Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 38

38
Si Juda at si Tamar
1Nang panahon ding iyon, humiwalay si Juda sa mga kapatid niya at doon nanirahan kasama ni Hira na taga-Adulam. 2Doon nakilala ni Juda ang anak ni Sua na taga-Canaan at napangasawa niya ito. 3Dumating ang panahon, nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan ni Juda ang sanggol na Er. 4Muli siyang nagbuntis at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Onan. 5Nagbuntis pa siya at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Shela. Isinilang si Shela sa Kizib.
6Si Tamar ang napili ni Juda upang maging asawa ng kanyang panganay na si Er. 7Ngunit si Er ay naging suwail sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay siya ng Panginoon.
8Kaya sinabi ni Juda kay Onan, “Sipingan mo ang hipag mo dahil tungkulin mo iyan bilang kapatid ng asawa niyang namatay, para sa pamamagitan mo ay magkaroon din ng mga anak ang iyong kapatid.” 9Ngunit alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak nila, kaya tuwing magsisiping sila ni Tamar, itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi upang hindi siya magkaanak para sa kanyang kapatid. 10Masama ang ginawa ni Onan sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay din niya ito.
11Sinabi agad ni Juda kay Tamar na kanyang manugang, “Umuwi ka muna sa iyong ama, at huwag kang mag-asawa hanggang magbinata na si Shela.” Sinabi iyon ni Juda dahil natatakot siya na baka mamatay din si Shela katulad ng mga kapatid niya. Kaya umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.
12Dumating ang panahon, namatay ang asawa ni Juda. Pagkatapos ng kanyang pagdadalamhati, pumunta siya sa mga manggugupit ng balahibo ng kanyang mga tupa roon sa Timna. Kasama niyang pumunta roon ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam.
13May nagsabi kay Tamar na ang biyenan niya ay pupunta sa Timna upang pagupitan doon ang mga tupa nito. 14Nang marinig iyon ni Tamar, pinalitan niya ang kanyang damit na pambalo, at tinakpan ng belo ang kanyang mukha. Naupo siya sa may pintuan ng bayan ng Enaim, sa tabi ng daan na papunta sa Timna. Sapagkat kahit binata na si Shela ay hindi pa rin ibinibigay sa kanya upang maging asawa niya ito.
15Nang makita ni Juda si Tamar, inakala niyang isa siyang babaeng bayaran sapagkat nagtakip siya ng mukha. 16Dahil hindi niya namukhaan ang kanyang manugang, lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan at sinabi, “Halika, magsiping tayo.”
Sumagot si Tamar, “Ano ang ibabayad mo sa akin upang sumiping ako sa iyo?”
17Sinabi ni Juda, “Bibigyan kita ng batang kambing mula sa aking mga hayop.”
Sumagot si Tamar, “Papayag ako kung may ibibigay ka sa akin upang makatiyak ako na babayaran mo ako hanggang maipadala mo na ang kambing.”
18Nagtanong si Juda, “Anong garantiya ang gusto mo?”
Sumagot si Tamar, “Ibigay mo sa akin ang iyong pantatak at ang tali nito, pati ang tungkod na hawak mo.” Kaya ibinigay ni Juda ang mga ito at nagsiping sila, at nabuntis si Tamar. 19Nang umuwi si Tamar, tinanggal niya ang takip ng kanyang mukha at muling isinuot ang kanyang damit na pambalo.
20Hindi nagtagal, ipinahatid ni Juda ang batang kambing sa kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam upang kunin ang mga bagay na ibinigay niya sa babae bilang garantiya, ngunit hindi niya ito nakita. 21Nagtanong si Hira sa mga lalaking taga-Enaim kung nasaan na ang babaeng bayaran, na nakaupo sa tabi ng daan.
Ngunit sumagot ang mga tao, “Wala naman kaming nakitang ganoong babae rito.”
22Kaya bumalik si Hira kay Juda at sinabi, “Hindi ko siya nakita. At sinabi ng mga tao na wala naman daw babaeng bayaran doon.”
23Sinabi ni Juda, “Hayaan na lang natin na itago niya ang mga ibinigay kong gamit sa kanya, dahil baka pagtawanan pa tayo ng mga tao na naghahanap tayo sa wala. Ganoon pa man, pinahatiran ko naman siya ng batang kambing ngunit hindi mo naman siya makita roon.”
24Pagkalipas ng tatlong buwan, nabalitaan ni Juda na ang manugang niyang si Tamar ay nagbenta ng dangal at nabuntis ito.
Kaya sinabi ni Juda, “Ilabas siya at sunugin.”
25Ngunit nang ilalabas na si Tamar, ipinasabi niya kay Juda, “Narito ang pantatak, panali at pati ang tungkod. Ang may-ari ng mga ito ang ama ng sanggol na nasa sinapupunan ko. Kilalanin nʼyo kung kanino ito.”
26Nakilala ni Juda na kanya ang mga gamit na iyon kaya sinabi niya, “Wala siyang kasalanan. Ako ang nagkasala dahil hindi ko pinayagang mapangasawa niya ang anak kong si Shela.” Hindi na muling sumiping si Juda kay Tamar.
27Nang malapit nang manganak si Tamar, nalaman niyang ang sanggol na nasa kanyang sinapupunan ay kambal. 28At nang nanganganak na siya, lumabas ang kamay ng isang sanggol. Tinalian ito ng manghihilot ng taling pula upang malaman na ito ang unang isinilang. 29Ngunit ipinasok ng sanggol ang kamay nito at ang kakambal niya ang unang lumabas. Sinabi ng manghihilot, “Nakipag-unahan kang lumabas.” Kaya pinangalanan ang sanggol na Peres.#38:29 Peres: Ang ibig sabihin, Nakipag-unahang lumabas. 30Pagkatapos, lumabas din ang kakambal na may taling pula sa kamay. At pinangalanan siyang Zera.#38:30 Zera: Maaaring ang ibig sabihin, pula.

Kasalukuyang Napili:

Genesis 38: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in