jose kay Asenat na ipinanganak sa Ehipto ay sina Manases at Efraim. (Si Asenat ay anak na babae ni Potifera na pari ng On.)
21Ang mga anak na lalaki ni Benjamin ay sina Bela, Bequer, Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Mupim, Hupim at Ard.
22Sila ang labing-apat na lalaking anak at apo ni Jacob kay Raquel.
23Ang anak na lalaki ni Dan ay si Husim.
24Ang mga anak na lalaki ni Neftali ay sina Jahzeel, Guni, Jeser at Silem.
25Sila ang pitong anak at apo ni Jacob kay Bilha na aliping ibinigay ni Laban kay Raquel.
26Ang bilang ng lahat ng anak at apo ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay animnapuʼt anim. Hindi pa kabilang dito ang mga asawa ng kanyang mga anak. 27Kasama ang dalawang anak na lalaki ni Jose na ipinanganak sa Ehipto, pitumpu#46:27 Sa Griyego, pitumpuʼt lima. Tingnan sa Exo. 1:5; Gawa 7:14. ang kabuuan ng sambahayan ni Jacob na natipon sa Ehipto.
28Nang malapit na sila sa Ehipto, inutusan ni Jacob si Juda na maunang pumunta kay Jose upang ituro sa kanila ang daang patungo sa Goshen. At nang makarating na sina Jacob sa Goshen, 29sumakay si Jose sa karwahe niya at pumunta sa Goshen para salubungin ang kanyang ama. Nang magkita sila, niyakap ni Jose ang kanyang ama at matagal na umiyak.
30Sinabi ni Jacob kay Jose, “Ngayon, handa na akong mamatay dahil nakita kong mismo na buhay ka pa.”
31At sinabi ni Jose sa mga kapatid niya at sa buong sambahayan ng kanyang ama, “Aalis ako at sasabihin sa Faraon na narito na ang mga kapatid ko at ang buong sambahayan ng aking ama na nakatira sa Canaan. 32Sasabihin ko rin sa kanya na nagpapastol kayo ng mga hayop, at dinala ninyo ang mga hayop ninyo at ang lahat ng ari-arian ninyo. 33Kaya kapag ipinatawag niya kayo at itinanong kung ano ang trabaho ninyo, 34sabihin nʼyo na nagpapastol kayo ng mga hayop mula pagkabata katulad ng mga magulang ninyo, upang patirahin niya kayo sa Goshen. Sapagkat nasusuklam ang mga Ehipsiyo sa mga nagpapastol ng hayop.”